Untitled Part 51

573 20 0
                                    


HINDI talaga pinapasok si Bechang ni Lakan. Binuksan nang kaunti ang gate, hinaltak papasok ang babaeng sosyal, sabay sara uli. Nabuwisit na si Bechang, nagpaalam na lang kay Inay Biring na sasaglit muna sa kanyang ninang.

"Sobrang higpit, matampuhin, gusto niya sa kanya lang iikot ang mundo ko. Sinasakal niya ako," sumbong niya kay Ninang Vangie. "Hindi ako pinapasok, imagine that? Saan ka nakakita ng gano'ng boyfriend?"

"Sabihin mo sa kanya na may mga gusto kang gawin na hindi siya kasama. May sarili kang buhay. Ipakita mo 'yon sa kanya. Pero, iwasan mo rin siyempreng gumawa ng mga bagay na alam mong offensive sa kanya." Normal na ang boses ng ninang niya. Hindi na hinihingal. Payat pa rin pero mas may laman na kaysa noon. Hindi na rin kulay-abo ang balat. Maaliwalas na itong tingnan.

"Sumama lang naman ako kay Nikko, sumimba at mamasyal para na rin sa sarili ko, eh. Wala namang kasiguruhan kay Lakan—" Natigil siya dahil may bumusina sa labas, sunod-sunod.

Hindi nagtagal ay nasa komedor na rin si Dok Raul. "Bechang, nasa labas si Lakan, may kasama. Luluwas daw kayo." Humawak pa ito sa balikat ng asawa, hinaplos. Mabuting asawa na nga. Sinabi sa kanya ni Ninang Vangie na inamin na ni Dok ang totoo, humingi ng tawad. Pinatawad na raw ng ninang niya. Hindi nito sasayangin ang pangalawang buhay sa galit at hinanakit.

"Luluwas?" Tumayo siya. "Una na ho ako, Ninang, salamat po. Dok, sige po. Bait natin ngayon, ah," biro pa niya.

"Kailangan na, eh," sagot ni Dok Raul. Sinamahan siya nito hanggang sa gate para isara na rin iyon paglabas niya.

Nasa passenger seat ng itim na SUV si Lakan. Ang babaeng sosyal ang nasa labas at nag-aabang sa kanya.

"Luluwas daw kami?" tanong ni Bechang sa babae. "Ano nga uli ang pangalan mo?" Magkasintaas siguro sila kung hindi naka-heels ang babae. Slim, parang model pero mukha ring executive ng bangko. Pencil cut ang gray na palda, naka-tuck-in doon ang kremang blusa na parang silk, long-sleeved, close-necked. One-length na bob ang buhok, lampas tainga lang. Parang manyika ang mukha. Maliit, sobrang kinis. Matangos ang ilong, bilugan ang mga mata, katamtaman ang mga labi.

"Gigi Agno. Nakikiusap ako kay Lakan na sumama sa 'kin para matingnan niya ang boss ko. Sasama lang daw siya kung kasama ka."

"Ano'ng sakit ng boss mo?" tanong ni Bechang.

"Lupus. His organs are failing. This is his last chance."

"Sino ang boss mo? Ano'ng pangalan?"

"Senator Joe. Joe Siruno."

"Ha?" Nganga si Bechang. "Malakas pa 'yon, ah?" Popular ang senador na iyon. Ibinoto nga yata niya, eh. Guwapo kasi kahit matanda na. Mukhang mabait. Maganda ang tindig. Wala ring tsismis na corrupt. Malinis, sa pagkakaalam niya.

"Appearances can be deceiving. Tayo na?"

Humingi muna siya ng katibayan. Ipinakita sa kanya ang ID. Sinuri niya at mukhang authentic naman. "Uh, ihahatid mo kami pabalik dito mamaya?"

"Sure. Pero kung masyado nang late, you can stay at the senator's house. We'll provide everything you need."

"Aahh—" Hindi natuloy ang tango ni Bechang. Bigla niyang narinig, mula sa likod ng ngiti ni Gigi. 'What'd he see in her? She's so ordinary.'

Ah, gano'n?

"Sige, tara na." Sumakay na siya sa backseat. "Lakan, seat belt mo, babe."

"Galit pa 'ko sa 'yo," sagot nito.

"OA ka naman," singhal ni Bechang. "Ba't mo pa 'ko 'sinama, galit ka pala? Gusto mo lang akong awayin buong biyahe?"

Pumuwesto na rin sa manibela si Gigi. In-start ang sasakyan.

"Hindi mo inaamin ang kasalanan mo. Hindi ka humihingi ng paumanhin," sabi ni Lakan.

Tumawa si Gigi. "I love the way you speak," sabi nito kay Lakan. May narinig pa si Bechang. 'Gosh, you're really gorgeous, you're turning me on.'

"Ano ga kasalanan ko?" asik niya.

"Sumama ka kay Nikko. Pinagtaksilan mo ako. Hindi ko maunawaan kung bakit sinasaktan mo ang damdamin ko kahit ayaw mong gawin."

"Oh, my God! Stop it! You're killing me!" Si Gigi, tumatawa. Tumingin pa nang eksaherado kay Lakan. "Are you for real?"

"Real na real," sagot ni Bechang.

E N G K A N T OWhere stories live. Discover now