Kabanata 30

37 0 0
                                    

Huwebes. Alas onse ng umaga.

Mainit na nang magising si Mon. Ang sikat ng tirik na araw ay pumapasok na sa siwang ng bintana sa kaniyang silid.

Naging maayos at kumportable ang kaniyang tulog sa sariling tahanan. Walang kasamang naghihilik, naglilikot o nang-iistorbo. Sa sariling kwarto, malaya siyang mahiga at bumangon anong oras man niya gustuhin. Walang nagsasabi kung anong oras gigising, at wala ring nag-uutos sa mga dapat niyang gawin.

Dinukot ni Mon ang cellphone na nasa ilalim ng kaniyang unan. Halos isang buwan din bago niya muling nahawakan ang telepono. Ipinagbabawal sa center ang pagdadala ng sariling gadgets. Doon, hinihiram lamang ng mga kabataan ang cellphone o tablet ng mga staffs kung kinakailangan (para sa personal or educational use). Kung kaya't nang umuwi si Mon, nasabik siya sa muling paggamit ng kaniyang telepono.

Ngunit dahil sa pagod niya kahapon, sa papunta't paroon niya sa presinto't center, sa maghapong pagkausap sa kaniya ng mga kapulisan at paulit-ulit na tanong ng mga TV reporter, hindi siya gaanong nakapagbabad sa social media. Matapos niyang silipin ang mga update post ng ilang kakilala't ilang page ng paboritong artista nang mahiga sa kama, at matapos niyang ipost sa kaniyang Facebook account ang mahigit tatlong minuto niyang interview sa media na nilagyan niya ng hashtag na #HustiyaSakingPinsan, natulog na siya't ipinahinga ang pagod na katawan.

Sa nasabing interview, matapang niyang isiniwalat ang nalalaman tungkol sa trahedyang sinapit ng kaniyang pinsan. Doon, dinetalye niya kung kanino galing ang alak na sinasabing ininum ng biktima. Lakas loob niyang tinukoy ang salarin sa pagkamatay ni Tonton.

Sa pagbukas ni Mon ng kaniyang cellphone, laking gulat niya sa dami ng natanggap na notification. Libu-libo ang mga likes, at daan-daan naman ang mga kumento sa comment section ng ipinost niyang video ng kaniyang interview kahapon.

"Sinasabi mo bang," panimula ni Mike na field reporter ng Patrol Bawat Oras. "Ang nagbigay ng alak at ang salarin sa pagkamatay ng pinsan mo ay walang iba kun'di si... Sir Junel Leonzo? Isa sa mga staff sa Youth Center na pinagdalhan sa inyo?" tanong niya kay Mon habang magkaharap silang nakaupo sa loob ng presinto sa bayan ng Trece Martires.

Blurred ang imahe ng mukha ni Mon sa telebisyon, tanging katawan lamang niya ang makikitang malinaw sa camera. At dahil siya'y isang menor de edad, at para na rin sa kaniyang seguridad, itinago siya sa pangalang Boy.

"Opo," magalang na sagot ni Mon. Kita ang mahaba niyang itim na balat na tila nakaguhit mula sa kaniyang kaliwang siko pababa sa kaniyang kamay.

"At sinasabi mong itong si Sir Junel at ang pinsan mo ay magkarelasyon? Tama ba?" tanong muli ni Mike na tinugunan naman ng tango ni Mon. "Sa nalalaman mo, Boy. Gaano na katagal ang relasyong iyon? At paano nagsimula?"

"Uhm... parang nasa tatlong linggo na po ata," sagot ni Mon. "Ang alam ko po nagsimula yun isang gabi nung nakita ko nalang yung pinsan ko na galing sa kwarto ni Sir. Pababa po ako nun para umihi, tapos nakita ko s'ya nagmamadaling lumabas sa kwarto ni Sir. Hinatak n'ya 'ko nun pababa sa hagdan. Tapos dun ko na s'ya tinanong kung bakit galing s'ya sa kwarto ni Sir at walang suot na tshirt. Naka short lang po kasi s'ya nung nakita ko," pag-alala niya. "Eh ang sabi n'ya sa'kin niyaya daw s'ya ni Sir dun sa kwarto dahil may papakita lang daw. Tapos biglang hinawakan nalang daw s'ya sa ti**" sabay blip ng huling salita bilang pagsensored sa maselang pahayag ni Mon. "Tapos sinabihan daw s'ya na magjowa na daw sila pero secret lang," pagpapatuloy niya.

"Ah," usal ni Mike na tila nabigla sa ginawang pagbulgar ni Mon. "Uhm... so... bakit sa tingin mo, Boy... hindi nagsumbong ang pinsan mo sa head ng center n'yo? Tinakot ba s'ya ni Sir Junel?" usisa niya. Mababakas sa pagkalukot ng kaniyang mukha ang pagkabigla mula sa narinig na maselang pahayag ng binatilyo.

ManaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon