Chapter 35

24.3K 922 136
                                    

Agatha's POV


Napangiti ang kanilang pinuno dahil sa narinig niya ang aking tinuran. Marahil iniisip niyang hindi namin siya kayang talunin.


Nawala na rin ang nagliliwanag sa kaniyang noo. Ano kaya iyon? 'Di bale na nga.


Naglakad siya papalapit sa akin habang nakasunod pa rin ang kaniyang mga alagad. Nang siya'y huminto, umupo siya para magpang-abot kami sabay higit sa aking panga.


Tila ba nanggigigil siya sa akin sapagkat ang diin ng pagkakahawak niya, pinipiga niya na ito halos. Naisin ko mang iwaksi ang aking ulo ngunit 'di ko magawa dahil sa higpit ng pagkakahawak niya.


Inilapit niya pa lalo ang kaniyang mukha hanggang sa magkatitigan kami nang mata sa mata. Hindi ako dapat magpakita sa kaniya ng takot, kailangan kong maipakita ang kompiyansang makakaalis kami rito at matatalo siya.


"Masyadong malakas ang iyong loob hija para hamunin ang kagaya ko," aniya habang umiisog ang kaniyang pagtitig sa akin. Gusto niya akong sindakin pero hindi niya magagawa iyon.


Isang pagak na ngiti ang una kong isinambulat sa kaniya. Matuya na siya kung matutuya siya, iyon talaga ang nais kong maramdaman niya.


"Oo, hinahamon kita na kalabanin kaming lima," bungad ko nang tanggalin niya na pagpiga sa panga ko. Tumayo siya at tumalikod sa akin saka humagalpak sa pagtawa. Maging ang kaniyang mga alagad ay nagsitawanan din.


"Minamaliit mo masyado ang kakayahan ng aming pinuno bata," turan ng isang alagad na taong putik.


Hindi naman sa minamaliit ko ang pinuno nila, iyon lamang ang naiisip kong paraan para makaalis kami rito. Kung sa mga alagad palang niya ay wala na kaming binatbat paano pa kaya sa kaniya?


"Tinatanggap ko ang hamon mo, hija. Matagal-tagal na rin mula noong huli akong nakipaglaban," aniya habang hinihimas-himas ang kaniyang baba at nakatingin sa 'di kalayuan.


Alam kong malaki ang tiyansang matatalo kami sa kaniya pero kailangan kong alamin kung ano ang kaniyang kahinaan.


"Agatha, hindi ba pagpapatiwakal ang gagawin nating pakikisagupa sa kaniya?" singit ni Aaron. Batid sa kaniyang mata ang pangamba. Marahil ay batid niya ring wala kaming laban dito.


"Oo, Aaron. Lalaban tayo hangga't sa makakaya natin. Isa lamang ito sa pagsubok na dapat nating lagpasan," sambit ko.


"Bilib ako sa iyo hija dahil sa katatagan ng loob mo. Huwag kang mag-alala, hindi ko naman kayo papatayin kapag natalo ko kayo," singit ng pinuno.


"Kung ganoon pinuno, ano ang gagawin natin sa kanila kapag sila'y natalo?" wika ng isang alagad.


"Ganito lang naman iyon, kapag nanalo sila, makakamit nila ang kanilang kalayaan. Ngunit kapag natalo naman, magiging alipin ko sila habang sila'y buhay. Wala na silang kawala kapag nagkaganoon..." paliwanag nito.

Might of Alibata (Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon