Kabanata 8

78 1 0
                                    

Alas kwatro ng hapon, matapos ang trabaho ni Mirasol sa kainan ni Ate Vhie bilang tagaluto at taga-serve rin ng mga order sa mga kumakain, pinalitan niya ang suot na kulay asul na damit, ng gray na t-shirt na kinuha niya ng umagang iyon sa sampayan.

"Hmmm," usal niya nang humalimuyak ang mild scent baby cologne na pinahid niya sa harapan ng suot niyang t-shirt. Bahagyang sumilip ang mahiyain niyang ngiti nang pumasok sa kaniyang isipan si James habang inaayos ang suot na hairnet.

Second year high school nang unang makita ni Mirasol si James. Bagong lipat ang pamilya nila James sa paupahang bahay na malapit kina Mirasol. Moreno, payat, may katangkaran, at mahiyaing binatilyo si James kung kaya't madalas lamang siyang naglalagi sa loob ng kanilang bahay. Nakikita lamang ito ni Mirasol sa tuwing umaga 'pag pumapasok sa eskwelahang pareho nilang pinapasukan. Halos araw araw silang magkasabay na naglalakad noon patungong paaralan. Bagama't hindi nag-uusap at may distansya ang kanilang pagitan, matamis na ngiti naman ang kanilang batian sa tuwing magtatama ang kanilang parehong bilog na mga mata.

Sukbit ang tote bag sa balikat, lumabas sa bodega ng karinderia si Mirasol na maaliwalas ang pakiramdam. Kahit pagod sa maghapong trabaho, sa araw na iyon, may kakaibang siglang namamayani sa kaniyang damdamin. Ito'y dulot ng pagkasabik, hindi lang dahil makikita niyang muli si James, kun'di dahil sa muling pagkikita nilang magkapatid.

Ilang oras nalang at uuwi na'ko. Galak na sabi ni Mirasol sa sarili habang naglalaro sa kaniyang isipan si Tom na maaaring naghihintay na sa kaniyang pagbabalik. "Alis na po ako, Ate Vhie," malakas na paalam niya sa kaniyang amo nang dumaan siya sa pilahan ng bayaran kung saan nakapwesto ang babaeng may-ari ng kainan. "Salamat po sa ulam," patungkol niya sa hininging pagkaing luto nila sa karinderia – na babaunin niya pauwi. Habang naglalakad, kinapa niya ang suot na hairnet – sinisigurong nakaayos pa rin ang buhok niya sa loob nito.

"Walang anuman. Sige, ingat," malakas na tugon ni Vhie na hindi na nagawang tumingin kay Mirasol dahil abala sa pagkuha ng sukli sa kaha.

Lumabas ng karinderia si Mirasol at tinahak ang makulimlim na daan patungo sa Munisipyo – kung saan hindi nalalayo ang kinatitirikan ng malaking Youth Center for Boys na proyekto ng PSWDO (Provincial Social Welfare and Development Office) ng Trece Martires. Dito sa bagong Bahay-Tuluyan para sa mga kabataang lalaki na naliligaw ng landas, mga palaboy sa kalsada na wala ng pamilya, at mga batang inabuso, tumutulong si Mirasol na madagdagan ang kaalaman ng mga kabataan sa maliit na paraang alam niya. Ang pagluluto.

Huling linggo ng Oktubre nang malaman ni Mirasol ang paghahanap ng PSWDO para sa mga nais magvolunteer sa mga karagdagang proyektong nakaplano para sa Youth Center. Mahigit isang buwan nang nagtatrabaho noon si Mirasol sa kainan ni Ate Vhie, bagama't nakakapagod ang gawain sa karinderia, naging interisado siya sa proyekto ng PSWDO nang malaman niyang isa rito ang pagtuturo ng pagluluto sa mga kabataan.

Ang aktibidad na pagluluto ay isasama na sa araw-araw na gawain ng mga kabataan sa center. Ang paraang ito'y magiging kapakipakinabang hindi lang para sa karagdagang kaalaman ng mga kabataan, kun'di para na rin sa pagiging sustainable ng center. Dahil ang ilulutong pagkain ay ang siyang ihahain para sa mga nakatira sa Bahay-Tuluyan. Malaking tulong din ito para sa mga staffs na araw-araw na nag-aasikaso sa center – ang center na kasalukuyang binubuo ng 32 kabataang lalaki (na nasa edad na walo hanggang labing pitong taong gulang), isang security guard (na naka-duty sa bawat shift), dalawang staff na lalaki at dalawang staff na babae (na halinhinang nag-ii-stay-in sa center bawat linggo), at ilang mga volunteer teachers na nagtuturo ng mga basic school subjects at ilang mga short vocational programs.

Ang malaking center na ito ay nagsisilbing tirahan hindi lang ng mga kabataang napapariwa upang tulungan silang magbago at ituwid ang kanilang mga pagkakamali, ito rin ay nagsisilbing tuluyan ng mga kabataang ulila't nakatira sa lansangan hindi lang sa bayan ng Trece kun'di sa mga kalapit na bayan din ng lugar na ito.

ManaWhere stories live. Discover now