Chapter 33

24.1K 908 99
                                    

Agatha's POV


Nabahala kami nang dahil sa kalampag na iyon. Nagpapanik man, kailangan naming harapin ang panganib na dapat suungin.


Nakasubsob si Nikka sa braso ni Rox habang si Rox naman ay nakasiksik lang sa puwesto ni Mark na ikinatuwa naman ng binata. Hinihintay naman ni Aaron kung ano ang sasabihin kong hakbang.


"Guys, kailangan na nating magpalit ng anyo dito sa sasakyan," ani ko.


"Sigurado akong hindi magiging madali ang pakikibaka natin pagkalabas dito pero kailangan nating magpakatatag," dugtong ko pa.


Sumang-ayon naman silang lahat sa aking mungkahi. Matapos iyon, dinukot na namin sa aming bulsa ang aming mga bola.


"Bam!" sabay-sabay naming bigkas at saka kami nagbagong anyo.


Nagsibaba kami kaagad para harapin kung ano man ang pumeperwisyo sa amin.


Pagkababa ko, nakatanggap kaagad ako ng isang malakas na siko sa aking likod. Napaluhod ako nang dahil doon.


"Sino ka? Magpakita ka sa akin!" anas ko.


Dali-dali akong tumayo at inilibot ang aking paningin sa paligid upang hagilapin siya. Talaga namang hindi magiging madali ang labang ito sapagkat madilim ang paligid. Tanging ang liwanag lamang ng buwan ang tumatanglaw dito sa kagubatan.


"Hindi na sana kayo tumungo sa lugar na ito," bulong ng isang tinig sa aking likuran.


Iniamba ko ang aking palaso sa direksiyon niya ngunit tumagos lamang ito sa kaniyang katawan. Napanganga ako nang masaksihan iyon.


Isang taong putik ang makakasagupa namin ngayon. Paano namin sila tatalunin gayong hindi namin sila masasaktan?


"Hindi kami aalis sa lugar na ito hangga't hindi namin nakukuha ang Alibata!" sambit ko. Napakuyom ako sa aking kamao habang nag-iisip ng paraan kung paano sila maiisahan.


"Hahaha! Huwag kang magpatawa, wala pa ni isa ang nakakalampas sa amin kaya maaaring heto na rin ang hangganan ng buhay ninyo," aniya.


Nanlilisik ang kaniyang mata na kulay pula na tila ba inanduyan ng kaligayahan. Ang wangis niya'y bulto ng tao ngunit gawa sa putik mula ulo hanggang paa.


"Puwes, itaga mo sa bato na kami ang kauna-unahang makatatalo sa inyo!" giit ko sabay hagis sa kaniya ng pana ko na tila ba isang bumerang. Gaya ng nangyari kanina, tumagos lang sa kaniyang katawan ang aking sandata at hindi man lang siya napinsala nito. Kasabay ng pagtaas ko ng kamay ay ang pagbalik sa akin ng sandata ko.


"Iyon na ba iyon?" panunuya niya sa akin.


Naiinis na ako sa kaniya pero kahit na anong gawin ko ay hindi ko siya mapuruhan. Kailangan kong malaman ang kahinaan nila.


Might of Alibata (Published)Dove le storie prendono vita. Scoprilo ora