Kabanata 33

27 0 0
                                    

Matapos ihatid ng mag-asawa si Mirasol sa tindahan ni Vhie, muli nilang tinahak ang daan patungo sa bilangguang kinalalagyan ni Tom. Dahil sa mga bagay na gumugulo sa isipan ni Sesing, pinili niyang manahimik sa kabila ng pagtatanong ni Teban. Hindi pa siya handa sa pagsagot dahil alam niyang kulang pa ang nakuha niyang impormasyon. Batid niyang marami pa siyang dapat malaman.

"Gusto mo bang samahan kita sa loob?" mahinahong tanong ni Teban pagkaparada niya ng sasakyan sa parking lot ng piitan.

"Hindi na," sagot ni Sesing. "Paki hintay nalang ako dito," dagdag niya bago nagmadaling lumabas ng sasakyan. Walang lingun-lingon niyang iniwan ang asawa at mabilis na naglakad patungo sa gusali ng bilangguan.

Nang muling makaharap si Tom, walang paliguy-ligoy niyang tinanong ito.

"Ang gusto ko magsabi ka sa'kin ng totoo," panimula ni Sesing nang makaupo sila ni Tom sa itinalagang lamesa. "Anu ba talaga ang kinakatakot mo? At anu ba yung komplikadong sitwasyong sinasabi mo?" halos pabulong na tanong niya sa pamangkin.

"Ante," mahinang tawag ni Tom sa kaniyang bisita. Bakas sa mabilis na pagnginig niya ng kaniyang mga binti ang nerbiyos. "Nasangkot po ako sa ilegal na sugal," pagtatapat niya. Tila ba nahihiya siyang tignan sa mga mata ang tiyahin, kung kaya't nakatuon lang ang kaniyang paningin sa madumi niyang kukong kinukutkot ang bakbak na kulay puting pintura ng lamesang kahoy sa kaniyang harapan.

"Anung sugal?" usisa ni Sesing sa mahinang tinig.

"Yung pasugalan po ni Mr. Long," sagot ni Tom.

"Sabong?" sabi ni Sesing.

"Online sabong po," pagtukoy ni Tom sa nauusong sugal.

"Paanong..." hindi alam ni Sesing kung paano sisimulan ang sasabihin. Para bang nakabitin sa hangin ang huli niyang salita.

"Natuto po ako nung minsang naisama ako ni Tatay sa pwesto nung kumpare n'yang si Mr. Long," pag-amin ni Tom sa mahinang boses. Kusa na niyang sinagot ang mga katanungang tila batid niyang bumabagabag sa kaniyang tiyahin. "Nung una, pakonti konti lang po ang taya ko, hanggang nung sumunod, palaki na ng palaki," paliwanag niya sa mahinang boses. "Iba kasi ang pakiramdam 'pag nananalo. Masaya, nakakaexcite, tapos dumadami hawak mong pera. Kaya taya ka ng taya. Parang gusto mo po kasing paulit-ulit na nararamdaman yung ganung feeling. Eh dahil dumami din ang hawak mong pera, pakiramdam mo hindi 'yun mauubos. Tapos naman 'pag natatalo ka, s'yempre ang gusto mo naman po bumawi. Bawiin yung nawala sa'yo, at ibalik ulit yung feeling na nakakaexcite. Yung akala mo may na-achieve kana sa buhay dahil nanalo ka, pero olats din pala. Dahil kahit anung gawin mo, sa dulo, talo ka pa rin."

Tahimik na pinakinggan ni Sesing ang pamangkin. Hindi niya magawang sumabad dahil nais niyang tuluy-tuloy ang pagkukusa ni Tom sa pagkukwento.

"Hindi ko po namalayan nun na 'yong pakonti konti kong paghiram ng pantaya eh lumaki na pala ng lumaki. Hindi naman ako pinigilan ni Mr. Long sa pangungutang ko sa kanila dahil siguro, kumpare n'ya si Tatay. Tapos siguro inisip n'ya din po na kung hindi ko mababayaran eh an d'yan naman si Tatay na pwede n'yang sisingilin. Kayalang nung umabot na ng halos kalahating milyon ang utang ko dahil sa pagkatalo," makikita sa paglaki ng mga mata ni Sesing ang gulat. "Nagbanta na po si Mr. Long sa'kin na kun'di ko 'yon mababayaran sa loob ng isang linggo, kakausapin na daw n'ya si Tatay para piliting bayaran ang utang ko. S'yempre natakot ako. 'Pag sinabi n'ya 'yon kay Tatay, siguradong may paglalagyan ako. Alam n'yo naman po kung ga'no kalupit ang Itay," bagama't patuloy pa rin sa pagnginig ang mga binti ni Tom, tumigil naman na ang kaniyang kamay sa pagkutkot ng bakbak na pintura ng lamesa. Tila ba nagsawa na siyang gawin iyon. Ipinatong niya ang dalawang siko sa ibabaw ng lamesa at saka inilagay ang mga kamay sa magkabila niyang sentido na para bang nag-iisip, bago niya muling ipinagpatuloy ang pagkukwento.

ManaWhere stories live. Discover now