Kabanata 29

27 0 0
                                    

Huwebes ng umaga.

Mag aalas otso ng umaga nang dumating sina Mirasol at Sesing sa piitan ng kanilang bayan upang bisitahin si Tom. Nakatayo silang nakapila sa may harapan ng pintuan kasama ng iba pang mga dalaw na naghihintay sa pagbubukas ng bilangguan. Habang nakatitig ang mga mata ni Sesing sa karatulang nakapaskil na Cavite Provincial Jail, hindi mawala sa kaniyang isip ang mga sinabi ni Mirasol sa kaniya kagabi.

"Ha? Tinago mo sa bahay si Bunsoy?" hindi makapaniwalang tanong ni Sesing kay Mirasol habang nakahiga ang pamangkin sa kanilang sofa. Saglit siyang napahawak sa kaniyang bibig nang mapagtantong malakas ang kaniyang tinig. "Bakit ngayon mo lang sinabi sa'kin?" pabulong niyang tanong habang bahagyang naramdaman ang pag-anghang ng kaniyang bibig dahil sa white flower na langis na kumapit sa kaniyang palad.

"Natakot kasi ako..." mahinang tugon ni Mirasol.

"Bakit? Saan ka natakot?" pagtatakang tanong ni Sesing. "Hindi ba't sinabi ko na sa'yong wala akong galit kay Bunsoy, kahit pa kapatid ko pa ang napatay n'ya. Hindi ba't sinabi ko rin sa'yo na naiintindihan ko ang dahilan n'ya kung bakit nagawa n'ya 'yon? At hindi ko s'ya sinisisi," may diin ang kaniyang paliwanag sa mahinang tinig.

"Alam ko, Ante," tugon ni Mirasol habang ang mga mata niya'y nakapako sa kisame. "Wala pong problema sa inyo. Hindi ba't ayaw n'yo pa ngang kasuhan si Bunsoy?"

"Ayaw ko naman talaga s'yang kasuhan 'di ba?" sagot ni Sesing. "Ikaw lang 'tong nagpilit sa'kin nung wala na ang kapatid mong si Lily. Dahil ayaw na nga umuwi dito ni Bunsoy at magpakita sa'tin kahit anung kumbinsi mo sa kan'ya. Kaya naisip mong sa paraan ng pagsasampa ng kaso sa kan'ya, pwede tayong matulungan ng mga pulis na mahanap s'ya. Kaya nga napapayag ako, dahil iyon nalang din ang nakikita kong paraan para makita natin s'yang muli. Dahil nga ang sabi ni Bunsoy sa'yo nung minsang nakausap mo s'ya eh, hindi na s'ya babalik dito. At nung malaman n'yang sinampahan ko s'ya ng kaso, sinabi mong nagbilin s'ya sa'yo na 'wag na 'wag itong iuurong. At 'yon ang hindi ko lubusang maintindihan kung bakit?"

"Hindi ko rin s'ya maintindihan, Ante," tugon ni Mirasol. "Nung nagtago s'ya sa bahay, nagkukulong lang s'ya sa kwarto at hindi ako kinakausap. Akala ko pa naman kaya s'ya bumalik ay para humingi ng tulong, magpaliwanag, at humingi ng tawad. Pero ni ha ni ho wala akong narinig sa kan'ya."

Isang malalim na buntong-hininga ang tugon ni Sesing sa sinabi ni Mirasol. Lubos siyang nahihiwagaan sa mga nangyayari sa bunsong pamangkin. Matapos ang saglit na katahimikan, muling nagsalita si Sesing.

"Nung nagtago s'ya sa inyo, nasabi mo ba sa kan'ya kung bakit ko s'ya tinuluyang kasuhan matapos mamatay si Lily? Alam ba n'ya kung ba't natin 'yun ginawa?" tanong ni Sesing.

"Hindi ko nasabi, Ante," tugon ni Mirasol. "Sa dami ng gusto kong sabihin sa kan'ya, hindi ko na nabanggit ang tungkol d'yan..."

"Ante. Ante," sabi ni Mirasol.

Tila ba hinila sa kasalukuyan ang lutang na diwa ni Sesing nang tawagin at kalabitin siya ng pamangkin.

"Nagpapapasok na po sila," patungkol ni Mirasol sa pagbubukas ng bilangguan. "Tara na," pag-aya niya kay Sesing na halata ang pagkagulat.

"A – ah... osige," tugon ni Sesing.

Pagkapasok ng magtiyahin sa pangunahing pintuan, dumaan sila – sampu ng mga kasama nilang nakapila – sa serye ng mga inspeksyon. Ito ang protocol sa mga dalaw na bumibisita sa bilangguan. Pagkatapos noon ay saka palang tatawagin ang taong pakay upang sila'y magkausap.

Tulad ni Mirasol, isang mahigpit na yakap din ang ginawad ni Sesing nang makita sa unang pagkakataon si Tom makalipas ang ilang buwan nitong pagtatago. Samu't saring emosyon ang nagsasapawan sa damdamin ni Sesing. Naroon ang pananabik, pag-aalala't pagkaawa sa pamangkin.

"Kamusta ka na?" tanong ni Mirasol sa kapatid habang sabay-sabay silang nauupo sa itinalaga nilang lamesa.

"Eto," tugon ni Tom at sumilay ang kapiranggot na ngiti sa kaniyang mga labi.

Ang maiksing salita'y tila ba naglalaman ng napakaraming sagot sa isipan ni Sesing base sa kaniyang obserbasyon. Eto, nahuli na't nakakulong... Eto, nahihirapan dito sa loob... Eto, nagsisisi sa mga nagawa ko... Eto, pumangit na sa sobrang stress... sabay pansin niya sa laki ng pinagbago sa hitsura ng pamangkin.

Hindi maiwasang ikumpara ni Sesing ang kasalukuyang pangangatawan ni Tom sa kaniyang kapatid na si Brosio nuong panahong nalunod ito sa sobrang kalungkutan nang mamatay ang kanilang mga magulang. Ang kapayatan, humpak na pisngi, nanlalalim na mga mata, tuyong balat, at manipis na patse-patseng buhok sa ulo ay hindi nalalayo sa hitsura ni Brosio noon.

"May dala pala kaming pagkain at damit para sa'yo..."

Bumalik sa kasalukuyan ang lumilipad na isip ni Sesing nang maulinigan ang mga salitang binitiwan ni Mirasol kay Tom.

"Ibibigay daw sa'yo mamaya nung warden pagtapos naming bumisita, 'di ba, Ante?" sabi ni Mirasol nang tinignan si Sesing.

"Ah, eh... oo," bahagyang nabiglang sagot ni Sesing. "S'ya nga pala, matanong ko lang, Bunsoy," pag-iiba niya sa usapan nang ilipat ang buong atensyon kay Tom. "Nabanggit sa'kin ng Ate mo," pasimple siyang tumingin sa kaniyang tagiliran at likuran – sinisigurong walang ibang nakikinig sa kanilang usapan. "na... nagtago ka daw sa bahay," pabulong niyang sabi. "Ga'no ka katagal nagtago sa bahay?"

"Ha?" gulat na tugon ni Tom. "Ah, eh..."Bakas sa kaniyang namilog na mga mata ang pag-aalinlangang sumagot. "Ante... hindi po ako nagtago sa bahay..."

ManaWhere stories live. Discover now