Kabanata 39

59 1 0
                                    

Huwebes ng gabi.

Sa pagmulat ng mga mata ni Mirasol, una niyang nakita ang bukas na bintelador sa mataas na puting kisame. Para bang bigla siyang nahilo nang tignan ang pag-ikot nito kung kaya't muli siyang napapikit. Bahagya niyang itinungo ang kaniyang ulo, at maya-maya'y iminulat muli ang mga mata. Sa kaniyang pagdilat, ang bukas na tila salaming bintanang napapalibutan ng rehas ang pumukaw ng kaniyang atensyon.

Nasaan ako? Tanong niya sa sarili. Bukod sa ningning ng bituin sa kalangitan na tanaw niya mula sa bintana, wala na siyang ibang maaninag sa madilim na labas.

Hindi maintindihan ni Mirasol kung bakit siya naroon sa isang maliit at hindi pamilyar na silid. Habang dahan-dahang nililibot ang paningin, sinubukan niyang bumangon.

Mabigat siyang bumagsak muli sa pagkakahiga sa malambot na kama. Ramdam niya ang hilong hindi niya mabatid kung saan nagmula. Sa paghawak niya sa kaniyang mukha, rumihistro ang amoy ng alcohol sa kaniyang ilong. Doon niya napansin ang gasang nakatapal sa kaniyang kanang palad.

May sugat ako? Sa'n ko nakuha 'to? Tanong niya sa isipan. Sa kaniyang pagbukas-sara sa kanang kamay, bigla siyang nakaramdam ng pagkirot.

Napangiwi si Mirasol sa kirot ng kamay na tila umaabot sa kaniyang ulo. At sa hindi malamang dahilan, bigla nalang sumulpot ng malinaw sa kaniyang isipan ang mga pangyayaring naganap sa kusina noong gabing mamatay ang kaniyang mga magulang.

Muling gumapang ang kilabot sa katawan ni Mirasol nang makita sa kaniyang alaala ang matinding galit ng kaniyang ama sa kaniyang ina noong gabing iyon. Dahil sa pag-amin ni Miriam kay Brosio (na itinago niya ang anak na si Lily upang mapigilan ang pagpunta nito kay Cap), matapos ang maghapong paghahanap ng ama kay Lily sa kanilang lugar, hindi na napigilan ni Brosio ang sarili at gigil na nasakal niya ang asawa.

Sinubukang umawat ni Mirasol, ngunit tila balewala sa ama ang kaniyang pagmamakaawa. Nabalewala rin ang ginawa niyang pagtatangkang alisin ang mga kamay ni Brosio sa leeg ng kaniyang ina dahil sa lakas ng ama. Ngunit makalipas ang ilang sandali, nang makita niyang para bang nag-iiba na ang kulay ng ina at hindi na ito humihinga, lakas loob niyang kinuha ang nakitang kutsilyo.

Habang sakal-sakal pa rin ni Brosio si Miriam, matapang namang itinarak ni Mirasol sa likod ng ama ang may kahabaang kutsilyo. Nang maramdaman ni Brosio ang matinding sakit, bigla niyang nabitiwan ang asawa na mabigat namang bumagsak sa sahig. At malakas niyang natabig si Mirasol sa kaniyang pag-ikot.

Nais sanang harapin ni Brosio ang anak na sumaksak sa kaniyang likuran. Ngunit dahil sa maling pagpihit ng kaniyang katawan, nawalan siya ng balanse at paatras siyang napasandal sa saradong pintuan na palabas sa likurang-bakuran. Sa bigat ng pagtama ng kaniyang likod sa pintuan, bumaon ang kutsilyong itinarak ni Mirasol sa kaniyang likuran. Inabot niyon ang kaniyang puso na naging sanhi ng kaniyang kamatayan.

Bago tuluyang nawalan ng malay si Mirasol (na napahiga na sa sahig dahil sa tinamong sugat sa noo nang aksidenteng tumama ito sa kanto ng kanilang kahoy na lamesa, dahil sa malakas na pagkakatabig sa kaniya ng ama) nakita niya kung paano namatay si Brosio. At bago tuluyang kinain ng dilim ang kaniyang paningin, inisip niyang... iyon lamang ay isang masamang panaginip.

Hindi totoo ang lahat ng 'yon... Pagtanggi ni Mirasol sa kaniyang isipan. Masamang panaginip lang ang lahat... Bigla niyang iminulat ang mga mata at pinilit ang sariling bumangon. Ngunit sa pangalawang pagkakataon, muli siyang bumagsak sa kama.

Tila ba manipis na usok ang naglaro sa kaniyang imahinasyon, nang makita niya ang kaunting alikabok na pumailanlang sa hangin nang maistorbo ito ng kaniyang pagkalagapak sa higaan. Sa isang kisap mata, biglang bumalik sa kaniya ang alaalang noo'y nababalot ng maninipis na ulap, ngunit ngayo'y klaro na niyang nakikita.

ManaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon