Chapter Nine

13.2K 955 221
                                    

Chapter Nine


Humahangos sa pagtakbo si Solan, tila nasusunog ang kanyang dibdib sa sobrang hirap sa paghinga. Pinilit niyang igalaw nang mas mabilis ang kanyang mga binti. Hindi siya pwedeng huminto. Nasa likod lang sila. Kailangan niyang magpatuloy sa pagtakbo.

Kahit na sinisigaw sa kanya ng kanyang isip na tumakbo nang mas mabilis, wala siyang nagawa kung hindi ang huminto sa likod ng isang gumuhong gusali. Pumasok siya sa loob at nagtago. Nanginginig ang kanyang mga tuhod at halatang anumang oras ay bibigay na.

Hinawakan niya ang kanyang duguang balikat, ang kanyang mukha ay namumutla dahil sa mabilis na pagkawala ng dugo. Kinuha niya ang healing potion sa bag at ininom ito. Nadagdagan ng twenty-five percent ang kanyang HP at nabawasan ang sakit na nararamdaman niya.

Huminga siya nang malalim at sumilip sa labas. Hindi niya nakita ang mga humahabol sa kanya.

Unti unti siyang huminahon. Umupo siya sa sahig at hinintay na bumalik sa normal ang kanyang paghinga.

Muntik na ako'ng mamatay!

Hindi makapaniwala si Solan na muntikan na siyang mamatay kanina.

Katulad ng nakagawian ay naglalakad siya sa labas ng base kanina. Mas malayo ang kanyang narating dahil pilit niyang hinahanap ang teritoryo ng mga mutated ants. Pero sa kamalasan ay may nakaharap siyang mga hunters.

Tatlong lalaking hunters; isang mage type, isang ranger type, at isang warrior type.

Kaagad siyang tumakbo nang makita ang mga ito ngunit tinamaan parin siya ng palaso ng ranger. Ang kasunod non ay ang walang tigil na habulan. Hindi man lang siya nakakuha ng tyempo na uminom ng healing potion.

Tatlong oras ang itinagal ng kanyang pagtakbo. Balot ng tensyon ang kanyang katawan. Ni wala man lang siyang nagawa para lumaban. Napakahina parin niya. Pakiramdam niya ay isa lamang siyang daga na hinahabol ng mga ito.

Tila naririnig parin niya ang tawanan ng mga ito nang tugisin siya.

Hindi niya alam kung bakit siya biglang inatake ng tatlo. Kilala ba siya ng mga ito?

SSSSHK

Nakarinig siya ng tunog na parang record na kinakaskas ng isang DJ. Ano iyon?

Lumingon siya at nagulat sa nakita. Mga pulang langgam! Dalawang antennae at anim na mga paa. Kasing laki ito ng kanyang ulo. Mabilis niyang kinuha ang kanyang katana at pinatay ang dalawang langgam.

Natigilan siya matapos makita ang hating katawan ng mga ito. Dapat nga pala ay susundan niya ang mga langgam papunta sa kanilang teritoryo. Bakit niya pinatay kaagad?

Hayaan na. Sigurado naman na malapit lang dito ang pinagtataguan nila.

Naglakad siya sa loob ng sirang gusali at naghanap ng mga langgam.

Ang alam ni Solan, may tatlong uri ng langgam; worker, soldier, at queen. Siguro ay mga workers ang dalawang napatay niya?

SSSHHHK! SSSHHHK!

Muli siyang nakarinig ng ingay at pinuntahan iyon.

Shit!

Mga langgam na umaabot sa kanyang baywang ang kanyang nakita. Ngayon ay sigurado siyang mga soldier ants ang mga ito!

Gumalaw ang mahahabang antennae ng mga langgam. Mabilis siyang tumakbo nang tumbukin ng mga ito ang kanyang direksyon. Napakarami nila at nakaramdam si Solan ng takot dahil mukhang aliens ang mga ito na galing sa mga movies. Hindi niya maiwasan na kilabutan.

They Came from the SkyWhere stories live. Discover now