Chapter 28

28.1K 1K 129
                                    

Roxette's POV


Madilim na sa paligid nang magising ako. Tulog pa ang mga kasama ko kaya napagpasyahan kong magmuni-muni muna.


Bumaba ako sa sasakyan para lumanghap ng sariwang hangin. Habang binabagtas ko ang daan, sumagi na naman sa aking isipan si Ethan.


Labag man sa kalooban kong hindi magpaalam sa kaniya, ito lang ang natatanging paraan para maisagawa ang misyong ito.


Nakahalukipkip lamang ako habang naglalakad sa paligid at nakatingala sa malalim na gabi. Iniisip ko pa rin kung ano ang ginagawa niya ngayon; kung kumakain ba siya nang ayos; at kung ano ang kalagayan niya.


Maaaring matinding poot ang namamayani sa kaniya dahil sa kasalanang nagawa ko. Hindi ko tuloy alam kung paano siya haharapin kapag nagkita ulit kami.


Hindi ko napansin na may puno na pala sa harapan ko dahil sa lalim ng aking iniisip kaya nabundol ko ito at tumama ang aking noo.


"Awts! Grabe! Ang sakit!" giit ko habang hinihimas ang aking noo.


Sa inis ko, nasipa ko tuloy ang puno.


"Sino ba kasing aanga-anga ang hindi tinitingnan ang kaniyang dinaraanan tapos sa puno pa ibubunton ang inis?" bungad ng isang tinig sa aking likuran.


Walang panaka-naka'y hinarap ko siya. Nanlaki ang mata ko at natameme sa aking kinatatayuan nang makita ko si Mark. Ang dalawang kamay niya ay nakalagay sa loob ng bulsa ng kaniyang pantalon.


"Ano na naman ba kasi ang iniisip mo?" saad pa niya.


Tumalikod ako sa kaniya para hindi niya makita ang ekspresiyon kong nagugulumihanan.


"Wala... Labas ka na ro'n," ani ko. Inihakbang ko ang aking kanang paa para sana lumayo na sa kaniya at nagsimula ng maglakad. Alam ko sa sarili ko na magkakasala lang ako lalo kapag kinausap ko pa siya.


Pilit ko na nga siyang nilalayuan para makalimutan pero heto siya, lapit nang lapit sa akin. Nakakainis talaga ang tadhana.


"Saan ka naman pupunta?" sambit niya na tila ba sinusundan ako.


"Dito-dito lang," tugon ko habang patuloy pa rin sa paglalakad.


"Bakit parang ilag ka sa akin, Rox? Nilalayuan mo ba ako?" birada niya kaya napatigil akong bigla sa aking paglalakad.


Gusto kong sabihin sa kaniya na 'Oo, nilalayuan kita' pero hindi ko magawa.


"Hindi a," sambit ko.


"Kung gayon, bakit hindi ka makaharap sa akin?" pantutuya niya.


Naulinig ang tainga ko kaya kailangan kong magpanggap para hindi magmukhang affected ako sa haka-haka niya. Lumanghap ako ng hangin mga tatlong beses bago siya hinarap.

Might of Alibata (Published)Where stories live. Discover now