Kabanata 19

34 1 0
                                    

Kunot-noong napatingin si Mirasol sa kaniyang dibdib nang makita ang biglang pagtulo ng dugo sa bagong suot na kulay kremang t-shirt. Agad siyang napahawak sa ilong nang maramdaman ang pagdaloy ng dugo mula rito.

"Anong nangyayari?" humahangos na tanong ni Sesing na biglang dumating. Nakapokus ang kaniyang atensyon kay Mirasol na bahagyang nakayuko't hawak ang ilong habang nakatayong nakasandal sa may pinto.

"Nagdudugo po ang ilong niya," sabat ng may katabaang babaeng napatingin kay Sesing na dali-daling lumapit kay Mirasol. "Uhm, kayo po ba si Ate Sesing?" tanong nito sa tila kabadong tiyahin ni Mirasol. "Ako po pala si Mimosa. Yung mamamasukan po sa inyo na kinausap ni Ate Vhie," pagpapakilala niya sa sarili habang nakasukbit ang malaking tote bag sa kanang balikat at bitbit naman sa kaliwang kamay ang may kalakihang travelling bag.

"Ah... ikaw ba?" tarantang napatingin si Sesing sa babae. Ang kaniyang atensyon ay agad na nahati kay Mimosa at Mirasol. Tila ba nalilito siya kung sino ang uunahin sa dalawa.

"Anung nangyari kay Asol?" sabi ni Teban na sumulpot sa likuran ni Mimosa. Nakatayo sa kaniyang magkabilang gilid ang dalawang apo na patingin na rin kay Mirasol na ipinangtakip na sa ilong ang itaas na bahagi ng kaniyang t-shirt.

"Nagdudugo po ang ilong n'ya," sabat muli ni Mimosa na lumingon kay Teban. "Uhm, ako nga po pala si Mimosa. Yung mamamasukan po sa inyo," agad niyang pagpapakilala ng sarili.

"Ay, Pang," biglang tawag ni Sesing sa asawa. "Paki dala na lang muna si Mimosa sa bahay at aasikasuhin ko muna si Asol," sabi niya sabay hawak sa magkabilang braso ni Mirasol. "Tara," aya niya sa pamangkin habang inaalalayan niya ito sa pagpasok sa loob ng bahay, samantalang may pag-aalinlangan namang naglakad palayo sina Teban kasama ang mga apo't ang babaeng mamamasukan.

"Ayos lang po 'ko, Ante," sabi ni Mirasol nang inalis ang kamay sa ilong. "Tumigil na po ang pagdudugo," dagdag pa niya sa boses na malaway ang bibig.

"Sigurado ka tumigil na?" nag-aalalang tanong ni Sesing.

Tumango si Mirasol at pinakita ang ilong.

"Ah, oo. Tumigil na," sang-ayon ni Sesing. "Bakit naman kaya biglang dumugo 'yang ilong mo? Nasundot mo ba ang ilong mo? O may nainum kang gamot?"

Biglang naalala ni Mirasol ang nainum na gamot kagabi at kaninang umaga. Hindi kaya ito ang epekto sa'kin ng antihistamine at aspirin? Tanong niya sa isipan.

"Teka, kaya mo na bang asikasuhin ang sarili mo?" tanong muli ni Sesing nang hindi sumagot si Mirasol sa mga nauna niyang katanungan. "O gusto mo alalayan muna kita?"

Umiling-iling si Mirasol sabay bahagyang tinaas ang kanang kamay. Tila ba naintindihan na ni Sesing ang nais ipahiwatig ng pamangkin.

"Osige," tugon ni Sesing. "Pupunta na 'ko sa bahay para asikasuhin yung bago naming makakasama. Sumunod ka nalang do'n pagtapos mong maglinis ng sarili. Sabay-sabay na tayong maghapunan ng maaga," dagdag niya sabay tingin sa kaniyang suot na relo.

Alasingko y media palang. Maaga para sa hapunan.

Tumangu-tango si Mirasol. Nang tuluyang makapasok sa loob ng bahay, narinig niya ang pagkabig ng tiyahin sa kanilang pintuan. Sumulyap siya rito at nakitang ito'y nakasara na. Dumiretso si Mirasol sa banyo at binuksan ang gripo sa lababo.

Bahagyang guminhawa ang kaniyang pakiramdam sa malamig na tubig na dumaloy sa kaniyang malagkit na balat. Matapos hilamusan ang mukha, humarap siya sa salaming nasa itaas na bahagi ng lababo. Napakunot ang noo niya nang makita ang bahid ng tuyong dugo sa kanang tainga pababa sa kaniyang leeg.

Paanong? Pagtataka niyang sabi sa isipan. Naipahid ko ba kanina yung dugo dito sa tainga ko pababa sa leeg? Pilit niyang inaalala ang nangyari ilang minuto lang ang nakalipas.

ManaWhere stories live. Discover now