Kabanata 7

76 1 0
                                    

"Asol?" tawag ni Vhie na ikinagulat ni Mirasol. "Ayos ka lang ba?" saglit na itinigil ni Vhie ang paghihiwa at napatingin sa dalaga.

"Ah... O-opo, Ate," tugon ni Mirasol na bahagyang na pangiwi dahil sa biglaang pagkirot ng kaniyang bukol. Umiwas siya ng tingin kay Vhie at bahagya niyang hinimas-himas ang likod ng kaniyang ulo.

"Nananakit ba ang ulo mo?" pag-aalalang tanong ni Vhie.

"Wala 'to, Ate," tugon ni Mirasol na biglang inalis ang kaliwang kamay na nakalapat sa likod ng ulo. Kailangan ko atang uminom uli mamaya ng Aspirin para tuluyan nang mawala 'tong kirot. Sabi niya sa isipan.

"Hmmm, Ate," muling tumingin si Mirasol sa kausap. "Pagkatapos po ba nating magluto sa Sabado eh, pwede na po ba akong umuwi? O kailangan pa po akong sumama sa delivery?" tanong niya. Hindi man halata ang kaba sa kaniyang normal na tinig, ramdam naman niya ang pagkabog ng kaniyang dibdib.

"Ah, hindi na," sagot ni Vhie na bumalik na muli sa paghihiwa ng karne. "Kami na bahala sa delivery at sa pag-asikaso sa venue."

Nakahinga ng maayos si Mirasol sa sagot ni Vhie. Pakiramdam niya'y nabunutan siya ng tinik sa dibdib.

"Ako na magtutuloy sa paghiwa nito, Kuya," sabi ni Mirasol kay Roy nang tumabi siya kay Vhie.

"Osige," sagot ni Roy. Inilapag niya sa lamesa ang hawak na kutsilyo at saka ipinahid ang kamay sa suot na telang apron. "Mama," sabi niya sabay tingin sa asawang si Vhie. "Puntahan ko na sa labas si Jhong. Tignan ko yung mga iniihaw na tenga't dila."

"Ay, Pa," sabi ni Vhie sabay tingin sa asawa. "Paki tawagan mo muna pala yung nagdedeliver ng tubig. Paki sabi na gawin na kamong anim yung idedeliver na container," utos niya nang saglit na nahinto sa paghihiwa.

Hay salamat... Sabi ni Mirasol sa isipan habang abala na sa paghihiwa ng karne. Hindi ko na kailangan sumama sa delivery sa Sabado. Makakaiwas ako kay Cap.

Sa nakalipas na mahigit isang buwang pagtatrabaho ni Mirasol bilang tagaluto't serbidora sa kainan ni Vhie, unti-unting nalibang ang kaniyang isipan at bahagyang nalayo sa pag-iisip sa trahedyang sinapit ng kaniyang pamilya. Hindi tulad noong wala pa siyang pinagkakaabalahan at palagi lang nagkukulong sa kaniyang silid, bawat araw, oras at minuto, ang mukha ng ama, ina't mga kapatid ang palaging nakikita sa bawat pagpikit. At nang magsimula siyang mag-volunteer at tumulong sa Youth Center ng kanilang bayan, nabuhayan siya lalo ng loob dahil sa pakiramdam na mayroon pa pala siyang silbi sa mundo, na may ibang tao pa palang mangangailangan ng kaniyang tulong.

Malaki ang naitulong ng trabaho at pagvo-volunteer ni Mirasol sa kalagayan ng kaniyang pag-iisip. Dahil dito, itinigil na niya ang pag-inum ng antidepressant na gamot dahil ramdam niyang hindi na niya ito kailangan. Ang kasiyahang naibibigay ng kaniyang mga gawaing bago sa kaniya ang isa sa kaniyang mga rason. Bagama't ang pagtigil ng kaniyang gamutan ay sa susunod na buwan pa planong irekumenda ng kaniyang batang doctor, nagbigay na ng babala ang doctor sa mga mararamdaman niyang epekto sa pagtigil dito, lalu na kung ito'y ititigil ng biglaan.

"Like other drugs na matagal mo ng ginagamit," panimula ni Dra. Chan – ang batang psychiatrist na nirekumenda ng kumare ni Sesing hindi lang dahil sa mababa nitong doctor's fee kumpara sa ibang mga psychiatrist sa Cavite, kun'di dahil na rin sa kilala ang mabait na pamilya nitong tumutulong sa mahihirap. "Kapag naging dependent ka na dito tapos bigla mong ititigil, magkakaroon talaga ng withdrawal symptoms," mahinahon niyang sabi habang nakaupo sa loob ng kaniyang maliit na clinic kaharap sina Mirasol at Sesing na nakaupo naman sa dalawang malambot na silya sa harapan ng kaniyang table. Ang kaniyang maputing balat ay hindi nalalayo sa kulay ng suot niyang puting uniporme. Ang mapungay niyang mga mata, maliit na bibig at maliit na ilong ay tila ba mukha ng isang anghel sa paningin ni Mirasol. "Anxiety, belly pain, diarrhea, headache, insomnia, nausea, ilan lang yan sa mga withdrawal symptoms ng Tricyclic –"

ManaWhere stories live. Discover now