Untitled Part 29

618 25 0
                                    


LAGING umaalis ng bahay ang Dinapuan, himutok ni L'aq'n. Minsan, kasama siya. Minsan, hindi. Tulad ngayon. Iniwan siya. Pambabae raw ang lakad. Si Inay Biring ang isinama, maaga pa nang umalis. Tumakas.

Nagagalit siya. Bakit ang tagal bumalik ni Bechang? Nakakainip. Wala siyang makausap. Gusto niyang kausap at kasama ang Dinapuan. Masarap iyon sa damdamin. Ang isa pa niyang ikinagagalit, nag-aalala siya. Paano kung may magtangka na naman ng masama kay Bechang?

Idagdag pa sa lahat ng iyon ang ingay sa bahay. Walang humpay ang mga kar... kar... karpintero, pukpok nang pukpok. Mayroong nasa bubong, mayroong nasa kusina.

Kaya lumabas na lang si L'aq'n at naupo sa may tarangkahan. Nanood na lang siya ng mga dumadaan. Isa pa, mabuti na iyong nandoon siya. Makikita agad niya si Bechang kapag dumating.

Doon siya nadaanan ng grupo nina Buknoy. Papunta ang mga ito sa basketbolan. May dalang bola. Pambasketbol ang mga suot.

"Sama ka sa 'min, Lakan. Let's play ober der," yaya ni Buknoy.

"Hindi ako marunong." Pero napanood na niya sa TV kung ano ang basketbol. Ipinaliwanag na rin sa kanya ni Bechang kung paano laruin.

"No problem! We will teach you, Lakan, my men." Itinapat ni Buknoy ang palad sa kanya.

Hindi alam ni Lakan ang gagawin. Pinapahipo sa kanya? De hipuin. Hinipo niya ng hintuturo.

Tumawa sina Buknoy. "No, gimme payb, ha? Yu only gib wan."

"Tara!" yaya pa ng mga kasama nito.

"Tara, Lakan. Wala naman yata si Bechang."

"Sige." Tumayo si L'aq'n. "Okay."

"Orayt!" Naghampasan ng mga kamay ang mga ito. Mayroong nakababa, mayroong nakataas ang palad.

E N G K A N T OWhere stories live. Discover now