Untitled Part 64

534 20 2
                                    


INIHAGIS ng senador papasok sa kuweba ang mga pinitas nilang bunga sa mga nadaanang puno. Parang mga duhat at makopa.

"Bakit ho?"

"Sshh," saway nito. Ipinagpag ang suit jacket dahil doon ibinalot ang mga bungang kahoy.

Hindi na kailangang sawayin si Bechang. Natigilan siya sa takot nang makarinig ng singasing mula sa kuweba. Parang singasing ng leon o tigre.

Nagsumiksik siya kay Senator Joe.

Mayamaya pa ay nakakita siya ng nagbabagang mga mata. Hindi nagtagal, lumantad ang hayop.

"Ah—" usal ni Bechang. Takot at namamangha. "L-leon na tigre na dragon... na hotdog?!"

Ang ulo ng hayop ay sa leon, mayroon din iyong makapal na buhok. Pero may pakpak na parang sa dragon. May guhit-guhit ang balahibo katulad sa tigre. Mahaba ang katawan, maiksi ang mga paa. Hotdog.

Hindi sila nilusob ng hayop. Kinain ang mga bungang kahoy.

"Kemira," sabi ng senador. "Halika." Kinuha nito ang kamay ni Bechang.

Ayaw niyang maglakad. "B-baka ho mangagat 'yan."

"Hindi sila mabangis. Nais nilang makapagsilbi. Sa mga ganitong yungib sila nakatira." Hinawakan nito sa ulo ang hayop na hotdog.

"Bakit ho sila ganyan? Mixbreed."

"Nakikipagsanib sila sa maraming nilalang."

"Pati ho sa inyo?"

"Hindi naman, ngunit hindi ko iisiping hindi nangyari noong unang panahon, sa mga unang nilalang." Dumapa ang hayop, kahihimas siguro ng senador. "Sa kanya tayo sasakay para mas mabilis tayong makarating sa templo."

"Ho? Baka ho ihulog ako niyan?"

"Marunong manimbang ang mga kemira. Sila ay hindi lamang nakapagsasalita pero higit silang marunong mag-isip kaysa ibang hayop dito sa Nalla. Kung gusto mo ay bigyan mo siya ng pangalan. Ikaw ang ituturing niyang amo."

"Gano'n? Uh, babae ga ho ito o lalaki?"

"Lalaki."

"Uh, Josh?" Wala siyang maisip, eh. Humakbang siya palapit sa hayop. "Josh," ulit niya. Parang natuwa nga ang hayop, umungot na parang tuta—malaking tuta.

Sumampa na ang senador sa likod ni Josh. "Halika na." Inabot nito ang kamay ni Bechang. Napilitan na siyang sumakay rin. Wala naman siyang magagawa, eh. Nandoon na siya.

Pagkasakay, naramdaman ni Bechang na tumayo ang hayop—kemira. Una ay marahan lang ang kampay ng pakpak habang nagsisimula itong lumakad... tumakbo... tumaas na sila pagkalabas sa bunganga ng kuweba.

Ganoon na lang ang sigaw ni Bechang. Parang naiwan ang mga menudensiya niya sa ibaba. Hinampas sila ng mga dahon at sanga ng mga puno, pero ilang saglit pa ay mas mataas na sila sa mga puno.

Pinag-igi ng senador ang pagtapik kay Josh. "Bilisan natin."

Nag-iba ng direksiyon ang lipad ng kemira.

Hanggang mapasigaw na naman si Bechang. Hindi sa takot. Sa pagkamangha sa nakikita niya sa ibaba.

Kadiliman na tadtad ng kumikislap na mga tuldok.

Parang gabi na puno ng bituin. Tuloy, disoriented siya. Pabaligtad ba sila ng lipad at langit nga ang nakikita niya sa ibaba? Tumingala siya. Langit din at parang nababasag na ang dilim, may naaninag siyang malamlam na guhit ng liwanag.

E N G K A N T OWhere stories live. Discover now