Kabanata 1

297 12 0
                                    

"Ate Asol, tara na!" sabi ni Tom bago tapakan at patayin ang nagbabagang sigarilyong nilaglag niya sa sementong sahig. Yumuko siya't pilit na inalalayang makabangon ang matabang kapatid mula sa pagkakahiga nito sa malamig na sahig ng kanilang kusina. Ang dugo sa kaniyang kamay ay malagkit na kumapit sa malapad na braso ni Mirasol.

"Ate, pilitin mong tumayo," may diin sa mga salitang binitiwan ni Tom. "Patay na si Tatay, baka maabutan tayo nila Ante Sesing dito," pilit man niyang sinusuportahan ang pagtayo ng hilong si Mirasol – na duguan ang kaliwang mukha, hindi makaya ng payat niyang katawan ang may kabigatang kapatid.

"Aray," halos naiiyak na reklamo ni Mirasol nang pilitin niyang bumangon at umupo. Ramdam niya ang sakit ng kaliwang hitang pakiwari niya'y nalamog mula sa biglang pakakabagsak sa matigas na sahig. Nakangiwi niyang ibinaling dahan-dahan ang matabang katawan pakanan atsaka muling humiga. "Hindi ko kaya, Bunsoy," hirap niyang sabi nang tumingin siya sa nag-aalalang mata ng kapatid. "Iwanan mo na 'ko dito," dagdag niya habang nalalanghap ang matapang na amoy ng sigarilyong kumapit na sa balat at damit ni Tom."Umalis ka na bago pa may makakita sa'yo."

"Pero, Ate –"

"'Wag ka nang mag-aksaya ng oras, umalis ka na!" mariing sabi ni Mirasol sa mahinang tinig. Muli siyang napangiwi nang biglang maramdaman ang kirot mula sa sugat sa itaas ng kaliwa niyang kilay. Kinapa niya ang may kalakihang sugat nito na tila tumigil na sa pagdurugo. "Sige na, Bunsoy," pakiusap niya kay Tom na napaupo na sa kaniyang tabi. "Umalis ka na habang may oras pa," dagdag pa niya habang nakapikit at pinipigilang maiyak ang sarili. Tama na rin sigurong maiwan ako, para kay Inay... "Ikaw na ang bahala kay Lily. Ingatan mo s'ya," madamdamin niyang bilin.

Tila ba ang mabigat na responsibilidad na habilin ni Mirasol kay Tom ang biglang nagpakilos sa binata.

"Sorry, Ate..." halos pabulong na sabi ni Tom kasabay ang mabilis at mariing pagpisil sa braso ng kapatid.

Napamulat si Mirasol at napatingin sa mukha ni Tom na nakayuko't kinukuskos ng kaniyang palad ang kalbong ulo na para bang nahihiya't naiinis. Iyon na ang huling salitang narinig ni Mirasol sa binata bago ito mabilis na tumayo't lumayo sa pinangyarihan ng krimen.

Sa unti-unting paghina ng mga yabag ng paa ni Tom sa kaniyang paglayo, unti-unti namang lumalakas ang tunog ng ulang pumapatak sa yerong bubong ng gabing iyon. Tahimik na tumulo ang luha ni Mirasol habang nakatitig sa inang nakahandusay sa lapag malapit sa lutuan ng kanilang kusina. Halos malapit sa ina, ay ang payat, matangkad at nakakalbo nilang ama na duguan namang nakasandal nang paupo sa pintuang palabas sa likod-bahay. Katabi nito'y mga basag na plato at nagkalat na mga gamit sa kusina.

Sa muling pagpikit ni Mirasol, muli niyang naramdaman ang poot sa amang naging dahilan ng pagkamatay ng kaniyang pinakamamahal na ina. Muling nanariwa sa kaniyang isipan ang kasamaaan at kalupitan ng ama sa kanilang ina at sa kanilang tatlong magkakapatid. Sumisigaw sa galit ang damdamin niyang wala ng ibang magawa kun'di ang tanggapin na lang ang kinahantungan na trahedya ng kanilang pamilya.

Wala na ang kaniyang ina...

Tumakas na ang bunso niyang kapatid...

Lumisan ang kapatid niyang si Lily na baon ang takot sa dibdib.

Sa pagkamatay ng kanilang ama, tila ba wala nang magandang kinabukasang darating pa sa kanilang magkakapatid.

Habang nalulunod sa dilim ng galit at kalungkutan, isang malakas na boses ng babae na tumawag sa kaniyang pangalan ang humila sa lumulutang niyang diwa. Kasabay nito ang malakas na kalabog sa nakasarang pintuang tila pilit na binubuksan.

Ante Sesing!

Ang pangalan ng nakatatandang kapatid ng kaniyang ama na biglang pumasok sa kaniyang isipan ay nagpakabog ng labis sa kaniyang dibdib.

Sa muling pagmulat ng mga basang mata ni Mirasol, una niyang nakita ang bukas na ilaw sa kisame ng kanilang kusina. Sa pagbaling ng kaniyang paningin sa sementong sahig, wala na ang patay na katawan ng kaniyang mga magulang. Wala na rin ang malansang amoy ng dugong nagmantsa sa sementong malamig. Bagama't malinis na ang sahig, nasisinghot pa rin ni Mirasol ang amoy ng sigarilyo ng kaniyang kapatid.

ManaWhere stories live. Discover now