Untitled Part 33

604 25 0
                                    


NAGULAT ang Matandang Asoge nang bigla na lang bumukas ang pinto ng kanyang kulungan.

Tumayo siya buhat sa sulok kung saan siya nakaupo. "I-Irin... Mahal na reyna—" Nanghihina siya dahil hindi pa siya pinapakain at pinapainom mula nang dalhin doon.

"Kumusta ka, Hamil?"

"Batid n'yo ang kasagutan, Kamahalan."

Kumumpas ang reyna. Isang kawal ang nagpasok ng mga prutas at inumin sa kulungan.

Agad sinunggaban ni Hamil ang pagkain.

"Makakauwi ka na kung sasabihin mo ang nais kong malaman," sabi ng reyna.

"A-ano po 'yon?"

"Batid mo ang kasagutan, Hamil."

Uminom na lang siya ng tubig.

"Ninakaw ni Kunig ang Salamin ng Amulaki, Hamil. Alam kong batid mo iyan. Sabihin mo na kung nasaan ang salamin," sabi ni Irin. "Ang salamin lamang ang paraan upang masubaybayan ko si L'aq'n. Bilang isang ina'y... nasasabik ako sa aking anak."

"Nauunawaan ko, Kamahalan. Subalit, hindi ko nalalaman ang sinasabi n'yo. Hindi ko alam kung nasaan ang Salamin ng Amulaki. Naawa lamang ako sa kemira kung kaya ko siya inalagaan sa yungib."

"Kung iyan pa rin ang sasabihin mo—" Binuksan ni Irin nang maluwang ang pinto at pinapasok ang dalawang kawal. "Kayo na ang bahala sa Asoge." At kay Hamil, "Binigyan na kita ng pagkakataon. Nagpatuloy ka sa pagmamatigas." Bago ito tumalikod ay pinukulan siya ng tingin. Tingin na nagsasabing alam nito na alam na niya pero wala siyang magagawa.

E N G K A N T OΌπου ζουν οι ιστορίες. Ανακάλυψε τώρα