Kabanata 2

203 6 0
                                    

"Asol! Asol!"

Napabalikwas si Mirasol nang marinig ang malakas na tinig ni Sesing na kumakatok sa pintuan ng kanilang bahay. Para bang magigiba ang lumang kahoy na pintuan sa lakas ng pagkalampag ng tiyahin niyang kumupkop sa kaniya nang mamatay ang kaniyang mga magulang.

"A – ante," pilit na sigaw ni Mirasol sa bagong gising na tinig habang dahan-dahan niyang inaangat ang sarili. Sa kaniyang pag-upo, humugot siya ng malalim na hinga at sumandal sa paanang kahoy ng pahabang lamesang nasa gitna ng kusina. "Su – sunod na lang po 'ko sa inyo," may kalakasan niyang tugon sa alam niyang dahilan nang pagtawag sa kaniya ng tiyahin. Ang kaniyang mga kamay ay agad na dumapo sa basa niyang mga mata – mula sa pagluha sa kaniyang panaginip.

"Ay bilisan mo at nakahain na ang almusal," sigaw ni Sesing sa likod ng nakasarang pintuan ni Mirasol.

"Opo," tugon muli ni Mirasol na saglit na napapikit at napahawak sa ulo.

Anung nangyare? Paano ako nakatulog dito sa sahig ng kusina? Pagtatakang tanong ni Mirasol sa sarili. "Aray..." usal niya nang maramdaman ang biglang kirot sa likurang bahagi ng kaniyang ulo.

Napahawak siya rito at nakapa ang may kalakihang bukol. Nauntog ako? Paano? Pilit inalala ni Mirasol ang pangyayari kagabi, ngunit sa 'di maipaliwanag na dahilan, wala siyang matandaan.

Ah! 'Bat wala akong maalala... Dismayado niyang hinimas-himas ang magang parte ng kaniyang ulo. Hindi kaya, dahil sa pagkakauntog ko, nagkaroon ako ng temporary amnesia? Patungkol niya sa isang karamdaman na kung tawagin ay Transient Global Amnesia (which is a sudden, temporary episode of memory loss). Ayon sa mga doktor, ang nakararanas nito ay pansamantalang nalilimutan ang isang bagay na nangyari dahil sa sinapit na trauma o mild head injury. Iyon nga siguro ang dahilan, kaya siguro hindi ko maalala ang nangyare kagabi? Totoo pala 'yon. Kala ko sa pelikula lang 'yun nangyayari. "Aw..." muling niyang usal sabay ngiwi ng mukha nang muling maramdaman ang bugsong kirot.

Kailangan kong uminom ng Aspirin. Sabi ni Mirasol sa isipan ukol sa gamot na nakatutulong upang maibsan ang kirot at maga. Mahigpit na kumapit ang kaniyang mga kamay sa katabing upuang kahoy upang mabalanse ang sarili sa pagtayo.

Ilang hakbang mula sa hapag-kainan, binuksan niya ang medicine cabinet na halos katabi ng mga lalagayan ng plato. Pagkakuha sa Aspirin, nagsalin siya ng tubig sa baso at agad na ininom ang gamot.

Bagama't bahagyang guminhawa ang pakiramdam ni Mirasol sa tubig na sumayad sa kaniyang lalamunan, bahagya namang nabagabag ang kaniyang isipan sa alalahaning maaaring may punto ang kaniyang tiyahing si Sesing ukol sa hindi magandang dulot ng pagod ng kaniyang pagbobolontir pagkatapos ng trabaho. Maaaring ang nararamdaman niyang paminsang biglang panghihina ng katawan ay dala ng labis na trabaho.

"Sabi ko naman sa'yo, tigilan mo na 'yang pagbobolontir mo," sabi ni Sesing sa may kalakasang tinig habang nagsasandok ng pakbet sa mainit na kaldero. Makulimlim ang tanghaling iyon at tila nagbabadya ang pagbuhos ng ulan. "Oo alam kong gusto mong tumulong dahil naawa ka sa mga kabataang napapariwara at naabuso. Pero hindi mo ba naiisip na katawan mo naman ang inaabuso mo dahil sobra ka nang napapagod?"

Tahimik na napasulyap si Mirasol sa katabing nanenermon habang siya nama'y nagsasandok ng bagong lutong kanin.

Hindi lingid sa kaalaman ng tiyahin ni Mirasol ang abusong sinapit niya sa kamay ng malupit niyang ama na si Brosio. Si Brosio na bunsong kapatid ni Sesing.

"Nangangayayat ka na ah. Tignan mo nga 'yang sarili mo sa salimin," pag-aalalang sabi ni Sesing habang inilalapag sa lamesa ang umuusok na ulam. "Gumanda-ganda na nga ang katawan mo nitong mga nakaraang buwan ah. Pero simula n'yang pagboboluntir mo sa center, unti-unting bumaba ang timbang mo. Parang pinababayaan mo na ang sarili mo. Paano kung magkasakit ka? At paano kung may sakit ka na pala? Ay Diyos ko, 'wag naman sana..." kunot-noong napabuntong-hininga siya. Mababakas sa kaniyang pananalita, kilos at hitsura ang pag-aalala.

ManaWhere stories live. Discover now