Untitled Part 70

496 20 0
                                    


SUMAKAY sa ekina si Runo, tiwala siyang wala nang tutugis sa kanya. Nananaig na ang Adomina. Siya at ang Dinapuan lang ang hindi maaapektuhan ng enerhiyang busilak. Ang Dinapuan dahil, well... galing ito sa kabilang sukod at iba ang kakanyahan.

At siya ay hindi apektado ng Adomina dahil suot niya ang kakanyahan ni Estella. Nasa maliit na sisidlan sa kanyang kuwintas ang patak ng dugo ng iniibig.

"Hiyaaa!" Pinababa ni Runo sa hagdang bato ang ekina. Sa Banal na Hardin niya hihintayin ang pamumulaklak ng Adomina. Sinasabing sa halimuyak pa lang ng naturang bulaklak, gumagaling na ang may karamdaman. At ang bulaklak mismo, kayang ibalik ang buhay.

"AWW—AW-AWWW—" Hindi agad makabangon si Bechang. Masakit ang leeg niya, baywang, at pati yata balakang. Kailangan nga siguro niyang mag-yoga... kaso, mahal... pero may pera naman siya, ah? Gumulong siya at itinuon sa sahig ang isang kamay.

Sahig?!

Hindi basta sahig. Marmol. Matigas. Malamig.

Kaya naman pala masakit ang mga kasukasuan niya...

"Hala!" Nakatayo agad si Bechang nang maalala ang nangyari at kung nasaan siya. "Lakan? Lakan?" Walang ibang tao—nilalang—sa templo. Siya lang. Maliwanag na ang sikat ng araw pero hindi pa tanghali.

Parang mga... seven?

Kinapa ni Bechang sa bulsa ng maong ang cell phone. Buhay pa iyon. May forty percent pang charge. Gumagana kahit nasa... encantasya. Wala nga lang signal na kahit ano. 6:49 ng umaga ang oras.

Nagkuwenta siya. Ang natatandaan niya, huli niyang tiningnan ang oras sa dashboard ng sasakyan ni Senator Joe. 2:37 ng madaling-araw ang oras. Malapit na silang bumaba noon kaya... Nakarating siguro sila sa Nalla, mga 3:30 o mag-a-alas-kuwatro na.

Pagkatapos...

Kabado, dahan-dahang pumihit si Bechang paharap sa altar ng mga kristal.

Iyong dugong apoy sa mga itim na kristal, parang paubos na. Wala na siyang naaaninag na parang nagbabagang ugat sa ibang kristal.

Nananalo na ang Adomina.

Eh, di mabuti.

Pero hindi niya magawang magdiwang. Si Lakan. Siguradong galit sa kanya. Ang hirap pa naman nitong pakiusapan kapag galit. Ayaw tumanggap ng katwiran. Gusto lang naman niyang manaig ang kabutihan sa lahat ng sukod. Hindi iyon masama. Bakit ayaw ni Lakan?

At nasaan ba ang engkanto? Pinabayaan siyang makatulog doon nang... ilang oras? Tiningnan uli niya ang cell phone. Doon lang niya napansin ang petsa. Isang araw na ang lumipas mula nang dumating siya roon.

Ganoon katagal siyang nakatulog.

At hinayaan lang siya ni Lakan sa templo. Ni hindi siya kinumutan? Dahil sa sidhi ng galit sa kanya? O may nangyaring masama? Tumakbo si Bechang palabas. Parang wala namang nangyaring kakaiba.

Maliwanag ang langit, presko ang hangin at mabango. Tahimik maliban sa mga huni ng ibon.

Kung ganoon, talagang galit lang sa kanya si Lakan kaya siya pinabayaan doon.

"Shit." Baka ipabitay siya, 'di kaya? Hindi naman siguro. Mahal siya ni Lakan... sana totoo... sana manaig ang laska.

Nagsimulang bumaba ng hagdan si Bechang. Gutom na rin siya at uhaw. Saan siya pupunta? Nasaan ang palasyo? May singkuwentang baitang yata ang hagdan at sa ibaba ay may mga babae at bata na parang nagpi-picnic. Makukulay na parang malong ang mga damit, pero iba ang tela. Nakikita ang pagkakahabi ng mga hibla at may mga hiblang kumikinang na parang salaguinto.

Kumakain ang mga ito ng mga prutas—mukhang mansanas. Hindi, malalaking makopa at ang ubas... ewan niya kung ubas nga. Pula, as in strawberry red, ang mga iyon. Mayroon ding mukhang mga bayabas. Natakam siya. Naupo siya sa huling baitang, nginitian ang dalawang babae. Hindi ngumiti ang mga ito. Pati ang tatlong batang babae nang kawayan niya. Tumingin lang sa kanya. Hindi naman mukhang galit.

Wala lang pakialam sa kanya.

"Ah, excuse me, puwedeng magtano—" Napatigil si Bechang. Iba nga pala ang lengguwahe nina Lakan.

"Rina ag himadugan," sabi ng isang babae sa kasama. Parang nagbabasa lang ang tono. Tumango ang kausap pero parang... hindi feel.

Hindi pa alam ni Bechang ang gagawin kaya inobserbahan na lang muna niya ang mga babae. Hindi na rin nakatiis ang kanyang tiyan.

Bahala na.

Nang mapatingin uli sa kanya ang babae, isinahod niya ang kamay at umastang sumusubo, sabay hinihimas ng isang kamay ang tiyan.

Pulubi sa encantasya.

Dinampot ng babae ang isang tangkay ng red ubas, ibinigay sa kanya. "Ag nibaba u lada ta kabat."

"Ano man ang ibig sabihin niyan, salamat po." Naalala ni Bechang ang ginagawa ni Lakan noon kapag nagpapasalamat. Pinagdaop niya ang mga palad at yumuko.

Para siyang binasbasan ng dalawang babae. Tinatanggap ang pasasalamat niya, sa palagay at pakiramdam niya. Pero, hindi talaga sila ngumingiti. Wala naman siyang nararamdaman na malisya o maski anong bad vibes sa mga babae at mga bata. Sa katunayan, parang napaka-peaceful ng ambience ng mga ito. Ang kalma ng hitsura. Magaganda, sa totoo lang. Makikinis. Mas matanda sa kanya dahil... ewan. Basta. Pero wala man lang mga linya ang mukha, parang nagpa-botox.

Botox.

Oo nga! Para silang binotox, walang expression.

Kinain ni Bechang ang red ubas. Hindi malaman kung iluluwa o ano. Hindi ubas ang laman. Kiwi? Parang gano'n, may maliliit na buto. Sa bandang huli, nag-decide ang dila niya na masarap naman ang prutas.

Nilantakan na niya.

Nang mapatunghay, napasigaw siya sa tuwa. "Josh!" Nasa harap niya ang kemira. Tumakbo na siya palapit sa kakaibang hayop. "Josh, na-miss kita."

Umungol ito, ikiniskis sa kanya ang ulo.

Mabuti pa ang kemira, may feelings.

"Josh, kailangan kong makausap si Lakan. Hindi ko alam kung nasa'n siya, baka nasa palasyo nila. Do'n mo 'ko dalhin, sa palasyo."

Um-aw-aw ang kemira pero kaboses ng leon. Oo ba ang ibig sabihin niyon? Sumakay na lang siya.

E N G K A N T OWhere stories live. Discover now