Kabanata 14

34 0 0
                                    

Sa tulong ng pulis, mapayapang naisama ng mga taga MSWD (Municipal Social Welfare and Development) sina Arnel, Tonton at Mon sa barangay, kasama ang kanilang mga tagapag-alaga. Dahil sila ay mga menor de edad, nagkaroon lamang ng pag-uusap sa barangay upang maresolba ang isyu.

Bago pa maibalik ng tatlong magkakaibigan ang motorsiklo, naitawag na ni Mang Kardo sa kaanak niyang pulis ang pagkawala ng kaniyang sasakyan. Noong una'y, hindi sumagi sa isip ng kagawad na magagawa iyon ng tatlong kabataang pamilyar sa kaniya. Ang tangi lamang niyang naisip ay maaaring dayo sa lugar nila ang may kagagawan. Ngunit laking gulat nalang niya nang masaksihan ang ginawang pagbalik nina Arnel, Tonton at Mon sa kaniyang motor.

Dahil sa insidente, nagkaroon ng pag-uusap at kasunduan ang mga taga barangay, MSWD at tagapag-alaga ng tatlong magkakaibigan. Upang maturuan ng leksyon, pansamantalang ilalagay ang magkakaibigan sa pangangalaga ng PSWD sa bayan ng Trece Martires sa loob ng dalawang linggo. Sa bagong tayong Youth Center for Boys sila mananatili upang sumailalim sa counseling at community service, at ganoon din sa mga programang nagtuturo ng basic school education at home economics.

Ang mga proyektong nakapaloob sa Youth Center na ito na binuo ng local government sa kabisera ng Cavite, sa tulong ng mga volunteers sa komunidad, ay naglalayong mabigyan ng tamang gabay ang mga kabataang naliligaw ng landas at mga nakaranas ng pang-aabuso. Makakatulong ito na mabigyan muli ng pagkakataong maitama ng mga nagkasala ang kanilang pagkakamali, at mabigyan din muli ng pag-asa ang mga batang naabuso, at maiparamdam din ang tamang kalinga sa mga kabataang wala ng pamilya.

Ang mga kalapit na bayan tulad ng Naic, General Trias at Indang, ay nakipagkoordina sa bayan ng Trece Martires upang pansamantalang ilagak sa bagong Youth Center na iyon ang mga kabataang nasa pangangalaga ng MSWD sa kani-kanilang lugar habang ginagawa ang pagsasaayos sa kanilang facility.

Iyon ang unang beses ng pagtuntong nina Arnel, Tonton at Mon sa center. Imbes na kaparusahan, isang rehabilitasyon para sa bagong pag-asa ang ginawad sa kanila dahil sila'y menor de edad. At matapos lang ang dalawang linggo, kinuha na sila ng kani-kanilang tagapag-alaga. Ngunit makalipas ang ilang buwan mula nang sila'y makalabas ng center, ibinalik silang muli roon dahil sa gulong kinasangkutan nila mula sa pakikipag-away sa ilang kabataan sa bayan nang dahil sa sugal. At dahil nauwi sa pisikalan ang gulo, isinailalim ang tatlo sa mas matagal na pamamalagi sa center.

"Pehro, ahkala koh... nuhng unahng beshes khaming hinulih, eh... dhahil sha pagphatay sha babaeh... eh dih nahman palah... tuhngkol palah sha motor nih Mahng Kahrdo," mabagal na sabi ni Arnel matapos niyang ikwento ng paputul-putol ang naganap bago sila inaresto sa unang pagkakataon. "Peroh alahm moh... kundih moh shinabing... namatahy ahng khapatid moh sha aksidenteh sha mohtor... iishipin koh, syah yuhng pihnatay nilah Tohntohn... kahmukah kashi nyah..." dagdag niya bago tumayo at humarap sa direksyon ng kama.

Nanlalamig ang katawan, ngunit walang imik na pinagmasdan ni Mirasol ang pagewang-gewang na si Arnel habang palapit sa kama. Nang biglang bumagsak si Arnel sa kutson, bigla namang bumalik ang sakit na naramdaman niya nang pumasok sa kaniyang alala ang karumaldumal na pagkamatay ng kaniyang kapatid na si Lily. Ang mahal niyang kapatid na walang awang pinatay ng mga kaibigan ni Arnel.

Walang bahid ng pagdududa sa isipan ni Mirasol na ang tatlong magkakaibigan ang siyang responsable sa pagkamatay ni Lily. Ang mga detalyeng ikinuwento ni Arnel ay tugma sa lumabas na autopsy ng kapatid. Hindi naisapubliko ang tungkol sa sugat sa binti na natamo ni Lily dahil sa pagkabundol dito. Ngunit malinaw na naisaad ni Arnel ang pangyayaring ito sa kaniyang kuwento.

Natagpuan si Lily noon na nakalutang ang hubad na katawan sa matubig na hukay sa isang bakanteng lote sa may parte ng Laguna – ayon din sa deskripsyon ng lugar na tinukoy ni Arnel. Bagama't basag ang kaniyang mukha, nakilala naman ni Mirasol ang kapatid dahil sa malalaking nunal nito sa dibdib at sa pamilyar na suot nitong bracelet beads na may letra ng una niyang pangalan. Bukod doon, ang mga paso nito ng sigarilyo sa binti (dulot ng pananakit ng ama) na kahalintulad ng kay Mirasol, ay ang isa rin sa palatandaan na ang bangkay ay walang iba kun'di si Lily.

Hindi niya sinabi kay Arnel ang tunay na dahilan ng pagkamatay ni Lily. Bukod sa komplikado ang mga naganap sa kanilang pamilya bago ang insidenteng iyon, ayaw na rin niyang alalahanin pa ang masakit na nakaraan. Tulad ng payo sa kaniya ng doctor, mas makabubuti para sa kaniya ang paggunita sa mga masasayang alaala.

"Peroh lahm moh, minsahn..." nagsalitang muli si Arnel habang nakahiga at nakatingala sa kisame. Ang kaniyang mga mata ay unti-unti nang bumabagsak. "Iniiship koh... kahsalahnan dihn nuhng babaeh kun baht ngyareh sha kanyah yuhn eh... kundih sha dumaahn dohn, dih sha mahpapahamahk... atshaka, gabihng-gabih nah nasha labahs pah sha..."

Nagdilim ang paningin ni Mirasol sa narinig niya kay Arnel. Parang bang isang pison ang biglang sumagasa sa kaniyang dibdib na siyang panandaliang nagpatigil sa kaniyang paghinga. Iba't ibang pakiramdam ang nagtatalo sa kaniyang damdamin. Naroon ang awa sa kapatid, ang lungkot sa muling paggunita sa pagkamatay ni Lily, ang pagsisisi kung bakit hindi niya nasamahan ang kapatid sa pagtakas sa kanila, at galit sa tatlong magkakaibigan at sa kaniyang sarili.

Bagama't masama ang loob ni Mirasol sa natuklasan, hindi niya magawang saktan ang binatang nakahiga sa kaniyang kama. Hindi dahil sa mayroon siyang natitirang katiting na pagtingin kay Arnel, kun'di dahil sa mga oras na iyon, mas sinisisi niya ang sarili sa masamang sinapit ni Lily.

Alam niya ang kalagayan ni Lily at ang kinaroroonan nito bago pa nangyari ang krimen. Ngunit dahil sa komplikadong sitwasyon, nais mang pabalikin ni Mirasol ang kapatid sa kanila nang mamatay ang kanilang mga magulang, pinili niyang malayo sa kapatid, at itago ang lihim na ito para na rin sa kaligtasan ni Lily.

Nanghihinang lumabas ng silid si Mirasol. Pilit siyang nagpapakatatag sa pagkapit sa mga nakatayong gamit sa bawat daanan upang maiwasan ang kaniyang pagbagsak. At sa bawat hakbang patungo sa kwarto ni Lily, hindi na niya naiwasan ang pagtulo ng masaganang luha. Muling nanariwa sa kaniya ang sakit ng pagpanaw ng kapatid. Nahiga siya sa kama ni Lily yakap-yakap ang unan nito. Pakiramdam niya'y unti-unti siyang nalulunod sa kawalan sa bawat pag-ikot ng orasan.

ManaWhere stories live. Discover now