Untitled Part 39

614 23 7
                                    


TULI starter pack ng Mamay Berto: kahoy na korteng number 7, flat ang ibabaw at medyo patulis. Isa pang kahoy na pamukpok. Kutsilyo. Parang labaha, mas malapad lang at may handle na kahoy, hindi natitiklop. Hinasa na iyon ng Mamay Berto pagkagising na pagkagising.

Ang Mamay Berto ang official manunuli ng Sirang-Lupa. Sa mahabang panahon, pila-pila ang nagpapatuli kapag mahal na araw. Dinadayo pa ito ng mga tagaibang lugar.

Pero hindi na ganoon ka in demand ang mamay ngayon. Iyong mga walang-wala na lang ang nagpapatuli dito. Ang mga may-kaya, pumupunta na sa doktor. Isa pa ay dumadayo na mismo sa mga bara-barangay ang mga doktor para magbigay ng libreng tuli. Iwas-impeksiyon daw. Iwas-komplikasyon. Pinagsabihan na rin ng mga health workers ang Mamay Berto tungkol sa mga maaaring mangyari kung hindi malinis ang mga gamit.

Tango lang nang tango ang mamay pero kapag may gustong magpatuli, pinagbibigyan pa rin.

May tiwala naman si Bechang sa kakayahan ng kanyang lolo, kaya lang, naniniwala rin siya na mas mainam na sa totoong surgeon magpatuli. Hindi lang talaga niya makumbinsi si Lakan na hindi sukatan ng pagkalalaki ang tuli. Peste sina Buknoy. Sinabihan si Lakan na hindi ito tunay na lalaki dahil supot. Kaya hindi niya ginugusto.

Juskoh.

At isa pang juskoh. Ganoon siya kamahal ng engkanto? Totoo ba talaga iyon?

"Bechang! Parine na!" tawag ng mamay buhat sa kuwarto.

"Ho? Ang inay na!" Siya ang assistant kapag nagtutuli ang Mamay Berto, pero halos lahat naman ng tinutulian ay bata. Hindi pa siya nag-assist sa... kasing-edad ni Lakan.

At kasinlaki.

"Hindi maaari ang inay mo!"

"Kami na lang a-assist!" Taas ang mga kamay nina Miami.

Iningusan ni Bechang ang mga ito, napilitan na siyang umakyat. Nang paatras, dahil kailangan pa niyang bantaan ang mga bakla. "Walang susunod, malilintikan kayo." Nakaamba ang itak ni Gabriella Silang. Suot niya sa baywang ang kaluban niyon. Hindi pa rin umaalis sa labas ang mga tao, maingay pa rin.

Pero pagdating sa pinto ng kuwarto kung saan gaganapin ang operasyon, nanlambot na ang mga tuhod niya. "Mamay, kayo na laang—" Baka atakehin siya sa puso kapag nakita ang mangyayari kay Lakan.

"Bilisan mo na," sabi ng mamay mula sa loob ng kuwarto, halatang inip na.

"Oho." Binuksan niya ang pinto.

Juskopolord.

Nakaupo na sa kama si Lakan. Hubo't hubad. Nakalapat sa sahig ang mga paa. Nakabukaka. Naahitan na nang kaunti.

Ang hinilang balat ng tutuliin ay nakasalang na sa sangkalan.

"Pukpukin mo na," utos ng Mamay Berto. Nakaupo sa maliit na upuang kahoy sa harap ni Lakan.

"Teka ho." Kinuha ni Bechang sa basin ang lalagyan ng Betadine.

Angal agad ang mamay. "Ano iyan?"

"Betadine ho, para hindi maimpeksiyon."

"Ala! Hindi ko lalo makikita 'pag binuhusan mo niyan!"

Hanggang maaari, gusto ng Mamay Berto ng natural na liwanag. Kaso maraming nanonood, umakyat na sa puno ang iba, kaya isinara nila lahat ng bintana. Sa fluorescent lang umaasa ng liwanag ang Mamay Berto at ikinaiinis nito iyon.

"Importante ho ito," giit niya.

"Alahuy! Sa tagal ko nang nagtutuli na, wala niyan." Hinaltak pa nito ang balat—foreskin ni Lakan. Walang reaction ang engkanto. Natural. Hindi pa masakit, eh. Ewan lang niya kapag pinukpok na.

Totoo rin naman ang sinabi ng mamay. Wala namang napahamak sa mga tinulian nito. Pero sabi nga ng health worker dati, hihintayin pa raw ba ng mamay na may mapahamak?

"Bilis na, o! Tampos na ito." Ibig sabihin, maluwag na ang balat, hindi na nakadikit sa ulo ng ari.

Kinuha ni Bechang ang pamukpok. Hindi matatapos ang tuli kung makikipagtalo pa siya.

Ipinatong na ng Mamay Berto ang kutsilyo sa balat.

Humanda siyang pukpukin iyon. Nanghina ang mga tuhod niya. "Hindi ko kaya, Mamay." Mangiyak-ngiyak na siya.

"Bakit?" tanong ni Lakan. May kuryosidad at takot sa guwapo nitong mukha.

"Naaawa ako sa 'yo."

"Lintek na are!" mura ng Mamay Berto. "Siya, ikaw dine! Ako na pupukpok!"

Nagpalit sila ng puwesto.

"Ayusin mo," utos pa ng mamay. "Hilahin mo!"

"Ho?"

"Isuksok mo ng husay!" Ang foreskin. Sa dulong patulis ng sangkalan.

Napilitan siyang sumunod dahil ayaw naman niyang pumalpak ang tuli.

Kaso...

"Ala—" ungot niya.

"Ano ga?" Kandadukwang ang Mamay Berto. Napalatak din. "Ay, nakupo! Palambutin mo muna iyan!"

Pagtingin ni Bechang kay Lakan, nakamata rin ito sa kanya.

"Uh... r-relaks ka daw muna, para... lumambot uli," sabi niya.

Biglang ngumisi ang engkanto. "Handa na 'kong sumanib," sabi nito.

Eh, oo nga, handang-handa.

"Ba't ka sasanib, ano ka demonyo?" Ang Mamay Berto.

"H-hindi pa puwede ngayong sumanib, pabalikin mo muna 'yan sa dati." Mababali na ang leeg ni Bechang sa pag-iwas ng tingin.

Biglang humiga si Lakan, unan ang mga kamay. Prente. Hindi bale nang nakabukaka sa harap niya.

Mayamaya ay bumulalas na ang mamay. "'Yan, puwede na ule! Ako na uli diyan at baka manigas na naman 'pag hinawakan mo." Pinatayo nito si Bechang.

Tatawa-tawang bumangon si Lakan. "Oo nga," sang-ayon nito sa Mamay Berto.

"Tinamaan ka ng magaling!" singhal ng mamay sa engkanto. "Apo ko pa ang nagustuhan mo!" Dinuro nito ng labaha/kutsilyo si Lakan. "'Wag na 'wag mo 'yang sasaktan, sasamain ka sa akin. Puputulin ko iyan!" Inambahan nito ng kutsilyo ang hinaharap ng engkanto. "Ipakakain ko sa iyo!"

"Ho?"

"Oo. Mangako ka! Hindi mo aapihin ang apo ko!"

"Pangako," sagot ni Lakan.

"Magaling naman," sabi ng Mamay Berto, inayos na uli ang sangkalan at ang tutuliin. "Siya, pukpok na at nang matapos na."

Huminga si Bechang nang malalim na malalim.

Tapang, kasihan mo ako.

Unang pukpok.

"Ah!" Igtad si Lakan.

Pangalawang pukpok.

"Aaa—www!"

Umagos na ang dugo.

Pangatlong pukpok.

"AAHHHHH!"

Hiyawan din ang mga tao sa labas nang marinig ang sigaw ni Lakan.

E N G K A N T OWhere stories live. Discover now