Untitled Part 49

580 16 0
                                    


SA SOBRANG tuwa ni Dok Raul na nabigyan pa ito ng tsansang maging mabuting asawa, pinost nito sa Facebook ang mga picture at videos na nagpapakita ng mabilis na improvement ng kalagayan ng asawa. May kalakip pa iyong mensahe. Bilang doktor daw ay hindi ito naniniwala sa mga albularyo at faith healers, pero nasaksihan talaga nito kung paano hinipo lang ni Lakan ang dibdib ni Ninang Vangie, nagising na ang ginang at parang isinuka ang lahat ng karamdaman.

Isang araw daw pagkatapos niyon, pina-checkup ni Dok ang asawa. Kataka-takang bumalik sa normal ang mga vital functions at nang lumabas ang resulta ng mga test, pati mga espesyalista, hindi kayang ipaliwanag kung bakit cancer-free na ang ginang.

Kasama si Lakan sa mga in-upload na pictures at videos. At obvious naman sa mga comments na ito mismo ang pinagkaguluhan ng netizens. Share dito at share doon ang ginawa.

Trending ang #HotHealer.

Hindi kataka-kata iyon, pagkagwapo naman talaga ng tinamaan ng magaling. Ang mas ikinamangha ni Bechang,malinaw na malinaw na si Lakan sa mga pictures. Ano ang ibig sabihin niyon? Pero bago pa niya nakausap ng masinsinan ang engkanto, sinabihan siya ni Dok Raul na pupunta sa Sirang-Lupa ang mga taga-TV. Na-excite siya nang malaman pero nang mag-sink in ang development na iyon, nag-panic siya. Paano niya ipapaliwanag ang presensiya ni Lakan sa buhay nila? Uulitin nila ang 'press release' sa mga kakilala? Eh, mas may resources ang mga reporter, kayang-kayang i-verify ang mga sasabihin nila. Mabubuking na walang kapamilya si Lakan sa Norway. Ni walang official last name ang engkanto.

Kahit may hinanakit pa siya kay Lakan, isinantabi na muna niya. Kinausap niya ito nang masinsinan pati ang mga Mamay Berto.

Magpapa-mysterious effect na lang si Lakan.

Oo, taga-Norway ito pero sobrang private citizen ng pamilya kaya hindi ipinagsasabi ang last name at wala ring social media account. Nakilala niya sa pamamagitan ng isang kliyente nila sa call center dati kaya nang magpunta sa Pilipinas, hinanap siya.

Pinalabas din nila na mahilig talagang mag-travel si Lakan at sa paglalagalag ito natutong manggamot. Kesyo nakasalamuha nito ang mga gypsies sa Romania, mga mystics sa India, mga voodoo practitioners at healers sa Africa.

Si Bechang na mismo ang nag-research at ipinaliwanag niya lahat kay Lakan.

"Walang espesyal na dasal. Nararamdaman ko lang kung mahina ang enerhiya ng isang tao at sinisikap kong palakasin iyon para malabanan nila ang mga karamdaman," sabi ni Lakan sa interview na pinapanood na nina Bechang sa TV. Medyo malabo dahil hindi iyon malakas na channel. Naka-sideview si Lakan at, Jusko ang panga, sa loob-loob niya. Parang ni-ruler. Ganoon din ang ilong. Nakalimutan na niyang galit siya sa engkanto.

Patawarin na nga lang niya, tutal, magaling na si Ninang Vangie.

At dahil din naman kay Lakan kaya parang sinehan ngayon sa laki ang TV nila.

Biglang nakaharap naman ito sa camera. "'Pag mahina ang enerhiya, madaling natatalo ng sakit ang katawan," sabi nito. Kutob ni Bechang, hindi makapaniwala ang cameraman na perpekto sa lahat ng anggulo si Lakan kaya kinunan sa bawat angle. "Naniniwala naman ako na lahat tayo, kaya nating pagalingin ang mga sarili natin pati ang ibang tao, basta palakasin ang enerhiya," paliwanag pa nito.

Ano naman daw ang masasabi nito sa titulong 'Hot Healer'?

Ngumiti si Lakan. Nagmukhang boyish na walang iniisip na masama sa kapwa. Iyon ang sagot nito. Natapos ang news feature sa ngiting iyon.

Nakahinga nang maluwag si Bechang. Nakaka-distract ang kaguwapuhan ng engkanto, malamang, walang matandaan ang viewers sa mga sinabi nito. Mabuti iyon kaysa i-analyze ng mga ito ang mga sinabi ni Lakan.

Napasandal siya sa sofa pero sa dibdib at balikat ni Lakan siya lumapat dahil prente itong nakadipa sa sandalan. Hindi siya umiwas.

Ang sarap kaya?

Solid, mainit-init, mabango, at may gusto sa kanya. Na-miss niya nang ilang araw, sa totoo lang.

Sabay pa silang tumingin sa isa't isa. Patingala siya, payuko ito. Pareho silang napangiti.

"Hindi na ako galit sa 'yo," sabi nito.

"Ikaw pa talaga ang nagalit." Inismiran ito kunwari ni Bechang. Pero gaya ng nangyayari tuwing mapapatitig siya kay Lakan, namamangha siya. Sobrang perfect—iyon ay kung mayroon pang hihigit sa 'perfect.' Nakakamangha na ang perpektong nilalang na ito, siya ang gusto.

Hindi pa rin niya lubusang mapaniwalaan.

Tumingin si Bechang sa mga labi ni Lakan. Gusto uli niya itong halikan. Napisil niya ang hita nito. Inilapat ni Lakan ang ilong sa ilong niya. Ibinuka niya ang kanyang bibig.

"Bechang!"

Igtad siya. "Inay!" Nakalimutan niya na nasa sala rin si Inay Biring, nanonood din ng TV dahil na-interview rin nang kaunti.

"Tay'na matulog." Tumayo na si Inay Biring mula sa armchair. "Sumunod ka na."

"Opo." Tinapik ni Bechang ang hita ni Lakan bago siya tumayo. "Tulog ka na rin, baka marami na namang magpagamot bukas." Hindi na siya o ang Mamay Berto ang dinadayo sa kanila, si Lakan na. May treinta katao yata ang nagpunta doon sa maghapon para magpagamot. Alam niyang hindi gusto ni Lakan ang ginagawa. Sumusuway ito sa kautusan ng kung ano sa emperyo pero hindi makatanggi sa pakiusap ng mga pasyente.

Tumango si Lakan pero hindi na nakatawa. Mukhang bad trip. Tinapik na lang uli niya. Uunahin na niyang kausapin si Inay Biring. Sa totoo lang, mukha ring bad trip ang lola niya. At parang alam na niya kung bakit.

Nakaupo na si Inay Biring sa kama pagpasok niya sa kuwarto.

"Nobyo mo ga ang engkanto?" tanong agad nito.

Hindi agad makasagot si Bechang. "Eh..." Ano ang isasagot niya? MU sila? Applicable ba iyon kapag engkanto ang involved?

"Hindi naman sa ayaw ko," sabi ni Inay Biring. "Mabait naman siya kung mabait. Kaso nga laang, engkanto, apo, eh. Engkanto. Magkaiba kayo ng mundo. Paano ka? Masasabi ga natin kung ano ang magiging anak ninyo? Magkakaanak ga kayo? Paano kung biglang umuwi sa kanila?

"Kami ng mamay mo ay talagang matanda na. Maaaring pagtulog ko ngay'on ay hindi na ako magising. Totoo iyan. Hindi mo masasabi ang kamatayan. Paano ka? Wala ka namang masyadong kaibigan, hindi ka malapit sa mga pinsan mo. Walang titingin sa iyo, apo. Hindi naman habang-buhay ay malakas ka at bata. Mababantayan ka ga ng engkantong iyan 'pag naroon na siya sa kanila? Mukha namang hindi, wala namang kapangyarihan, nanggagamot laang.

"At saka, makakabalik pa ga iyan dito 'pag nakauwi na? At kung ikaw ang isama? Hindi ko matatanggap na mawala ka, Bechang. Ang kuwento ng matatanda noon, ang mga sumasama sa engkanto, hindi na nakakabalik. Naiisip mo ga iyan?"

"Naiisip ko ho," mahina niyang sagot. "Hindi ko rin ho alam kung paano."

"Bechang, apo, makinig ka sa inay, ha."

Tumango siya.

Nagpatuloy si Inay Biring. "Kung kaya mo pang ibaling sa iba ang pagtingin mo, gaw'in mo. 'Wag mong sarhan sa iba ang puso mo. Bigyan mo ng pagkakataon ang ibang lalaki na nagkakagusto sa iyo, bigyan mo rin ng pagkakataon ang sarili mo na magmahal ng kauri mo, iyong tao din. Tama ako, 'di ba ga?"

Tango uli si Bechang. Naiisip naman talaga niya ang lahat ng sinasabi ng lola niya.

"Kapakanan mo ang iniisip ko una sa lahat. Iyon din ang isipin mo." Kinuha ni Inay Biring ang kumot sa ilalim ng unan, ibinuka at nahiga na.

Pinatay ni Bechang ang ilaw at tahimik na nahiga sa tabi ng kanyang lola. Namaluktot siya patalikod sa matanda. Hindi siya galit. Naiiyak lang siya at pakiramdam niya, makikita ni Inay Biring ang luha niya kahit madilim.

Lahat naman ng kinatatakutan nito, kinatatakutan din niya. Sino ba namang babae ang gugustuhing magmahal nang walang kasiguruhan? Kaya nga ayaw pa rin niyang tanggapin o kilalanin ang relasyon nila ni Lakan. Ayaw niyang bigyan ng pangalan.

Ang engkanto ay engkanto. Ang tao ay tao.

E N G K A N T OWhere stories live. Discover now