Kabanata 6

67 1 0
                                    

Napaatras si Mirasol at napayakap ng mahigpit sa unang kaniyang hawak.

"Gising na't aalis tayo," marahang bulong ni Brosio na bahagyang nakangiti. Nakayuko siya't nakatingin sa gulat na mukha ni Mirasol.

"Sa'n – sa'n po tayo pupunta? Si Nanay?" litong tanong ni Mirasol habang patuloy sa pag-atras. Paupo siyang sumandal sa headboard ng kaniyang kama habang yakap-yakap pa rin ang unan. Pilit niyang tinatago rito ang halos hubad na katawan.

"Pupunta tayo kila Cap Pete," sabi ni Brosio na biglang sumeryoso ang mukha. "Si Nanay mo nasa bayan at may binibili," sabi pa niya sabay tayo.

"Anu pong gagawin natin kila Cap?" pagtatakang tanong ni Mirasol.

"May aasikasuhin lang tayo do'n," mabilis na sagot ni Brosio bago tinuon ang paningin sa bintana. "Sige na't magbihis ka na. Hintayin na kita sa labas," dagdag pa niya bago tinungo ang pintuan at saka lumabas.

Hindi maipaliwanag ni Mirasol ang kabang biglang naramdaman. Hindi lang ito dahil sa kaduda-dudang pagpasok ng ama sa kaniyang silid – na noon lamang nito ginawa, kun'di dahil din sa lihim na pakay ng ama sa pagpunta nila kila Cap Pete na nababalitang sangkot sa mga ilegal na gawain. Wala mang makapagpatunay sa mga bintang kay Cap Pete, hindi naman mamatay-matay ang mga usap-usapang hindi maganda tungkol sa kaniya.

Dinampot ni Mirasol ang cellphone niyang nakapatong sa side table ng kama.

"Quarter to five na pala," bulong niya sa sarili. "Antagal ko pala nakatulog," sabi pa niya. "Sana mabilis lang kami kila Cap para makahabol ako sa birthday ni Katya. Teka," bigla siyang nagtaka. "'Bat kailangan pa 'kong isama ni Tatay? Anu naman ang gagawin ko do'n?"

Binitiwan ni Mirasol ang yakap na unan at saka tumayo. Bagama't may pag-aalinlangan, binuksan niya ang cabinet at kumuha ng bagong damit. Malaking palaisipan sa kaniya kung bakit kailangan pa siyang madamay sa pakay ng ama.

Habang isinusuot ang kulay pulang t-shirt, nagtatalo ang kaniyang isipan sa pagsama o hindi sa amang naghihintay sa labas.

"Hindi ko alam kung anung pwede n'yang gawin sa'kin 'pag 'di ako sumunod," kabadong bulong ni Mirasol habang isinusuot ang pantalong suot niya sa eskwelahan kaninang umaga. "Siguro nga mas maganda kung sasama na lang ako para wala ng problema. Baka madamay na naman si nanay sa galit n'ya 'pag 'di ako sumunod sa kan'ya."

Lumabas ng kuwarto si Mirasol bitbit ang kabang tinatago niya sa normal niyang kilos. Teka nga pala, yung alak? Tanong niya sa sarili nang pumasok sa kaniyang isipan ang pangakong sorpresa sa birthday ng kaibigan nang mapatitig siya sa mga nakadisplay na alak sa mini bar.

Isang malalim na hinga ang kumawala sa kaniyang bibig bago dismayadong tumalikod sa mini bar at dumiretso sa saradong pintuan ng kanilang sala. Paglabas ng bahay suot ang helmet, flat sandals na may makapal na straps, at ang windbreaker na isinabit niya kanina sa likuran ng pintuan, nakita niya ang amang nakahanda na sa pag-alis. Nakasuot ito ng itim na leather jacket at flat sandals na may makapal ring straps. Sa tabi niya ay ang motor nitong mas malaki kumpara sa motorsiklong gamit ni Mirasol na nakaparada sa 'di kalayuan.

"Angkas ka na dito sa motor ko. 'Wag mo ng gamitin 'yang sa'yo," pag-uutos ni Brosio kay Mirasol. Seryoso ang mga malaking mata nitong kita sa bukas na suot na helmet.

"Pero may lakad pa po ako mamaya, Tay," magalang na pangangatwiran ni Mirasol. "Birthday po kasi ni Katya kaya 'pag tapos po natin kila Cap, diretso na po ako do'n."

Hindi umimik si Brosio. Pirming nakatingin lang siya ng seryoso kay Mirasol.

Naramdaman ni Mirasol ang nais ipahiwatig ng ama. Sa takot, yumuko na lang siya't pumunta sa tabi ni Brosio. Walang gana niyang isinilid sa loob ng kaniyang de-zipper na bulsa ng jacket ang susi ng kaniyang motor. Katabi nito sa loob ang cellphone niyang halos wala ng load, at manipis na pitaka kung saan nakatago ang kaniyang lisensya.

ManaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon