Kabanata 9

52 1 0
                                    

Madilim na nang makauwi si Mirasol galing sa center. Ang liwanag mula sa ilaw ng maliit nilang garaheng natatakpan lamang ng bubong ang sumalubong sa kaniyang pagdating. Habang binubuksan niya ang pintuan ng kanilang bahay, naalala niya ang nangyaring biglang pagpasok kanina ni Daisy sa kusina.

"Mirasol?" tawag ni Daisy pagkapasok sa kusina. Hindi agad nakasagot si Mirasol kung kaya't inulit nito ang pagtawag sa kaniyang pangalan. "Mirasol?"

"Ah, Ma'am... ba – bakit po?" tarantang sagot ni Mirasol habang lumalapit kay Daisy na dumiretso sa bayong ng gulay na nakapatong sa lamesang malapit sa lababo. Bakas ang pag-aalala sa kaniyang mga mata nang saglit siyang lumingon kay Arnel.

"Paki tulungan nga ako ditong hanapin 'yung salamin ko. 'Di ako sigurado, pero baka dito ko nalaglag," sabi ni Daisy habang isa-isang inilalabas sa bayong ang mga sangkap ng pakbet.

Hay, salamat... Hindi n'ya kami nakita. Sabi ni Mirasol sa isipan. Biglang lumuwag ang pakiramdam niya nang mapagtantong hindi nga pala basta-basta makikita ni Daisy ang magkahawak nilang kamay ni Arnel dahil malabo ang mga mata nito sa malayo 'pag walang suot na salamin.

"Ay, Ma'am, tulungan ko na din po kayo d'yan," alok ni Arnel na tumungo sa kanila. Mabilis ang lakad ng binatang bahagyang malayo sa dalawa. "Di n'yo po ba agad napansing nawawala ang salamin n'yo kanina?" tanong ni Arnel.

"Ay, ewan ko ba," sagot ni Daisy na tila ba inaalala ang nangyari bago mawala ang salamin. "Ang naalala ko lang eh nung napuwing ako kanina sa garden nung namimitas ng sitaw. Tapos habang pinapahid ko 'yung mata ko eh 'di ba sinabihan kitang dalhin mo na 'yang mga gulay dito sa kusina at ayusin na 'yung mga gagamitin sa pagluluto. Hindi ko na namalayang wala na pala akong suot na salamin hanggang nakapasok sa lobby. Kaya pala hirap na hirap akong tumingin sa dinadaanan ko kanina. Tapos pagdating sa lobby –"

"Ay, eto po," galak na sabi ni Mirasol nang ipakita kay Daisy ang hawak na salaming nadukot niya sa gitnang bahagi ng bayong ng mga gulay.

"Hay, salamat!" nakahinga ng maluwag si Daisy. "Andito lang pala," inabot niya ang salamin at pinunas ito sa laylayan ng kaniyang maluwag na kulay asul niyang uniform t-shirt na may tatak ng logo ng Municipyo ng Trece. "Ang hirap ng ganitong tumatanda. Nag-uulyanin na," kumento pa niya.

Pagod na pinindot ni Mirasol ang switch ng ilaw malapit sa pintuan. Nang lumiwanag ang tahimik na bahay, hinubad niya ang suot na gomang sapatos at ipinasok ito sa shoe cabinet sa may gilid ng pinto. Naglakad siya't tinungo ang mahabang sofa sa sala. Dito, ngawit niyang inilapag ang dalang bag at saka kinuha sa loob ang dalawang tupperware na may lamang ulam.

Dulot ng labis na trabaho, sabik man siyang makita't makausap muli ang kapatid, hindi na ito mababakas sa kaniyang kilos dahil sa pagal na katawan.

Bitbit ang pagkain sa isang kamay, marahang kinatok ni Mirasol ang pintuan ng saradong kwarto ni Tom na malapit sa sofa.

"Bunsoy?" bulong ni Mirasol sa likod ng pintuan. "Andito na ang Ate. May dala akong ulam," ang tugon na hinihintay niya mula kay Tom ay sinagot ng katahimikan. Tulog na kaya s'ya? Tanong niya sa isipan. "Ay teka, kaylangan ko palang magsaing," sabi niya nang maalalang hindi pa siya nakakaluto ng bagong kanin.

Tahimik na lumakad si Mirasol papuntang kusina. Doon, inilapag niya sa lamesa ang dalang tupperware. Binuksan niya ang bintanang malapit sa lababo at bumungad ang amoy ng mga halamang nadiligan ng ulan kanila lamang. Nalunod ang kaniyang paningin sa kadiliman ng paligid, habang ang lagaslas ng ilog sa 'di kalayuan ay nangibabaw sa katahimikan ng gabi.

Walang ibang ingay na naririnig si Mirasol sa mga oras na iyon. Walang mga batang naghihiyawan sa kalapit na bahay, at wala ring bukas na TV na kadalasay malakas ang volume.

ManaWhere stories live. Discover now