Kabanata 32

32 1 0
                                    

Huwebes. Menos kinse bago mag alas dose ng tanghali.

"Mang. Mamang..."

Nagulat si Sesing sa tinig na tumawag sa kaniya kasabay ang kamay na dumapo sa kaniyang balikat. Hinatak nito sa kasalukuyan ang diwa niyang lumilipad.

"Mamang?" patanong na tawag ni Teban sa asawang nabigla. "Anung nangyayare sa'yo? Bakit tulala ka't nakatitig d'yan sa sahig?"

"Ha?" usal ni Sesing nang mapatingin sa asawang nakatayo sa kaniyang harapan. "Ah, eh..." hindi niya alam kung paano sasagutin ang asawa. Kasabay ng pagbaling ng kaniyang mga mata sa brochure na nakapatong sa cashier counter table (kung saan siya laging nakapwesto kapag nasa loob ng kanilang salon), sumabay ang ikot ng swivel chair na kaniyang inuupuan sa pagpihit ng kaniyang katawan paharap dito.

"Iniisip mo na naman ba si Tom?" mahinahong tanong ni Teban habang nag-iingay sa 'di kalayuan ang blower na ginagamit ng hairstylist na si Ricky sa isang customer ng Salon ni Sesing. "Nag-aalala ka pa rin ba kahit ngayong nahanap na s'ya? Hindi 'bat, ito na 'yung matagal mong hinihintay?"

"Oo, matagal kong hinintay na mahanap si Bunsoy," tugon ni Sesing habang ang mga mata'y nakapako pa rin sa mga papel na nakapatong sa kaharap na counter table. "Oo, iniisip ko s'ya at nag-aalala ako sa kan'ya... pero... mas nag-aalala ako para kay Asol."

"Anung ibig mong sabihin?" litong tanong ni Teban.

"Hindi 'bat nagpahatid ako sa'yo ulit kanina sa kulungan para balikan si Bunsoy pagkatapos nating ihatid si Asol sa trabaho n'ya kila Mareng Vhie?" sabi ni Sesing.

"Oo," tugon ni Teban. "Pero hindi mo pa sinasabi sa'kin kung anung napag-usapan n'yo. Hindi mo naman sinasagot ang mga tanong ko. Parang ayaw mo ngang pag-usapan."

Marahang hinila ni Teban sa gilid ng kalapit na waiting area ang isang may kataasan upuan. Itinabi niya ito sa upuan ng asawang nakapwesto sa likuran ng cash register at saka siya naupo.

"Ganito kasi 'yon," sabi ni Sesing sabay harap sa asawa. Nang magtama ang kanilang paningin, sinimulan niyang ikwento ang naging pag-uusap nila ni Tom sa muli nilang paghaharap makapalipas ang ilang buwan nitong pagtatago.

"Ha?" litong usal ni Sesing na napasulyap sa gulat ding katabing si Mirasol. "Paanong hindi ka nagtago sa bahay? Eh ang sabi ng Ate mo kinausap ka pa n'ya?" halos pabulong niyang tanong kay Tom sabay ang pasimpleng sulyap sa likuran at tagiliran – sinisigurong walang ibang nakakarinig sa kanilang usapan.

"Ibig ko pong sabihin," tugon ni Tom. "Hindi po ako nagtago sa bahay... ng matagal," halos pabulong niya ring sabi. "Saglit lang po ako sa bahay dahil alam kong nasa alanganin akong sitwasyon. Ayokong pati kayo madamay sa oras na may makakita sa'kin don."

"Ah," usal ni Sesing nang maintindihan ang kasagutan ng pamangkin. "Teka, nga pala," banggit niya. "Sabi sa balita nahuli ka daw sa bakanteng paupahang bahay ng t'yahin ni Jhong na nasa abroad. Eh dipensa nung t'yahin, wala raw s'yang alam na dun ka tumutuloy kaya 'di daw s'ya dapat madamay sa kaso. Eh si Jhong naman, dahil seventeen palang, eh hindi naman daw makakasuhan. Teka, dun ka ba nagtago ng matagal?" pabulong na tanong muli ni Sesing habang si Mirasol ay tahimik lang na pinagmamasdan ang kapatid.

"Hindi, Ante," mahinang tugon ni Tom habang ang mga mata'y diretsong nakatingin sa tiyahin. "Nagpalipat-lipat po ako ng tirahan. Mahirap na dahil pinaghahanap ako ng batas."

"Tungkol nga pala d'yan, Bunsoy," sabi ni Sesing. Bakas sa tinig niya ang bahagyang pagkahiya. "Pagpasensyahan mo na'ko kung nagawa kong magsampa ng kaso laban sa'yo. Wala naman akong sama ng loob sa'yo kung napatay mo man ang iyong ama. Naiintindihan ko kung bakit mo 'yon nagawa," napansin ni Sesing ang kakaibang reaksyon ng mukha ni Tom sa sinabi niya. Hindi niya mawari kung dala ba iyon ng pagsisisi ng pamangkin sa nagawang krimen, o dala iyon ng pagkamuhi sa amang sinadya niyang patayin.

ManaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon