Chapter 69

17.1K 685 96
                                    

Morixette's POV


Alas diyes na ng umaga nang ako'y magising. Wala rito sa loob ng silid si Ate Ginny, mukhang nandoon siya sa ibaba.


Matapos kong makapaghilamos, tumungo na ako paibaba upang kumain ng almusal. Pagkarating ko sa baba, nakaupo lang sina Hannah at Grace sa may sala at pawang nanunuod. Halatang matindi pa rin ang namamagitang tensiyon sa kanila ni Ate Ginny at hindi pa rin nag-iimikan.


Naglakad na ako patungo sa may kusina at nadatnan ko roon si Manang na nagluluto para sa aming tanghalian. Si Ate Ginny naman ay nakaupo lang sa may hapag at tila ba malalim ang iniisip. Hindi ko na muna siya inabala.


Mabuti na lang at may natira pang pagkain sa lamesa. Sinangag, itlog at dilis, tiyak na mapaparami ang kain ko nito. Naghugas kaagad ako ng kamay bago lantakan ang pagkain sa aking harapan. Masarap kumain nang nakakamay, akmang susubo pa lang ako nang biglang magsalita si Ate Ginny.


"Pagkatapos mo diyan, pupuntahan natin si Ethan sa silid niya," aniya. Tumango na lamang ako bilang tugon.


Agad naman akong lumapang na tila ba hindi ako kumain ng dalawang araw. Ang sarap isawsaw ng dilis sa patis na may kamatis. Sa bawat pagnguya ko, ninanamnam ko ang lutong nito sa aking bibig. Tiyak na mas malutong ito kanina noong bagong luto.


Makalipas ang labinlimang minuto, natapos na rin ako sa pagkain. Napadighay ako sa sobrang busog. Mayamaya pa, tumungo na kami sa silid ni Kuya Ethan.


"Kung tinakasan nga talaga siya ng bait, kailangan nating maging maingat lalo na sa mga bibitiwan nating salita," bungad ni Ate Ginny habang nakatayo kami sa labas ng silid.


"Opo," tugon ko.


"Iwasan din ang mga sensitibong usapin lalo na kung ito'y patungkol sa ate mo. Okay?" dagdag pa niya. Nag-thumbs up naman ako bilang tugon.


Hindi na nagpaliguy-ligoy pa si Ate Ginny at agad niyang pinihit ang seradura ng pinto. Unti-unti namang bumungad sa amin si Kuya Ethan na nakahiga sa kaniyang kama habang yapos-yapos ang isang unan. Nanggigitata ang kaniyang itsura na tila ba napabayaan. Nang mapatingin ako sa may bandang lamesa, napansin kong may bawas na ang kaniyang pagkain na kagaya lang din sa kinain ko kanina.


"Sabi ni Eder, hindi talaga lumalabas ng silid iyang si Ethan kaya siya ang nagbibigay ng pagkain kay Ethan sa umaga at gabi. Si Manang naman kapag tanghali," ani Ate Ginny.


Naaawa ako kay Kuya Ethan. 'Yung uling-uling na lang sa mukha ang kulang sa kaniya at magmumukha na siyang taong grasa.


"Bee, dito ka lang sa kama. Hindi ka puwedeng umalis," saad ni Kuya Ethan sa kawalan at hinigpitan pa ang pagyapos sa unan na akala niya'y si Ate Roxette.


"Ethan, bumangon ka na diyan," sambit ni Ate Ginny. Biglang napamulat ng mata si Kuya Ethan at tumayo sa kaniyang higaan.


"Shhh! Huwag kang maingay, Ginny! Baka magising si Roxette!" wika nito. Agad naman nitong ibinaling ang atensiyon sa may unan at hinaplos-haplos ito na wari'y binibeybi.

Might of Alibata (Published)Where stories live. Discover now