Untitled Part 20

2.4K 44 13
                                    


PUMASOK sila sa computer shop. Habang nasa daan, ipinapaliwanag na ni Bechang kay Lakan kung ano ang computer. Sa abot ng kanyang makakaya. Na-realize kasi niya, mahirap pala.

Bano. Ignoramus.

Hindi lang iyon, para din siyang may hilang tuta na kada may masinghot na kakaiba, hinihintuan. Ineeksamin. Tuloy, ang dami nang nakakita sa uber guwapo niyang kasama.

Dalawang booths ang kinuha ni Bechang. Magkatabi sila ni Lakan.

Pinaupo muna niya ito. "Manonood ka lang diyan, parang 'yong TV sa bahay. Marami kang matututunan diyan," sabi niya. Mabuti na lang at naka-headset ang mga tao doon at walang paki sa paligid. Matapos niyang ituro kung paano gamitin ang mouse at keyboard, sinalpakan na rin niya ng headset si Lakan at nag-play ng music videos sa YouTube.

Saka lang siya naupo sa katabing unit.

Google.

Una niyang hinanap ang BLUE DIAMOND IMAGES.

Pigil ni Bechang ang hininga, pigil na pigil ding magsalita. Parang sasabog ang kanyang dibdib. Kahawig na kahawig ng batong nasa bulsa niya—nakabalot sa panyo—ang mga larawan.

Nag-type siya ng panibago: HOW TO TEST IF DIAMOND IS REAL.

Nagbasa siya.

At nagbasa.

Hindi na niya namamalayan ang katabi.

Nang makontento si Bechang sa binasa, kinalabit niya si Lakan. Iniangat niya nang kaunti ang headset para marinig siya. "Tara na. May pupuntahan pa tayo."

"Hindi pa ako tapos manood," sabi nito.

"Bukas mo na uli panoorin."

"Ayoko. Ngayon ko gusto. Gusto ko 'to," turo nito sa screen.

Music video ni Beyonce.

Batong-puraw, ha.

Alam ko na kung ano ang gagamitin ni Bechang para matangay ang kayamanan sa bag ko.

Diamonds.

Kunwari.

Feeling niya masisilaw ako do'n? Walang appeal sa 'kin ang mga batong-puraw na 'yan. Marami n'on sa Africa at kung saan-saan pa. Tinatago lang ng diamond industry para laging mataas ang presyo. At kawawa ang mga alipin do'n, sa Sierra Leone. Pangalawa, pino-produce na sa laboratoryo ang mga diamonds. Walang ipinagkaiba sa natural. Iyon ang ginagamit sa 'diamond peel,' halimbawa.

Sorry, Bechang, diamond is not this girl's best friend.

Naglalakad na kami pauwi. Deretso lang mula sa lomihan ang bahay namin. Mga apat na kanto na mahahaba. Kalapit ng barangay namin ang barangay nina Bechang. Nandoon ang mababang paaralan kung saan ako nag-elementary. At doon, sa school na iyon, sangkaterba raw ang engkanto. Nangunguna na si Juana'ng Ilaya. Hindi siya nakaputi gaya ni Maria Makiling, halimbawa.

Nakapula raw si Juana. Engkantada in red ang peg.

Ang pinaka-popular na kuwento tungkol sa kanya, 'yong nakikita raw ng mga estudyanteng maaga pumasok si Juana. Sa classroom. Nadadatnan daw ang engkantada o diwata na nakaupo sa mga desk na pinagpatong-patong sa gitna ng room.

Nai-imagine ko. Nakakatakot ngang makakita ng babaeng nasa tuktok ng mga desk umagang-umaga. Pero kahit bata pa ako noon at shunga, alam ko nang walang sense ang kuwento. Naisipan ng engkantada at sasampa sa mga desk? Nananakot lang? Maraming paraan ng pananakot.

Marami rin daw duwende doon. Siyempre, when there's a fairy, there's a duwende. And tikbalang. And kapre.

Doon sa lugar na iyon nakatira si Bechang, malamang doon niya nasagap ang mga kuwentong engkanto. Now, she's using it to extort money from people.

Hindi pa rin ako decided kung sasama ako sa bahay niya. Baka rin nga kasi serial killer siya...

A

E N G K A N T OWhere stories live. Discover now