Part 4

1.7K 43 7
                                    


"KUNIG! Kunig!"

Parang walang narinig ang alaga ni L'aq'n. Nagpapahinga sila sa malakuwebang uka ng malaking bato nang biglang tumayo si Kunig, itinaas ang ilong sa hangin, bumuka ang malabilog na tainga, tumirik ang malagong buhok sa paligid ng mukha.

Uh-oh.

Alam na ni L'aq'n ang mangyayari kaya nilundag niya ang alaga para daganan bago pa umigkas ang buntot nito, pero mas mabilis ang kemira. Balahibo na lang ang nahagip niya at pumulas na ng takbo si Kunig papasok sa makapal na kakahuyan.

Kung hindi lang napamahal na sa kanya ang kemira, pababayaan na niya iyong mawala sa kagubatan, malapa ng mga gutom na vulpa, malingkis ng mga lamiya. Napangiwi siya sa naisip. Kahit matigas ang ulo kadalasan ni Kunig, hindi niya kayang mapahamak ang alaga. Bata pa siya nang ibigay iyon ni Umi, ang pangunahing tagapagsilbi ni Inang-Lupa. Maraming pagkakataon na siyang iniligtas ni Kunig sa panganib.

Iyon nga lang, marami na ring pagkakataon na isinuong siya nito sa panganib.

"Kunig!" sigaw uli ni L'aq'n, sinundan ng sipol. Pumasok na rin siya sa kakahuyan. May kumaluskos sa ulunan niya. Natigilan siya. Lamiya? Mga nilalang na gumagapang, mahirap makita dahil mapagbalatkayo ang kulay. Napakalaki ng bunganga, kayang lulunin ang isang paslit. Nanlilingkis hanggang sa madurog ang mga buto ng biktima.

Pero imposible. Panahon ng pangingitlog ng mga lamiya. Hindi lalabas ang mga iyon hanggang magutom uli at maghanap ng makukuhanan ng punla. Ang sariling mga itlog ang kinakain ng lamiya. Mabuti na rin nga at ganoon. Dahil kung hindi... Bawat isang lamiya ay nangigitlog ng dalawampu hanggang tatlumpo. Kung lahat iyon ay mabubuhay...

'Nangkupongbuhay!

Pero dahil sa ugaling iyon ng mga lamiya, isa o dalawa na lang sa mga itlog ang natitira at nagiging bagong lamiya.

Dahil sa kaalamang iyon, nagawang magpatuloy ni L'aq'n sa gubat. Baka mga kawing lang ang kumakaluskos sa mga sanga at dahon. Walang problema sa mga kawing. Maliliit lang ang mga iyon at bungang-kahoy lang ang kinakain, kapag nagulat ay lumilipad lang palayo.

Narinig niya ang ungol ni Kunig.

"Kunig!" Tumakbo siya sa pinanggalingan ng ungol.

Nasa gilid ng bangin si Kunig, may inaangilan sa ibaba. Umatras ang kemira, bumuka ang pakpak.

"Kunig, 'wag!" Hindi ligtas lumipad sa ibabaw ng karagatan sa mga panahong iyon. Gutom ang mga karib, nagagawa ng mga iyong lumundag buhat sa tubig at mahagip ng bunganga ang anumang mapa—

Nanlamig ang buong katawan ni L'aq'n.

Isang malakas at mahabang alulong ang bumasag sa katahimikan ng gubat.

Vulpa!

Ang mababangis, walang mga kinatatakutang vulpa. Walang nakakaligtas sa mga vulpa. Hindi man siya makain ng mga iyon, ikamamatay pa rin niya ang kamandag kung makakagat siya. Kahit siya ang susunod na Hakim at pinaliguan siya sa lawa ng Banal na Hardin, hindi niya kayang pagalingin ang sarili sa mga sugat. Ang enerhiya ay nasa dugo. Kapag tumapon ang maraming dugo, hindi na maibabalik ang enerhiya.

Pero bakit may vulpa sa panig na iyon? Sa pusod ng kagubatan lang madalas naglalagi ang mga vulpa dahil sa mga kuweba nakatira ang mga iyon.

Muling umalulong ang vulpa.

Galit.

Hindi na napigil ni L'aq'n ang takot. Iisa lang ang laman ng isip niya. Tumakbo. Iyon ang payo ng Matandang Asoge. Hindi ipinapayong makipagtuos sa mga vulpa. Kumaripas na siya ng takbo, walang puntirya. Nasa malapit lang ang vulpa at taglay niyon ang bilis ng kidlat...

E N G K A N T OWhere stories live. Discover now