Kabanata 12

43 0 0
                                    

Pangatlo sa anim na magkakapatid si Arnel. Siya lang ang nag-iisang lalaki at ang tanging kasama ng kaniyang inang si Pina sa Indang Cavite. Naiwan sa probinsya ng Quezon ang kaniyang ama at tatlong nakababatang kapatid. Ang dalawa naman niyang nakatatandang kapatid na babae ay nagtatrabaho sa Maynila bilang kasambahay.

Unang tumuntong si Arnel sa Cavite sa edad na labinglima. Isinama siya ng ina upang tumulong sa kaniya sa pag-aalaga ng babuyan ng kamag-anak. Hindi tulad ng tipikal na bata na nagiging malungkot kapag nalalayo sa isa sa mga magulang, si Arnel ay hindi nakitaan ng anumang lungkot. Bagkus, nagpakita siya ng kakaibang sigla simula nang mawalay sa amang mapanakit at lasinggero. Naging masaya si Pina sa nakita nitong kasipagan ni Arnel. Bagama't nuon palang ay sadyang maasahan na si Arnel sa madaming bagay, mas naging responsable at maasikaso siyang anak sa kaniyang ina nang mapalayo sa kaniyang ama. Ngunit sa paglipas ng panahon, unti-unti ring nagbago ang lahat.

Pagsapit ng ika-labing pitong taong gulang si Arnel, nakilala niya ang bagong lipat nilang kapitbahay na si Tonton. Ang labing apat na taong gulang na batang Maynila. Laman ng kalye, mahilig sa gulo, dahilan ng malalalim na pilat sa kaniyang katawan mula sa mga natamong sugat sa saksak, pambabato, at aksidente sa kalsada. Bagama't matangkad ng dalawang pulgada si Tonton kumpara kay Arnel, hindi naman nalalayo ang kapayatan nilang dalawa.

Lumaki si Tonton sa riles at namulat sa karahasan ng mga taong nakapaligid sa kaniya. Labing dalawang taong gulang nang magpalagay siya ng tattoo sa kaliwang braso na "The Leader". Ayon sa kaniya'y sumisimbulo raw ito sa pagiging pinuno niya sa pangkat na kinabibilangan niya sa kanilang lugar.

Hiwalay ang kaniyang mga magulang. Ang kaniyang ina ay nakatira sa Indang Cavite – kung saan kasama nito ang bagong pamilya. Ang kaniyang ama naman ay lulong sa droga at nakapisan sa mga magulang nitong ang kabuhayan ay ang pagpapasugal sa riles.

Sa murang edad, natuto si Tonton ng mga bisyong tulad ng paninigarilyo, pagtikim-tikim ng droga, at pagsusugal na binabalewala ng kaniyang ama. At dahil sa pagsama-sama niya sa masasamang barkada, natuto siyang magnakaw. Ito ang naging dahilan kung bakit siya pinagtago ng ama sa Cavite. Naging delikado ang buhay ni Tonton nang minsang masangkot siya sa isang nakawan sa isang tindahan.

Nagkaroon ng pisikal na sakitan ang insidenteng iyon, at naundayan ni Tonton ng saksak ang matandang may-ari ng establisyimento. Ngunit nang manlaban ang may-ari, nakakuha ito ng tyempong makatakbo. Nailabas nito ang baril sa taguan at pinaputok ito sa direksyon nina Tonton at dalawa pang kasamahan. Sa pagbaril ng may-ari, dumaplis ang bala sa tiyan ni Tonton. Bagama't nakaligtas siya't nakatakas, napatay naman ang isa sa kaniyang mga kasama.

Dahil doon, nagdesisyon ang ama ni Tonton na ilayo siya sa lugar nila, hindi upang maiiwas na siya sa gulo at makapagsimula na ng panibagong buhay, kun'di para maiiwas siya sa batas na naghahanap sa kaniya.

"Tang*na," kaswal na mura ni Tonton habang nakatayo sa ilalim ng puno ng Balete kasama sina Arnel at Mon. "Bored na bored na 'ko dito. Walang magawa," dagdag pa niya habang nakatingala't sinisilip ang bilog na buwan sa pagitan ng mga sanga't dahon ng puno. Bukod sa liwanag ng buwan, ang tanging ilaw lang na kanilang natatanaw ay ang liwanag na nagmumula sa maliit na bahay na may kalayuan sa kanilang kinatatayuan.

"Ahk! Ahk!" biglang ubo ni Arnel na may kasamang samhid.

"Akin na nga 'yan," inis na sabi ni Tonton sabay abot sa kamay ni Arnel. "Sinasayang mo 'tong chongke. Magsanay ka nga muna sa yosi!" hinithit ni Tonton ang hawak na marijuana habang patuloy sa pag-ubo si Arnel. Nang mahigit kalahati na ang nabawas sa hawak, inabot niya ito kay Mon.

Napapikit si Mon nang hinithit ang inabot ni Tonton. Tila ba nilalasap niyang maigi ang usok na pumapasok sa kaniyang bibig. "Ahhh," usal niya na para bang naginhawaan ang kaniyang pakiramdam matapos ang ilang hithit. "Oh, subukan mo ulet," sabi ni Mon sabay abot ng hawak kay Arnel na kasingkatawan at kasinglaki niya.

ManaTempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang