Kabanata 34

29 0 0
                                    

Huwebes. Alas dose ng tanghali.

Sa isang maliit na silid sa loob ng presinto, natagpuan ni Mon ang sariling nakaupo sa silyang nasa gilid ng kwarto. Nakaharap sa kaniya ang isang kahoy na lamesang pang-apatan, at sa kabila nito ay ang tatlong silyang may sandalan na kaparehas ng upuan niya. Sa paglibot ng kaniyang mga mata, muli niyang nakita ang pamilyar na camerang nakadikit sa may kisame. Sa baba nito ay ang wall fan na pirming nakatutok sa kaniya. Dito sa mismong silid na ito, una niyang ipinahayag ang nalalaman sa pagkamatay ng pinsang si Tonton.

"Baka hindi ka pa kumakain," bungad ng malaking pulis na sumundo kay Mon sa bahay pagkapasok nito sa kinaroroonan niyang silid. "Eto," inilapag niya sa lamesa ang bitbit na cola can at ham sandwich.

Nang maamoy ni Mon ang masarap na pagkain, biglang nag-ingay ang kaniyang tiyan na tila nag-uudyok sa kaniyang kumain. Dahil doon, hindi na siya nagdalawang isip pang tanggapin ang alok ng pulis.

Habang kumakain, pumasok ang isang babaeng pulis sa loob ng silid. May dala itong folder at ilang pirasong papel.

"Sir Jay," tawag ng babaeng pulis sa malaking pulis. "Andito na yung witness," sabi niya habang nakatayo sa bukana ng pintuan.

"Ah, osige, Ma'am Beth," tugon ni Jay nang lingunin niya ang kasamahang pulis habang nakaupo sa silyang nakaharap kay Mon. "Isama na muna kamo ni Troy yung bata d'yan sa canteen para makapananghalian muna sila," utos niya. "Tapos simulan na natin ang interrogation pagtapos kumain ni Boy," dagdag niya nang muling humarap kay Mon.

Simula nang bansagang "Boy" si Mon sa interview niya sa TV, para bang hindi na narinig pa ni Mon na tinawag siya ng mga tao sa tunay niyang pangalan.

"Yes, Sir," tugon ni Beth bago tumalikod at isara ang pintuan.

"Teka," kunot-noong sabi ni Mon. Inilapag niya sa lamesa ang maliit na sandwich niyang tira. "Anung interrogation 'yan?" inis niyang tanong. Sa paraan ng salita niya'y para bang hindi nakatatanda ang kausap niya. Ipinahid niya sa suot na shorts ang kamay na may bahid ng ketsup.

"Tapos ka na ba, Boy?" tanong ni Jay patungkol sa pagkain ni Mon. Tila isinasantabi niya ang kawalang galang na pakikitungo ng binatilyo.

"Tapos na," sagot ni Mon. "Nawalan na 'ko ng gana eh," katwiran niya sabay inum ng soft drinks.

"Sir," muling tawag ni Beth nang buksan niya ang pintuan. "Papunta na sila Troy sa canteen kasama yung bata," sabi niya nang lingunin siya ni Jay.

"Ah, okay," tugon ni Jay. "Tara na dito. Simulan na natin 'to," pag-aaya niya kay Beth.

"Yes, Sir," sabi ni Beth sabay kabig ng pintuan pasara.

Pagka-upo niya sa tabi ni Jay, inilapag niya sa lamesa ang hawak na folder at ilang pirasong papel. Kinuha ni Jay ang papel at binasa ang mga nakasulat.

"Uhm... kilala mo ba 'tong Bart Chong na taga Laguna?" tanong ni Jay habang nakaturo ang kamay sa pangalang nakalista sa papel. "Kilala mo ba si Bart Chong, Boy?" muling tanong ng pulis nang tumingin siya kay Mon.

"Ah..." nabigla si Mon sa tanong ng pulis. Pano'ng nasama sa imbestigasyon si Bart? Tanong niya sa isipan habang nagsisimulang bumilis ang pintig ng kaniyang pulso. Sh*t! Baka minamanmanan nila si Bart dahil sa pagbebenta n'ya ng droga. Hindi ako pwedeng madamay d'yan! "Uhm... hindi ko kilala 'yan," pagsisinungaling niya sabay iwas ng tingin kay Jay.

"Uhm, Ma'am Beth. Paki labas nga yung picture," utos ni Jay sa katabi.

Binuklat ni Beth ang dala niyang folder at kinuha mula roon ang isang papel na may colored print ng retrato ng tila magkakabarkada.

ManaWhere stories live. Discover now