Kabanata 20

37 1 0
                                    

"Biyernes pa lang daw ng gabi ay hindi na ito nakita..."

Habang paulit-ulit na naaalala ni Mirasol ang balita sa TV, paulit-ulit din niyang binabalikan sa isipan ang mga nangyari noong Biyernes ng gabing kasama niya si Arnel.

Oo, aaminin kong sobra ang poot na nararamdaman ko sa kan'ya nung gabing 'yon. Nung kinuwento n'ya ang ginawa nila kay Lily... napapikit ng matiim si Mirasol dama ang nag-uumapaw na emosyon. Pero kahit galit ako nun, wala akong lakas ng loob na pagsalitaan s'ya ng masakit o gawan s'ya ng masama. Hindi ba't hinayaan ko nga lang s'yang mag-inom dito sa bahay? Mabigat ang dibdib niyang napayuko't napatingin sa sementong sahig ng kaniyang silid habang nakaupo sa gilid ng kaniyang higaan. Hindi ko s'ya pinagtabuyan o pinalayas... Maliwanag pa sa kaniyang isipan ang hitsura ni Arnel noong lasing na nahiga sa kaniyang kama.

Muling binalikan ni Mirasol ang alaala niya tungkol sa binata nang magising siya ng Sabado ng umaga.

Wala na si Arnel sa kwarto, at ang bahagyang pagkabukas ng pintuan sa likod bahay ay ang naging indiskasyon niyang doon dumaan si Arnel nang umalis ito ng walang paalam.

Si Bunsoy! Bigla niyang naisip ang kapatid. Baka alam n'ya kung anung oras umalis si Arnel at kung lasing pa ba 'yung umalis o pa'no? Pero... hindi kaya... isang nakakakilabot na larawan ng karahasan ang biglang tumakbo sa kaniyang imahinasyon.

Naglaro sa isipan ni Mirasol ang pagkahulog ni Arnel sa ilog. Hindi bilang aksidente, kun'di sinadya.

Kung narinig ni Bunsoy ang mga sinabi ni Arnel nung gabing 'yon, posible kayang? Kunot noong napailing si Mirasol. Hindi niya lubos mapaniwalaan ang sariling napag-iisipan niya ng masama ang kapatid – na magagawa ni Tom na itulak si Arnel sa ilog upang malunod ito at mamatay bilang ganti sa ginawa kay Lily.

"Hindi! Hindi!" madiing bulong ni Mirasol sa hangin. Bakas ang kaniyang panggigigil sa madiin niyang pagpisil sa sariling hita. "Pero minsan nang nagawa ni Bunsoy ang..." hindi niya maituloy ang nais sabihin patungkol sa nagawang pagpatay ni Tom sa kanilang ama.

"Pero ginawa lang 'yun ni Bunsoy kay Tatay upang ipagtanggol kami ni Nanay. Nasa panganib ang buhay namin no'n –" saglit na natigilan si Mirasol nang mapatingin sa dingding ng kaniyang silid. "Hindi kaya..." muling bulong niya nang mapatitig sa larawan nilang magkakapatid. "Ito ang paraan niya para makuha ang katarungan para kay Lily?" isang matipid at hindi maipaliwanag na ngiti ang sumilay sa kaniyang nanginginig na bibig.

Isang malaking pagkakamali! Tila ba natauhan niyang sabi sa sarili. Kailangan kong makausap si Bunsoy.

Mabilis na tumayo si Mirasol. Ngunit sa biglaan niyang pagkilos, bigla rin siyang nakaramdam na kakaibang pagkahilo. Mabigat siyang napaupo sa gilid ng kaniyang kama. Halos mapahiga siya sa pagkakabagsak kun'di niya naitukod ang kaliwang braso. Saglit siyang napapikit dahil sa pagdilim ng paningin. Nang mamulat, ang unan niyang may bahid ng dugo ang una niyang nakita. Kunot noong napatitig siya rito at napatanong sa sarili.

Bakit may bahid ng dugo ang unan ko? Pagtataka niya sa unan na hindi na niya napansin nang maupo siya kanina sa kama, marahil dala ng sobrang pag-iisip. Dumugo ba ang ilong ko habang natutulog ako kanina? Bigla niyang naalala ang damit na inilagay niya sa ilalim ng kama. Hindi pa man lubusang nakakabawi mula sa pagkahilo, yumuko siya't dinukot sa ilalim ng higaan ang damit niyang may mantsa ng dugo.

Ganito ba kadami ang dugong lumabas sa ilong ko kanina? Nanghihinang napahiga si Mirasol sa kaniyang kama matapos makita ang patsi-patseng pulang mantsa ng damit.

Biglang umikot ang paligid ni Mirasol nang mapatingin sa kisame. Para bang maduduwal siya sa 'di maipaliwanag na nararamdamang hilo. Nais man niyang kalmahin ang sarili, hindi niya mapigilan ang pabilis ng pabilis na pagkabog ng kaniyang dibdib. Pakiramdam niya'y mauubusan siya ng hangin sa mabilis niyang paghinga.

Ito na ba ang katapusan ko? Tanong niya sa isipan kasabay ng pagpatak ng kaniyang luha. Naisin man niyang harapin ang kapatid upang malinawan sa mga katanungang bumabagabag sa kaniyang isipan, hindi na niya ito magawa. Tanging pagpikit na lamang ang kinakaya ng nanghihina niyang katawan.

ManaWhere stories live. Discover now