Kabanata 37

32 0 0
                                    

"'Yong Arnel ba, yung lalaking nabalita sa TV nitong nakaraan na natagpuang patay at palutang lutang sa ilog ng Tanza?" halos pabulong na tanong ni Teban. Ang kaniyang mga mata'y nanlaki sa pagkabigla.

Tumangu-tango si Sesing habang ang kaniyang mga mata'y nakapako sa mga papel na nasa ibabaw ng counter.

"Imposible! Hindi ako naniniwalang..." tumingin si Teban sa kaniyang likuran – sinisigurong walang ibang nakakarinig sa kanilang usapan. "'Di ako naniniwalang napatay ni Asol 'yong lalaking 'yon," bulong niya. "Hindi ba't ang sabi sa report, aksidenteng nahulog at nalunod 'yong lalaki sa ilog? Baka nag-iimagine lang si Asol nung kinwento n'ya 'yon kay Bunsoy."

"Yun din ang iniisip ko," mahinang tugon ni Sesing na napatingin sa asawa. "Pero sa kinikilos n'ya nitong –"

"Ate!" humahangos na tawag ni Chang na biglang sumulpot sa pintuan ng salon ni Sesing. Malakas na kumalansing ang wind chime sa biglang pagbukas niya ng pintuan. "Ate," pag-uulit niya nang mapatingin kay Sesing. "Si Ate Asol po," habol hininga siya sa pagsasalita. "Parang nawala sa sarili."

"Ha?" gulat na usal ni Sesing.

"Pumunta na po kayo sa tindahan," pagtukoy ni Chang sa karinderia ng kaniyang amo. "Hinihintay na po kayo do'n ni Ate Vhie," dagdag niya.

Mabilis na kumilos si Sesing. Pagkadampot niya sa kaniyang bag, agad niyang tinungo ang pintuan ng salon nang walang pasabi sa asawa.

"Ricky, kayo na muna ang bahala dito. Kailangan naming pumunta kay Vhie."

Ang bilin ni Teban sa mga staff ng parlor ang huling narinig ni Sesing bago siya tuluyang nakalabas ng salon. Bahagyang nakalayo na siya kasama si Chang – patungo sa tindahan ni Vhie, nang bigla siyang tawagin ng asawa.

"Mamang!" sigaw ni Teban. "Sumakay na kayo dito ni Chang sa sasakyan para mabilis," sabi niya habang nakatayo sa labas ng bukas na pintuan ng kanilang kotse.

Habang mabilis na lumalapit sina Sesing at Chang kay Teban, pinaandar ni Teban ang makina ng sasakyan. Mabilis ang pagkilos ng tatlo. Hindi nagtagal at binabaybay na nila ang daan patungo sa tindahan ni Vhie.

"Anung nangyari," balisang bungad ni Sesing sa kumare niyang si Vhie na sumalubong sa kaniyang pagdating.

"Si Asol, Kumare," bakas ang pag-aalala sa tinig ni Vhie. "Bigla nalang nagsisisigaw kanina tapos biglang pumasok sa banyo," paliwanag niya. "Eh kinakausap nga namin at kinukumbinsing lumabas pero ayaw n'ya. Bulong lang s'ya ng bulong, eh hindi naman namin maintindihan ang sinasabi n'ya. Sa takot nga nung ibang mga customer, eh bigla silang nag-alisan. Muka kasing mananakit si Asol sa hitsura n'ya kanina. Ay, andyan na ang mga barangay," sabi niya sabay turo sa tatlong kalalakihang dumarating na nakasuot ng uniporme ng barangay.

"Teka, Mare," pagpigil ni Sesing. "'Wag mo nang pabarangay si Asol," pakiusap niya kay Vhie habang papalapit si Teban sa kaniyang tabi. "Ako na ang bahalang kumausap sa kan'ya at mag-uwi," tumingin siya sa asawa. "Papang, paki tawagan naman si doktora Chan, paki sabing pupunta tayo sa clinic n'ya ngayon," nang tumango si Teban, tinungo ni Sesing ang banyo kung saan nagkulong ang pamangkin.

"Asol?" tawag ni Sesing kay Mirasol. "Asol? Si Ante 'to. Tara dito sa labas at mag-usap tayo. Mainit d'yan sa loob. Pagpapawisan ka," sabi niya sa likod ng saradong pintuan ng banyo. Saglit na naghintay ng sagot si Sesing. Nang manatili ang katahimikan sa likod ng pintuan, muli siyang nagsalita. "Halika na, Asol. Dadalawin pa natin si Bunsoy 'di ba?"

Lumangitngit ang pintuan ng banyo nang dahan-dahang bumukas ito. Tila ba ang mga huling sinabi ni Sesing ang nakapagkumbinsi sa paglabas ni Mirasol.

"Asol..." mahigpit na yakap ang salubong ni Sesing sa pamangkin. Nais niyang iparamdam dito ang kahalagahan nito sa kaniya. Hindi man umiimik, batid ni Sesing sa isinukling yakap ng pamangkin ang pagpapasalamat nito sa kaniyang pagdating. "Halika na," sabi niya nang bumitiw sa pagkakayakap. Sabay sa pag-akay niya kay Mirasol ang pagpunas niya ng tagaktak ng pawis nito sa mukha.

ManaWhere stories live. Discover now