Untitled Part 7

1.1K 35 2
                                    


"ANTAY ka't ako na! Habi diyan! Habi! Habi!" taboy ng Mamay Berto kina Bechang at Inay Biring.

Umatras si Bechang papunta sa may gripo habang si Inay Biring, hindi malaman kung saan pupuwesto—gustong makita kung ano ang gagawin ng asawa pero takot ding masiko nito.

Nasa bahaging paliguan ng banyo ang washing machine, katapat ng pinto. Doon na lang umatras ang Inay Biring.

Bumuwelo naman ang Mamay Berto sa harap ng washing machine. Itinaas ang kamay, humandang dadakmain ang palaka.

"Mamay!" awat ni Bechang.

"Ano ga?"

"Maglagay ka muna ng plastic sa kamay, baka tubuan ka ng kulugo."

"Alahuy! Sa dami ko nang nahuling palaka—sa palaka laang niyang inay mo ako kinukulugo."

"Am'pukina mong matanda ka!" angal ng Inay Biring.

Sanay na si Bechang sa asaran ng dalawa. Lumapit uli siya at dumukwang sa washing machine. "Ano ga hong palaka 'yan?"

"De kabkab. Na kumakalabukab, ayaw kong pakalabukabin, kumakalabukab pa rin."

Napa-eye roll na lang si Bechang. Nagawa pang mag-tongue twist ng kanyang mamay. Pero ibig sabihin, kakaunti pa ang naiinom. Tuwid pang magsalita. Sa kahanggan—kapitbahay—niya ito sinundo kani-kanina, tumatagay na ng Empi. Talo na sa tong-its.

Itinaboy na naman siya ng mamay. "Habi sabi! 'Wag kang salibuyboy, nakita nang sikip, sisiksik pa!"

Atras uli si Bechang.

Dinakma ng Mamay Berto ang palaka. "Huli ka!"

Napatili siya nang itaas ng kanyang mamay ang kamay nito, hawak sa likod ang palakang kabkab. Pumihit ito sa direksiyon ng pinto.

"'Wag mong ilalapit sa akin 'yan, sasamain ka!" banta ng Inay Biring.

Pero nagtataka si Bechang. Parang biglang naging seryoso ang Mamay Berto.

"Akina ang bag na iyan," utos nito.

Kinuha niya ang asul na eco bag, iniabot sa kanyang mamay.

"Kainaman ka na, eh," reklamo nito. "Ibuka mo! 'Kita mo nang may hawak—"

"Baka lumundag sa 'kin."

"Hindi are lulundag. Bilis na!"

Ibinuka ni Bechang ang eco bag, isinahod sa palaka. Maingat na ibinaba ng Mamay Berto ang palaka sa bag. Humingi pa ng dispensa. "Pasensiya na ho."

Napamata si Bechang sa kanyang mamay.

May panibago itong utos. "Hulihin mo na ang inahin."

"Ho?"

Tumingin sa kanila ng Inay Biring si Mamay Berto. "Parine kayong dal'wa."

Lumapit sila.

"Ano ga 'yon?" tanong ng Inay Biring, mahina ang boses.

Pinaglipat-lipat ng Mamay Berto sa kanilang dalawa ang tingin. "Hindi are ordinaryong palaka."

Napasinghap si Bechang.

"Hesusmaryosep." Sabay antanda ng krus ang Inay Biring.

"P-paano mo nalaman, Mamay?" tanong ni Bechang.

"Hipo ko, eh. Mainit. May palaka gang mainit?" sagot ng Mamay Berto. "Galing ka 'kamo sa mga ninang mo—"

"Dumaan ho ako sa balite," pag-amin ni Bechang.

E N G K A N T OWhere stories live. Discover now