Kabanata 15

39 0 0
                                    

"Ate, Ate," sigaw ng maliit na si Lily habang tumatakbo papalapit kay Mirasol na nakaupo sa kawayang papag sa loob ng kanilang bakuran.

"Oh, madapa ka," tugon ni Mirasol sa muntikan ng madulas na kapatid. Napahinto siya sa pagtitirintas ng gomang ginagamit nila sa paglalaro ng Chinese garter at napatitig kay Lily na agad namang nakabawi sa pagtakbo.

Hindi tulad ni Lily, malaking bulas si Mirasol. Marami ang hindi naniniwalang labing dalawang taong gulang lamang siya sa taas niyang limang talampakan at tatlong pulgada. Dahil sa kaniyang pangangatawan, madalas siyang mapagkamalang labing anim na taong gulang na.

"Oh, ba't dala mo 'yang langis?" tanong ni Mirasol kay Lily nang ilapag nito sa papag ang bote ng likidong hawak. Inilapag ni Mirasol ang kumpol ng goma at pinahid ng kaniyang kamay ang butil butil na pawis sa noo ng siyam na taong gulang na si Lily. Bagama't mag-aalas singko na ng hapon, ramdam pa rin ang init sa araw na iyon. "Magpapakuto ka na naman ano?"

"Oo, Ate," nakangiting tugon ni Lily. "Ang kati ng ulo ko eh," dagdag niya sabay kamot sa maiksi niyang buhok na gupit bao.

"Nagluluto na ba si Nanay?" tanong ni Mirasol na tinugunan naman ng tango ni Lily. "Eh teka," biglang sabi ni Mirasol nang paupo na si Lily sa papag. "Asan yung suyod? At puting damit?" pagtukoy niya sa mga ginagamit sa pangunguto.

"Ay nakalimutan ko," sagot ni Lily na napakamot sa ulo. "Kunin ko muna, Ate," sabi niya sabay takbo pabalik sa loob ng bahay.

Napangiti si Mirasol sa makulit na galaw ng kapatid. Para itong kitikiti sa bilis ng kilos. Habang tanaw ang pagbubukas ng kapatid sa pintuan ng bahay, isang malakas na hiyaw naman ng maliit na bata ang pumukaw sa kaniyang atensyon. Napatingin siya sa bukana ng kanilang tarangkahan at nakita ang pagpasok ng kaniyang ama bitbit sa kanang braso ang bunsong kapatid na si Tom na todo ang pag-iyak.

Halata ang yamot sa mukha ng ama ni Mirasol nang inis nitong ibinaba sa lupa ang walong taong gulang na si Tom.

"Ayaw mong tumigil ha?" galit na sabi ni Brosio sabay sampal sa anak.

Nabigla si Mirasol sa ginawa ng ama. Iyon ang unang beses na nakita niya itong naging marahas. Malayo ito sa kinamulatan niyang mabait na amang kaniyang nirerespeto. Bagama't napatayo siya mula sa pagkakaupo sa papag, hindi naman niya maihakbang ang mga paa patungo sa bunsong kapatid na nagdurugo ang nguso mula sa malakas na hampas sa bibig nito.

Humahangos si Miriam sa paglabas sa kanilang bahay. Ngunit saglit siyang natigilan nang makita ang nakakaawang hitsura ng anak na lalaki. Dahan-dahan siyang lumapit kay Brosio na patuloy sa pagsigaw at malakas na pagpalo kay Tom. Nang hawakan niya ang kamay ng asawa upang pigilan ito sa pananakit, itinulak siya nito at mabigat siyang bumasak sa batuhang lupa.

Napahikbi si Mirasol sabay mulat ng mata. Panaginip... Ang unang pumasok sa kaniyang isipan sa biglang paggising. Isang patak ng luha ang naramdaman niyang tumulo sa kaniyang pisngi. Napanaginipan ko na naman... Pagtukoy niya sa masakit na alaalang tila hanggang panaginip ay ayaw siyang tantanan.

Ang sinag ng araw na tumatama sa kaniyang mukha ang una niyang nakita sa kaniyang pagdilat. Ang huni naman ng mga ibong tila ba naglalaro sa labas ng kanilang bahay ang bumungad sa kaniyang pandinig. Para bang nagpapahiwatig ang kalikasan ng magandang panahon mula sa maghapong pag-uulan kahapon. Tila ba gusto nitong ipahiwatig kay Mirasol na masalimuot man ang nakaraan, mayroon pa ring naghihintay na magandang kinabukasan.

Ngunit muling nanariwa sa isipan ni Mirasol ang nakaraan nang dahil sa panaginip. Gustuhin man niyang isipin nalang ang kasalukuyan, hindi naman niya maiwasang magunita ang masamang alaala sa piling ng kaniyang ama. Hindi niya malilimutan ang biglang pagbabago nito na nagsimula nang siya'y tumuntong ng labing dalawang taong gulang. Ang kinamulatan niyang mabait na ama ay naging isang nakakatakot na halimaw sa paglipas ng panahon.

ManaWhere stories live. Discover now