Untitled Part 46

555 20 0
                                    


"HINDI ko alam kung kailan siya gigising," sabi ni Dok Raul. Pinatuloy nito sina Bechang kanina at iniwan muna sila sa komedor para asikasuhin ang paglilipat sa asawa at sa mga kailangan nito sa kuwarto. Humila ito ng isang upuan. "Pero mabuti na 'yon, wala siyang nararamdamang sakit."

"Ano po ang sabi sa ospital?"

"Anumang araw. Anumang oras." Kinuskos ni Dok Raul ng mga palad ang mukha. "Ang dami kong kasalanan sa ninang mo. Ang dami kong hindi ginawa para sa kanya. Gawin ko man 'yon lahat ngayon, wala na."

Totoo naman, sa loob-loob ni Bechang. Nangunguna na sa kasalanan nito ang pagpapakasal sa kanyang ninang gayong bakla naman. Pinaibig pa si Ninang Vangie, hindi naman kayang suklian dahil iba ang gusto. Parang nasayang ang buhay ng ninang niya dahil doon.

Pero sa mga sandaling iyon, wala siyang naririnig na masama sa likod ng mga salita ni Dok Raul.

Totoo ang pagsisisi nito.

"G-gusto ko siyang makita," sabi ni Bechang. Anumang araw daw... anumang oras... Puwedeng sa oras na iyon mismo ay mawala na ang kanyang ninang. Kailangan niyang makapagpaalam.

"Sige. Tatagan mo lang ang loob mo, Bechang. Huwag kang magugulat sa hitsura ng ninang mo."

Tumango siya. "Salamat po."

"Salamat din," sabi ni Dok Raul. "Samahan mo si Bechang, Lakan."

NAPASINGHAP si Bechang nang makita ang nasa kama. Buto at balat. Parang katulad ng mga mummy sa pictures. May kumawalang iyak sa kanyang lalamunan. Pinisil niya ang braso ni Lakan.

Hindi ang ninang niya ang nakikita. Imposible. Bakit ganoon?

At pamilyar ang nararamdaman niya sa loob ng kuwarto. Ganoon din ang pakiramdam sa ospital noong mamamatay na ang mama niya. Nandoon ang kamatayan pero hindi iyon mamang nakatalukbong ng itim at may hawak na karit. Nasa hangin iyon at pumipintig. Mabigat. Mabigat na mabigat. Ang hirap huminga.

Umahon ang mga hinanakit niya at galit.

"Halika." Hinila ni Bechang si Lakan palapit sa kama. Naupo siya sa upuang katabi niyon, kinuha niya ang kamay ng kanyang ninang at ang kamay ni Lakan. "Hawakan mo siya."

Halatang nagtataka pero hindi tumutol si Lakan. Hinawakan nito ang buto at balat na kamay.

"Nararamdaman mo?" tanong niya. Sarcastic. "May nararamdaman ka bang buhay? Nararamdaman mo ba ang dahilan kung bakit kailangan niyang maghirap nang ganyan? Alam mo ba ang sagot? Kung alam mo, sabihin mo sa 'kin. Gusto kong malaman kung bakit, Lakan. Bakit may ganito? Lakan, sagutin mo—" Napahagulhol na siya. "Sorry, ang sakit lang kasi—paano kung sa inay naman mangyari ito? Sa mamay?"

Binawi ni Lakan ang kamay. "Nararamdaman ko. Nararamdaman ko na... nais kong tanggapin, iyon ang daang Adomina. Pero... nasasaktan ako sa... luha mo." Parang dumilim ang anyo nito pagkatapos ay inilapat sa dibdib ni Ninang Vangie ang palad.

"Lakan?" anas ni Bechang. Ano ang ginagawa nito?

Tumingin ito sa kanya. Napasinghap at nabuwal sa sahig.

"Lakan!" Dinaluhan niya ito.

"Diyos ko—" Si Dok Raul, nasa may pinto. "Vangie—"

Napalinga sa kama si Bechang. Umuungol ang ninang niya. Kumilos ito, tumagilid, parang wala sa sarili, nangangapa. Natanggal na ang oxygen mask.

"Vangie!" Humangos na si Dok Raul sa asawa na halos nakadapa na sa kama. Panay ang ungol hanggang sa parang biglang naghilik nang malakas.

Sumuka.

Maraming suka.

Sa sahig, sa kama, kay Dok Raul.

Kumilos si Lakan sa sahig. Bumalikwas.

"A-ano'ng nangyari sa 'yo?" tanong ni Bechang. Hindi malaman kung sino ang uunahin.

Humangos na rin sa kuwarto ang private nurse. Pinalayo si Dok Raul at inasikaso ang pasyente.

"T-t-tu... big," daing ni Ninang Vangie. Hihinga-hinga. Parang hapong-hapo.

Nang makainom ito ng tubig, muling nakatulog.

Ang pagkakaiba sa pagkakataong iyon, humihinga si Ninang Vangie na hindi kailangan ang tulong ng machine.

E N G K A N T OWhere stories live. Discover now