Kabanata 16

43 0 0
                                    

Mag-aalas tres ng hapon nang marating nina Mirasol ang mansyon ni Cap Pete. Pinarada niya ang dalang motorsiklo sa likod ng L300 van nina Vhie na huminto sa tapat ng bukas na maliit na gate. Bagama't walang bakas ng presensya ni Cap sa paligid, ramdam pa rin ni Mirasol ang kaba sa kaniyang dibdib – rason upang pansamantala niyang maisantabi ang tinatagong galit sa tatlong magkakaibigan na sumira ng buhay ng kapatid niyang si Lily.

Mula sa kanilang pwesto, makikita ang Happy Time party truck na nakaparada sa driveway ng bukas na malaking gate na naghahanda na sa pag-alis. Isinasara na ang likurang bahagi ng delivery truck na wala ng laman sa loob.

Matatanaw sa malawak na hardin ang mga kalalakihang unipormado ng dilaw na t-shirt na may tatak na Happy Time ang pag-aayos nila ng mga lamesa't upuan. Bukod sa pagpupwesto, dinadamitan din nila ito ng dilaw na tela. Bagama't malakas ang ulan kagabi, tila ba tinuyo ng matinding araw ng umaga't katanghalian kanina ang nabasang lupa sa hardin.

Sa malilim na gitnang bahagi ng magarbong bakuran, makulay naman ang mga lobong nakadisenyo ng paarko ang inilalagay nila sa parteng likod ng isang mahabang lamesa. Doon, nakalagay din ang malaking pagbati sa pangalan ng celebrant – Happy 7th Birthday Elisa.

Sa pag-alis ng party truck sa driveway, isang catering van naman ang dumating at pumalit sa pwesto nito. Pagbukas ng pintuan, lumabas ang mga tauhang unipormado ng disenteng puting polo na may mahabang manggas, at nakaitim na pantalon.

"Magandang hapon, po," pagbating salubong kina Vhie ng isa sa mga kasambahay sa mansyon. Nakasuot ang maliit na babaeng tila nasa edad trenta pataas ng lightblue na bestida na parang naka-apron ang disenyo. "Kayo po ba yung may dala ng mga pulutan?" tanong niya.

"Oo, kami nga," nakangiting tumangu-tango si Vhie. "Paki sabi nalang kay Cap na andito na kami."

"Ay wala pa po si Cap," magalang na tugon ng kasambahay. "Baka matagalan pa po s'ya sa labas. Maya-maya pa po siguro ang dating."

Maluwag na nakahinga si Mirasol sa narinig. Biglang nawala ang paninikip ng kaniyang dibdib dahil sa wala nang banta ng panganib. Hindi man naging bayolente ang kapitan sa kaniya, ang bangungot na naranasan naman niya sa kamay ng taong iyon ay itinuturing niyang isang malaking panganib.

"Pero binilin po ni Cap na dun nalang daw po sa may gilid na lamesa n'yo ilagay 'yung mga pagkain," sabi niya sabay turo sa mahabang lamesang nalililiman ng mansyon malapit sa pader na bakod. "Pinabubukod po kasi ni Cap yung para sa pulutan. Itong lamesa po kasi sa gitna yung pinakahanda para sa birthday ng bata," dagdag niya.

"Ay ganun ba," tugon ni Vhie habang abala sa pagbubukas ng van ang asawa niyang si Roy. "Sige dun nalang namin ilalagay 'tong pulutan," dagdag niya.

Magkatulong na binuhat nina Mirasol at Vhie ang ilang chafing dish na may lamang mga pagkain. Samantalang, solo namang binitbit ni Roy ang iba pa nilang dala. Inilapag nila ito sa mahabang lamesang nakabalot sa mapusyaw na kulay asul na tela.

Iba't ibang klase ng pulutan ang dala nina Mirasol. May kalderatang kambing, chicharong bulaklak, inihaw na hito, papaitan, at ang sikat na dinakdakan ni Ate Vhie. Bagama't nasa tila mahigit isang daan ang bisita, base sa dami ng mga upuan at lamesang nasa paligid, ang pulutang pinahanda naman ni Cap at ang sangkaterbang pagkaing dala ng main caterer ay labis para sa mga ito. Marahil plano rin ni Cap na magpamigay ng mga ito sa kaniyang kabarangay at kapitbahay.

"Dito nalang natin ilagay sa ilalim ng lamesa 'yung mga kaldero," sabi ni Vhie sa kaniyang asawa pagkalapag nito sa lamesa ng portable stove para sa initan ng papaitan. "Para madali nalang ang refill ng mga pagkain. Kesa magpabalik-balik pa tayo sa van 'pag dun natin iiwan 'yung mga kaldero," sabi niya patungkol sa mga pasobrang pagkaing nakalagay sa mga kaldero. "Asol, paki kuha nalang pala yung asul na telang nakalagay sa supot," utos niya kay Mirasol. "'Yun nalang ang ipangtatakip natin sa harapan ng lamesang 'to para hindi makita yung mga kalderong ilalagay natin sa ilalim. Tapos, Pa," sabay baling ni Vhie sa kaniyang asawa. "Lagyan nalang natin ng karton itong ilalim para dun natin ipapatong ang mga kaldero."

ManaWhere stories live. Discover now