Chapter 7

38.6K 1.5K 414
                                    

Morixette's POV


Hindi ko alam kung bakit biglang bumungad sa amin si Ethel. Nais niya ba kaming pigilan? O nagbalik na siya sa katinuan?


Para malaman ang kasagutan sa aking katanungan, kailangan ko siyang babain.


"Morx, saan ka pupunta?" pagpigil sa akin ni Agatha.


Hawak niya ako sa aking kaliwang bisig kaya napahinto ako sa pagbukas ng pinto ng sasakyan.


"Kailangan ko itong gawin, Agatha," turan ko.


Isang ngiti ang pinakawalan ko bago ko tuluyang buksan ang pinto. Binitawan naman niya ako.


"Sandali, sasamahan kita," aniya.


Pareho kaming bumaba ni Agatha habang si Aaron ay naka-abang lamang sa loob ng sasakyan.


"Ethel, ano'ng kailangan mo sa amin?" panimula ko.


Mabuti na lang at wala pang masyadong sasakyang dumadaan dito sa kalsada.


Nakatayo lamang si Agatha sa likuran ko na wari mo'y nakikisimpatiya.


Tanging isang pagak na ngiti lamang ang itinugon ni Ethel sa aking katanungan.


"Kung nandito ka para pigilan kami, p'wes, hindi ka namin uurungan," lakas-loob kong sambit kahit na deep inside ay kinakabahan ako.


"Morixette, sumama ka sa akin..." pagmamakaawa ni Ethel.


"Huwag, Morx! Huwag kang makikinig sa kaniya! Huwag mo siyang kaawaan!" giit ni Agatha.


Inilahad ni Ethel ang kaniyang kamay.


"Tulungan mo ako..." pagsusumamo pa nito.


Bakit ganito? Pakiramdam ko, si Ethel talaga itong kaharap ko.


"Nililinlang ka lang niya! Huwag kang magpadala sa bugso ng iyong damdamin!" ani Agatha na nakahawak at pinipisil ang balikat ko.


"Morixette..." pagdaing pa ni Ethel.


"Huwag!"


Bigla na lamang akong gumulong sa kalsada nang itulak ako ni Agatha.


"Aaa," daing ko nang magkaroon ako ng gasgas sa aking tuhod at braso.


"Hahaha! Busilak pa rin talaga ang iyong puso, Morixette!" anas ni Ethel.


"Ethel, naaalala mo na ako..." saad ko.


Might of Alibata (Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon