Kabanata 35

32 3 0
                                    

Halos isang minutong katahimikan ang lumukob sa loob ng silid sa kahihintay ng dalawang pulis sa sagot ni Mon. Ngunit tulala at walang imik na nakatingin lang ang binatilyo sa tira nitong tinapay na nasa lamesa.

"Kaninang umaga," pagbasag ni Beth sa katahimikan. "Meron kaming natanggap na tawag mula sa Police Station ng Laguna," sabi niya sabay kuha ng isang papel sa folder na tila naglalaman ng mga notes. "Meron daw dung nagpuntang binatilyo na nagconfess tungkol sa nalalaman n'ya sa pagkamatay ng dalagang natagpuan sa bakanteng lote sa Magsaysay Road nung May 4. Na ayon sa autopsy report, namatay sa pagitan ng gabi ng May 1 at madaling araw ng May 2," paliwanag niya.

"Ang sabi ng witness, tatlong kabataang lalaki ang nakita n'ya nung gabi ng May 1 sa pinangyarihan ng krimen," pagpapatuloy ni Beth. "Dalawa sa mga ito ang nang-rape at pumukpok ng bato sa ulo ng biktima. At ang isa naman, parang naging look-out," dagdag niya habang ang kaniyang mga mata'y palipat-lipat ng tingin sa papel at kay Mon na nagsisimula nang kumilos tensyunado.

Saglit na tumigil si Beth sa pagsasalita. Tila ba hinihintay niyang mag-react ang kaharap.

Nang nanatiling tahimik si Mon sa kabila ng pagyugyog niya sa sariling mga binti, muling ipinagpatuloy ni Beth ang impormasyong natanggap.

"Maaaring nagtataka ka kung ano ang motibo ng witness at bakit ngayon lang s'ya nagsumbong," tila ba nabasa ni Beth ang katanungang naglalaro sa isip ni Mon. "Wala naman s'yang ibang motibo kun'di bigyang linaw lang ang kaso. At dahil lang sa takot n'ya non na baka pati s'ya magkaroon ng kaso dahil sa ginawa niyang pagnanakaw nung gabing 'yun ng isang buwig ng saging dun sa bakanteng lote, hindi s'ya agad nagsumbong," paliwanag n'ya.

"Anyway," pagpapatuloy ni Beth. "Nung gabing nakita n'ya kayo, pauwi na s'ya non. Natigilan lang daw s'ya at nagtago muna sa likod ng puno dahil ang isa nga raw sa inyo ay nakabantay sa may gilid ng kalsada. Tingin daw n'ya, mas ligtas kung dun muna s'ya at 'di muna kikilos. At dahil nga 'don, nasaksihan n'ya yung ginawa n'yong krimen."

"Kahapon, nang makita n'ya ang Facebook profile mo matapos mong magviral dahil sa pinost mong video interview, bumalik uli sa kan'ya yung alaala ng pagkamatay ni, Rose Lyn Manahan," sabi ni Beth sabay tingin sa hawak na papel. "Nang makita n'ya ang pulang balat mo sa magkabilang pisngi sa display pic mo, pati ang mahabang balat mo sa braso, positibo kaniyang nakilala. At nang makita n'ya ang ilang pictures sa profile mo kasama ang pinsan mong si Tonton, nakumprima n'yang kayo ang salarin sa nakita n'yang krimen. Ang sabi n'ya, yung tattoo na "The Leader" na nasa braso ng pinsan mo ang naging palatandaan n'ya sa main suspek na pumatay sa dalaga. Madilim man dun sa lugar na nakita n'ya kayo, pero dahil daw dun sa flashlight ng cellphone n'yo na ginamit n'yo nung gabi, malinaw n'yang nakita ang mga mukha n'yo at palatandaan sa katawan n'yo."

"At kagabi," singit ni Jay na diretso ang mga mata kay Mon na paiwas-iwas naman ng tingin. "Hindi daw s'ya pinatulog ng kunsensya n'ya nang makita n'yang muli ang mga mukha ng lumapastangan kay Rose Lyn. Kaya naman kaninang umaga, agad s'yang pumunta sa station kasama ang kuya n'ya para magbigay salaysay. Ang sabi n'ya, wala na daw s'yang pakialam kung makulong man s'ya dahil sa ginawa n'yang pagnanakaw ng saging nun. Basta ang mahalaga nalang daw sa kan'ya ngayon ay masumbong n'ya ang nasaksihan n'ya dahil hindi na daw kaya ng kunsensya n'ya. Ikaw ba? Hindi ka ba nakukunsensya sa ginawa n'yo?"

Lalong naglikot ang mga binti ni Mon sa tanong ng pulis. Mas bumilis ang pagnginig niya sa maiiksi niyang biyas. Butil-butil ang pawis na naglalabasan sa gilid ng kaniyang noo bagama't nakatutok sa kaniya ang bentilador. Hindi maiwasan ni Mon na pahirin ng kamay ang namamasang ulo, habang bumibilis ang pagkabog ng kaniyang dibdib. Hindi niya alam kung paano lulusutan ang problemang kinahaharap.

"Paano n'yo nagawa 'yong ganung krimen?" tanong ni Beth. "Nakagamit ba kayo ng droga nung gabing 'yon?"

Sh*t! inis na sabi ni Mon sa kaniyang isipan. Bakit parang alam nila ang lahat ng nangyari?

"Sino ang nagbigay san'yo ng droga?" sumunod na tanong ni Beth kahit wala pang kumpirmasyong galing kay Mon kung sila nga'y nakagamit ng ipinagbabawal na gamot. "Saan n'yo 'yon nakuha?"

"Boy," singit muli ni Jay. "Kaylangan mong makipag-cooperate sa'min kung ayaw mong tumanda sa kulungan. Kaylangan mong sagutin ang mga tanong namin kung gusto mong mabawasan ang kaso mo?" pananakot niya.

Kaso? Kulungan? Sabi ni Mon sa isipan. "Teka," protesta niya. "Hindi naman nakukulong ang mga bata ah," matapang n'yang sabi kay Jay nang tumingin siya rito. "Hindi n'yo 'ko pwedeng ikulong," pangangatwiran niya base sa pagkakaintindi niya sa nakasulat sa batas na hindi pwedeng ikulong ang mga nagkasalang batang nasa edad labing lima pababa.

"Ah, hindi mo ba alam?" tugon ni Jay. Makahulugan ang kaniyang tingin kay Mon. "'Yong pinag-uusapan ngayon sa kongreso tungkol sa pagbago ng batas para pwede na ring parusahan at ikulong ang mga batang labing dalawang taong gulang pataas?"

Natahimik si Mon. Nabigla siya sa kaniyang narinig. Naalala niyang mayroon ngang usap-usapan na sinasabi sa balita tungkol sa pagrerebisa ng kongreso sa batas kaugnay sa Juvenile Crime. Hindi nga lang niya sigurado kung ito ba'y naaprubahan nang isabatas o hindi.

Sh*t! Makukulong ako? Gumapang ang kilabot sa buo niyang katawan.

"Boy," mahinahong sabi ni Beth. "Hindi sa tinatakot ka namin," bakas sa kaniyang tinig ang simpatya. "Pero kaylangan mong magsabi sa'min ng totoo at makipagtulungan sa'min kung ano ang nalalaman mo tungkol kay Bart kung ayaw mong dumami pa ang kaso mo."

May alam sila... May alam sila tungkol kay Bart. Sabi ni Mon sa isipan.

"Matibay ang ebidensyang lumabas laban sa'yo at sa pinsan mo," pagpapatuloy ni Beth. "Dahil bukod sa positibo kayong in-identify ng witness, binigay n'ya din ang plate number ng motorsiklong sinakyan n'yo nang gabing mangyari ang krimen. At nang i-verify namin, tugma ito sa motorsiklong ninakaw n'yo nung sandaling 'yon."

Sh*t! Sh*t! Sh*t! Mura ni Mon sa isipan. Anung gagawin ko?

"Tandaan mo, Boy," singit muli ni Jay. "Hindi mo habambuhay maitatago ang krimeng nagawa n'yo. Hindi ka man umamin at wala ka mang sabihin ngayon, malalaman at malalaman din namin ang lahat dahil tututukan namin ang kasong 'to. Tandaan mo ang pwedeng –"

"Magsasalita na 'ko," mabilis na sabi ni Mon nang putulin n'ya ang nais pang sabihin ni Jay. "Sasabihin ko na po ang nalalaman ko kay Bart... at ang nangyari po, tungkol dun sa... babae sa Laguna..." sabi niya nang paputul-putol. Ang boses niyang kanina'y mapagmalaki, ngayo'y napalitan ng tinig na may paggalang.

ManaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon