Untitled Part 11

1.2K 31 5
                                    


NAKASUBSOB si Bechang sa mesa nang may marinig silang kaluskos mula sa itaas. Napatuwid agad siya. Nagkatinginan sila ng Mamay Berto.

"Hindi pa umaalis, Berto. Nandoon pa," bulong ng Inay Biring.

Ibinaba ng mamay ang tasa—ewan kung nakailang tasang kape na. "Ang pinakamaganda'y kausapin na uli natin. Hindi natin maiintindihan, eh. Ano ba ga siya? Saan ga talaga siya nanggaling? Pilitin na laang nating intindihin ang sinasabi."

"Mauna kang umakyat," sagot ni Inay Biring.

"Ako na ho." Tumayo si Bechang. Naisip lang niya, kung mananakit ang lalaki sa itaas, kanina pa sana. Pero hindi naman bayolente, para lang si Tarzan. Tarzan na walang bahag.

"Ang gulok mo?"

"Narine pa ho." Hinawakan niya ang suot na kaluban. Nanguna siyang umakyat. Kung talagang engkanto ang lalaki, gusto niyang maintindihan ang sinasabi nito. Gusto niyang makausap nang maayos.

Kumatok siya.

Bumukas ang pinto.

Nakangiti ang lalaki. May suot nang... kumot. Nakatapis sa baywang.

"Dinapuan," sabi nito.

Nganga si Bechang. Tuwid nang magsalita?

"A-ako nga. Ikaw... sino ka talaga?"

"Lakan!" pasigaw nitong sagot. Excited. Parang, 'dyarann!' Itinaas pa ang mga kamay, lumiyad. "Nagmula sa Emperyong Nalla! Mabuhey! Naniniwala ako, I belib—"

Napalatak na si Bechang. "Hala!" Hindi niya malaman kung tatawa o ano. Ang alam lang niya, manghihinayang talaga siya kung, "Bakla ka?" Astang beki sa beaucon, eh.

"A—no bak-la?" tanong nito.

"'Yong... ganyan... Ano, lalaki na gustong maging babae... pusong babae. Sa lalaki din nagkakagusto."

Ganoon na lang ang iling ng lalaki, ikinumpas ang mga kamay, left and right. "Hin—di... bak—la." Bak-lah ang bigkas nito sa 'bakla.' Itinuro ang sarili. "A-ko gus—to Dinapuan."

"Ako?" Hindi na yata siya takot. Mas gusto na niyang kiligin.

Ang daming tango ng lalaking hindi maipaliwanag.

"Uh, Lakan... Lakan nga, 'di ga?"

"Lakan," ulit nito. Parang porener, L'ak'n.

"Oo, Lakan. Saan 'yong emperyo mo na sinasabi?"

"Nalla. Iba... sukod."

"Sukod?"

"Sukod," ulit lang nito.

Patay. Tagalog ba iyon?

"Ah... iba ang salita n'yo." Obvious naman. "Pero mukhang nakakaintindi ka naman ng salita namin kahit paano."

"Ako... dinig... mga bata... mga... diyosa."

"Diyosa? Sina Miyami?" bulalas ni Bechang. "Kilala mo?" Tropa iyon ng mga beking chaka sa Sirang-Lupa.

Hinawakan ni Lakan ang tainga. "Dinig ko lahat. Do'n." Tumuro ito sa labas. "Sim-bo-yo."

"Doon ka galing? Sa lumang simboryo? Sa balite?" Kung ganoon ay... engkanto nga ito!

"Nalla. Sumpa. Mugi."

"Ano 'yong mugi?"

Pinalobo ni Lakan ang mga pisngi. Ngumanga. Inilawit ang dila. Lobo uli ang pisngi. Lumukso. "Krook-krowk-kokak."

"Palaka!" sabay pa sina Bechang at Inay Biring.

"Sinasabi ko na, eh," sabi naman ng mamay.

Napahakbang si Bechang palapit sa lalaki. "Ikaw... ang... palaka?"

"Pa—laka? Owo, mugi! Balik anyo Lakan sa labi ng Dinapuan."

"L-labi ko? Eh, teka... Ano ba 'yong dumapo sa 'kin?"

"Hubri." At nagsalita na naman si Lakan ng hindi maintindihan. Bago, "Tsori."

"O-okay lang. Ano 'yong Hubri?"

Umiling ito. "Dzi... Dzi... Wala ako... wika... salita..." Lumungkot ang mukha nito.

Naintindihan ni Bechang. "Hindi mo pa kabisado ang salita namin. Hindi mo pa kayang ipaliwanag."

Parang naiintindihan din naman siya ng engkanto. Nakakaintindi na hindi nakakaintindi ang expression.

"Kailangan mo na bang bumalik sa inyo? Sa emperyo?"

Umiling ito. Hindi na-gets ang tanong niya o hindi kailangang bumalik sa pinanggalingan?

Ang hirap.

"Tuturuan na lang muna kita ng salita namin," sabi ni Bechang at hinarap ang dalawang matanda. "Inay, Mamay, 'wag muna nating ipagsabi ang tungkol kay Lakan. Baka dumugin ito dito. Dito muna siya sa atin."

"Wala naman tayong magagawa, eh. Dine sumulpot iyan. 'Pag itinaboy natin, baka magalit ang mga kasamahan," sabi ng Inay Biring.

Detalyado ang kuwento, ha. Impressive si Bechang. Dumukwang ako nang kaunti sa mesa at bumulong sa kanya. "Ga'no kalaki ang lawet?"

"Do'n ka talaga interesado?"

"Writer ako, importante sa 'kin ang detalye." Told yah, my job justifies everything.

"Pagkalaki. Pagkahaba." Napapikit pa si Bechang. Kinilig kami pareho. Nag-appear kami. High-five.

Hindi na ako sigurado kung budol nga siya.

Bumulong uli ako. "Tuli?"

Humagalpak si Bechang. "Secret."

At lumipas daw ang ilang araw...

e:RC7

E N G K A N T OWhere stories live. Discover now