Untitled Part 73

528 17 2
                                    


NAPAKASAKIT. Walang kasinsakit, na sa muling pagkikita mo at ng pinakamamahal mo, wala na ang pagmamahal na ipinangako nito. At kasalanan mo iyon.

Kaya sobrang sakit. Hindi malaman ni Bechang kung paano tatanggapin. Gusto niyang saktan nang saktan ang sarili. Wala na talaga ang pagmamahal ni Lakan sa kanya. Hindi niya iyon naramdaman sa mga labi nito. Wala kahit anong damdamin doon. Maski galit, wala.

Pero hindi mangyayari iyon kung pinakinggan niya ang pakiusap nito. Kung hindi siya naniwala kay Runo—naniniwala na siyang si Senator Joe ang Salamancero. Si Lakan din ang nagkuwento. Pagkatapos siyang pabayaan at panoorin lang na umiiyak sa balkonahe. Ni ang bigyan siya ng singahan, hindi nito ginawa.

Sa katunayan, walang kawal na naghahanap man lang kay Runo para pigilan itong pitasin ang bulaklak ng Adomina. Wala nang kawal. Wala nang mga tagapagsilbi. Bukas para sa lahat ang palasyo.

"Gano'n lang? Huy, Lakan, gano'n lang? Wala man lang parusa... sanction? 'Yong pagbabawalan n'yo silang lumapit sa inyo... TRO! Maski multa, hindi n'yo pagmumultahin samantalang ang laki ng kasalanan?

"'Yong mga Asoge? Pinahirapan sila para payagan nila ang mga batas na ginawa ng Amulaki na nagpanggap na reyna!" Hinaltak ni Bechang ang braso nito. "Makinig ka muna, saan ka ba pupunta?" Nasa hallway sila ng palasyo, ewan niya kung pang-ilang hallway. Hindi naman siya itinataboy ni Lakan sa pagsunod-sunod niya rito. Dahil nga walang pakialam.

At sinasagot naman ang mga tanong niya, tungkol kay Runo, sa mga Amulaki, sa mga enerhiya.

Pinatulog daw ng Amulaki ang reyna at kinopya ang anyo ng Inang-Lupa ni Lakan. Para mabago ang mga batas sa emperyo. Pinilit papirmahin sa... uh... charter change ang mga Asoge—mga scholar ng Nalla.

"Kung hindi pala dahil sa kemira mo, hindi ka na makakabalik dito. Matutuluyan nang Amulaki ang namumuno. Pero ano? Pinatawad n'yo lang?" Nagsimula silang bumaba sa pabilog na hagdan.

"Hindi pagpapatawad, Dinapuan," sagot ni Lakan. Monotonous. "Ang nagpapatawad ay yaong nagalit. Ganoon din ang parusa. Walang poot sa Nalla. Tanging—"

"Oo na! Pagtanggap. Pero hindi mo man lang ba naiisip kung bakit pinalitan ng Amulaki 'yong ibang batas? Hindi mo ba aalamin kung ano-anong batas ang nagbago? Malamang pabor lahat sa Amulaki."

"Hindi kailangan ang batas," sagot ni Lakan.

Napapagod na si Bechang. Paikot-ikot lang ang usapan nila, katulad ng mga hagdan sa palasyo. Talagang wala, hindi niya mapipilit si Lakan na magdamdam o magduda man lang.

Nagkamali talaga siya.

Paano niya itatama iyon? Nasa Malus na ang Hubri. Mababawi pa ba niya iyon?

"Nasaan si Runo sa palagay mo?" tanong na lang niya.

"Maaaring nasa Banal na Hardin ng Adomina. Kailangan niya ang bulaklak para sa kanyang kabiyak. Kapag malakas ang Adomina, namumulaklak din ang enerhiya sa hardin."

"At hindi ka bothered." Nakaka-frustrate ang asal ni Lakan, pati ng lahat ng tagaroon. Nakakalaya ang masasama dahil naniniwalang babait din ang mga ito kalaunan, sasakupin ng Adomina.

Sorry, John Lennon, hindi pala maganda ang ini-imagine mo. Kung iyon ang kapayapaan, ayoko ng peace! Hindi nila kailangan ng 'love thy neighbor,' love me again lang ang gusto ko.

"Me no bader," sabi ni Lakan. Kung may emosyon iyon, matatawa siya. Kaso, wala. Wala. Wala.

Walang inggit.

Walang galit.

Walang tawa dahil walang iyak.

Walang ngiti dahil walang luha.

Walang awa dahil bawat pangyayari ay tinatanggap nang maluwag sa dibdib. Wala ring takot sa kahit ano dahil pati ang kamatayan, tanggap.

Naupo si Bechang sa baitang ng hagdan. Pagod na siya. Hindi lang isip at damdamin, pati binti. Ang daming hagdan.

"Saan ba tayo pupunta?" tanong niya.

"Hindi ko alam kung saan ka pupunta."

"Eh, ikaw?"

"Mamamasyal kami ni Kunig. Maaari kang sumama kung nais mo."

"Talagang sasama ako! Pero mag-usap muna tayo."

"Tungkol sa hustisya? Ngunit ang hustisya ay uri ng paghihiganti. Ang paghihiganti ay—"

"Oo na. Alam ko na. Walang puwang sa Daang Adomina." Pagod na rin siyang mangatwiran. Ang weird lang. Ito na ba iyong, kailan tama ang mali o kailan mali ang tama?

Ang hirap intindihin. Tama naman na pinili niyang manaig ang kabutihan pero bakit parang iyong kabutihan ngayon ang masama?

Tumingala si Bechang kay Lakan.

Ang aliwalas ng mukha nito. Walang kaproble-problema. Kalmado. Kontento.

Masama ba iyon? Iyon naman ang gustong ma-achieve ng marami. Sense of peace. Contentment. Na makukuha lang kung walang attachment sa kahit anong bagay o tao.

"Gusto kong pumunta sa Banal na Hardin. Samahan mo ako. Bisita ako... alam mo na."

"Bumalik tayo sa balkonahe, tatawagin ko si Kunig."

"Ha? Aakyat uli?"

"Kung napapagod ka, maaaring gamitin ang silid na ito." Itinulak ni Lakan ang dingding na adobe sa likod. Um-slide iyon pabukas. May maliit at pabilog na silid. "Halika."

"A-ano 'yan?"

"Kaparis ng silid na bumababa at tumataas doon sa pinuntahan nating hotel."

"Elevator? Marunong kayong gumawa ng elevator?"

"Ang mga inhinyerong Amulaki. Naisipan nilang gumawa ng ganitong silid dahil nasa ulap ang lungsod nila. Mayroon din silang sahig na lumalakad."

"Bongga ang mga Amulaki." Pumasok si Bechang sa 'elevator.' "May ganito pala dito, ngayon mo lang sinabi. Pinagod mo ako."

"Akala ko ay nais mong maglakad."

Attachment.

Ayon kay Buddha, iyon ang ugat ng mga pain and suffering. Tama naman kung pakaiisipin. Katoliko ako pero sa panahon ng mga matinding pagsubok sa buhay ko, mas nakatulong sa akin ang mga aral ni Buddha. At ni Confucius. Dahil siguro may dugo akong Chinese?

But seriously, hanggang ngayon, sinusunod ko at ina-apply sa pang-araw-araw na buhay. I'm not ashamed to say that I am relatively more peaceful and happier. Hindi ako makasang-ayon kay Bechang.

What is so wrong with... living life in peace, yoo-hoo-hoo?

Imagine.

Imagine, hindi dadami ang wrinkles ko dahil hindi na kukunot ang noo ko, hindi na rin ako ngingiti?

I am liking that Adomina thingy dahil mahal ang botox.

E N G K A N T OWhere stories live. Discover now