Kabanata 3

139 3 0
                                    

Ayon kay Sesing, nang makilala ni Brosio si Miriam (ina ni Mirasol), nagbago ang pag-uugali ng kapatid. Ikinatuwa ni Sesing ang unti-unting panunumbalik ng pagiging matino ni Brosio. Pilit na itong umiiwas sa pag-inum at pagsama sa mga barkadang madalas na naghahanap ng gulo sa ibang bayan. Bagama't hindi pa rin napipirmi sa bahay at kanilang lugar ang kapatid dahil sa madalas nitong pagbisita sa bayan ng Imus – kung saan naninirahan si Miriam – nabawasan naman ang labis na pag-aalala ni Sesing sa bawat sandaling malayo sa paningin ang kaniyang kapatid. Hindi man tumutulong si Brosio sa pag-aasikaso ng kanilang sagingang minana mula sa mga namayapang magulang, masaya na siya sa nakikitang pagbabago ng kapatid.

"Happy birthday, Ate," bati ni Brosio kay Sesing sabay yakap dito. Maaliwalas ang hitsura niya sa bagong gupit na manipis na buhok.

"Salamat," masayang tugon ni Sesing habang nakatayong nakayakap sa kapatid sa gitna ng kanilang hardin – kung saan kasalukuyang ipinagdiriwang ni Sesing ang kaniyang kaarawan kasama ang mga kaibigan. "Kala ko iisnabin mo na naman ang birthday ko," tampu-tampuhang sabi niya nang bumitaw kay Brosio.

"May sinundo lang ako kaya ako umalis kanina. Teka," sabi ni Brosio sabay lakad patungo sa bukana ng kanilang bakuran. Pagbalik niya, isang babae ang hawak kamay niyang ipinakilala sa kapatid.

"Miriam, eto ang Ate ko," nakangiting pagpapakilala ni Brosio. "Ate, si Miriam. Ang magiging asawa ko," bakas sa tinig niya ang kasiyahan.

Bagama't nabigla si Sesing sa sinabi ng kapatid, bukas niyang tinanggap ang desisyon ni Brosio at walang pagtutol sa babaeng mahal nito.

Muling kumapit si Mirasol sa ilang upuan ng lamesa. Binabalanse ang kaniyang paglakad dahan-dahan patungo sa banyong malapit sa kusina. Hindi tulad noong nakalipas na ilang buwan, pakiramdam ni Mirasol ay mas gumaan ang kaniyang katawan ngayong kasalukuyan.

Sa taas niyang limang talampakan at pitong pulgada (5'7") tumitimbang siya noon ng halos dalawang daang libra (almost 200 lbs). Ito ay bago nangyari ang napakalaking dagok sa kaniyang buhay – halos walong buwan nang nakalipas.

Isang buwan mula nang mamatay ang kaniyang mga magulang, malaki ang ipinayat ng kaniyang katawan dahil sa hindi pagkain ng maayos. Sa pagsapit ng ikalawang buwan, dahil naman sa biglaang pagkamatay ng kapatid niyang si Lily na bata sa kaniya ng tatlong taon, tuluyang bumagsak ang kaniyang katawan. Nauwi ito sa pagdala sa kaniya sa ospital dahil sa sobrang panghihina. Animo'y buto't balat na ang kaawa-awa niyang hitsura dahil sa kapayatan. Ang sunud-sunod na trahedyang sinapit ng kaniyang pamilya ang naging dahilan ng pagkalugmok niya sa labis na kalungkutan at kawalang ganang mabuhay.

Ngunit nang malagpasan ni Mirasol ang mabigat na yugto ng pagdadalamhati – sa tulong ng kaniyang tiyahing si Sesing at pamilya nito – unti-unting nagkaroon ng magandang pagbabago sa kaniyang kalusugan. Dala na rin ng konsultasyon at payo ng mga doctor, dahan-dahang nakabawi ang katawan ni Mirasol.

Anim na buwan mula nang pumanaw ang kaniyang mga magulang, bumalik sa dating animnapung kilo (60 kg) ang kaniyang bigat – na normal niyang katawan noong nag-aaral pa siya ng kursong Tourism sa kolehiyo. Ngunit sa nakalipas na halos tatlong linggo, pitong kilo (7kg) na ang binagsak ng kaniyang timbang.

"Alas siyete na pala," bulong ni Mirasol nang mapatingin siya sa malaking orasang nakasabit sa dingding ng kusina habang papasok siya sa banyong nasa pagitan ng kusina't silid ni Lily. Bahagya siyang nangiwi sa saglit na pagpintig ng kaniyang ulo.

"Buti hindi pumutok at walang sugat ang ulo ko," bulong ni Mirasol habang hinihimas-himas ang bukol sa ulo.

Kung noo'y – noong mga panahong buhay pa ang kaniyang mga magulang – bahagya siyang tumatagilid sa pagpasok sa pintuan ng palikuran dahil sa kaniyang katabaan, ngayo'y walang kahirap-hirap siyang nakakadaan sa pasukan nitong may mga nakasabit na plastic na halaman sa magkabilang sementong dingding. "Teka, makapaghilamos na nga at nang maayos ko na 'tong buhok ko bago pumunta kila Ante. Para hindi na n'ya pansinin pa 'tong bukol ko," bulong pa niya nang silip-silipin sa salamin na nakasabit sa lababo ng banyo ang magang parte sa may likurang bahagi ng kaniyang ulo na hindi naman niya lubos na makita.

ManaWhere stories live. Discover now