Chapter 46

20.7K 763 131
                                    

Agatha's POV


Napasalampak ako sa lupa matapos niyang igawad ang napakalakas na sampal na iyon. Halos mamanhid ang kanan kong pisngi nang dahil do'n.


Papasugod naman si Aaron ngayon sa halimaw na nasa harapan ko. Nakatutok ang kaniyang sandata rito. Nang akmang tutudlain niya na ito, may dumating naman na isa pang kalaban.


"Aaron!" sigaw ko matapos siyang dagitin nito.


"Paano ba iyan? Nag-iisa ka na lang dito ngayon?" singit ng kalaban sa aking harapan.


Mababa lang ang kaniyang lipad, halos tatlong dangkal lang ay sasayad na ang kaniyang paa sa lupa. Nag-isip ako ng paraan kung paano siya patutumbahin.


"Sa ngayon, oo. Pero hindi ibig sabihin no'n ay susuko na ako sa iyo," tugon ko sabay dakot ng lupa sa aking tagiliran at isinaboy sa kaniya.


"Argh! Pasaway ka talaga!" giit niya matapos mapuwing. Lumipad siya papaitaas habang kinukusot ang kaniyang mata. Sinulit ko naman ang pagkakataong ito para makatayo at makabuwelo kung saan siya pupuntiryahin.


Kumuha na ako ng palaso sa aking likuran at isinaayos ito para ihanda sa pagpapakawala. Sa sobrang taas ng nilipad ng kalaban, hindi ko na siya makita. Nagulat na lang ako nang makita kong pasugod na siya.


"XLR8," sambit niya at mas lalo pa siyang bumilis. Hindi ko mapakawalan ang aking palaso sapagkat hindi ko siya mapuntirya.


"Aaaa!" Nadatnan ko na lang ang aking sarili na napaupo sa lupa matapos ang pag-atake na iyon.


"Hindi mo ako kayang tapatan," bulong niya mula sa aking likuran.


"Tama ka, pero--" hindi ko natapos ang aking sasabihin matapos niyang lapirutin ang aking bibig.


"Satsat ka nang satsat! Heto ang bagay sa iyo, breathless!" aniya at hiningahan ako sa mukha. Hindi ako makahinga, pamatay nga ang breathless niya.


Kahit na pigilin ko ang aking paghinga, hindi sapat. Tinablan pa rin ako ng breathless niya. Nakaramdam na lang ako ng panghihina hanggang sa bumagsak ang aking katawan sa lupa.


---


Nagising ako dahil sa sobrang init. Tumatagaktak ang aking pawis sa sobrang init na aking nararamdaman.


Pagmulat ko ng aking mata, nakahilera kaming lima habang nakatali ang aming mga kamay at ito'y nakabitin sa isang mahabang kawayan. Pagtingin ko sa bandang ibaba, mayroong isang malaking kawa at naglalaman iyon ng tubig na kulong-kulo na. Marahil dito nanggagaling ang init na aking nararamdaman.


Ang pagkakahilera namin ay ako, si Mark, si Nikka, si Aaron, at si Roxette.


"Agatha, ano ang gagawin natin? Balak yata nila tayong gawing hapunan!" giit ni Aaron.


"Oo nga, hindi ako papayag na maging hapunan ng mga iyan!" anas ni Nikka.

Might of Alibata (Published)Where stories live. Discover now