CHAPTER 24

2.7K 79 34
                                    

ZAC

Binasa niya ang text ni Charlene ngayon na nagpapaalam kung maaaring mamayang hapon na lang ito makakadaan sa condo niya. Kung para dito'y tuloy pa rin ang usapan nila, sa kanya naman ay tapos na iyon. Hindi niya na papahirapan pa ito.

Sasabihin niya sanang huwag nang tumuloy at magkita na lang sila ulit sa labas pero naisip niyang hayaan na lang ito na magtungo sa kanyang condo.

Isang ngiti ang gumuhit sa kanyang mga labi. Maybe he can cook something for her? Hindi niya na lang sasabihin upang ma-surpresa ito.

Nag-reply siya. Sinabi niyang pumapayag siya dahil may kailangan din siyang asikasuhin. Nang ma-send niya na ang mensahe ay kinuha niya na ang kanyang jacket sa likuran ng kanyang swivel chair sa opisina niya sa Victoriano's at akmang aalis.

Biglang bumukas ang pintuan ng kanyang opisina kasabay ng pagpasok nina Archie at Emman.

Isinara ni Archie ang pinto saka tumingin ang dalawa sa kanya na parang inuusig siya.

"Ano?" tanong niya nang hindi pa din magsalita ang dalawa.

"Alis ka na?" si Emman ang nagsalita.

"Yeah, so?" iritado niyang tanong muli.

"Napapansin namin nitong nakaraan na ang aga-aga mo'ng dumarating dito pero umaalis ka din naman kaagad. Hindi tulad noon na nananatili ka hanggang sa magsara itong restaurant," ani Archie.

Hindi niya alam kung ano'ng ipinupunto ng mga ito sa mga tanong nito sa kanya.

Hindi siya nagsalita. Tumayo lang siya doon habang nakikipag-sukatan ng tingin sa mga ito.

"Who's your third date?" tanong ni Archie.

Kinagat niya ang likuran ng kanyang ibabang labi. Nanatili siyang pipi sa harapan ng mga ito.

Naglakad si Emman palapit sa kanya, "Answer him, Zac. Who's your third date? Nakaka-intriga kasi ikinuwento mo ang tungkol kanila Mercedes at Lexie pero hindi itong ikatlong date mo. At you've been acting really weird lately so..."

Ngumisi siya ng pagak, "You guys are just over thinking. Walang nangyayaring kakaiba..."

Ngunit naningkit ang tingin sa kanya ng dalawa.

"Then spill it, Zac. Sino ang ikatlo mong date?" giit pa din ni Archie.

Humigpit ang hawak niya sa kanyang jacket. Walang mabigat na dahilan kung bakit kinakailangan niyang isekreto sa mga ito ang tungkol kay Charlene pero hindi siya kumportableng pag-usapan ito sa dalawang ugok na kaibigan niya.

"Bakit ba mahirap para sa iyo na ikuwento ang tungkol sa babaeng iyon? Dati naman ay hindi ka ganyan. Halos lahat ng karanasan mo sa babae ay kinukuwento mo sa amin. Sinasabi mo kung gaano kahalimaw si Diana sa kama o gaano kalamya si Veron mag—"

"Emman," putol niya rito. TMI. Too Much Information. It's a guy thing you know. Alam niyang mali na pinagkakalat niya sa dalawang ito ang tungkol sa mga babae niya pero noon naman ay wala siyang pakealam doon.

Ngayon lang siya tinablan ng hiya.

"May pinagkaka-abalahan lang ako..." sabi niya sa mga ito pagkatapos.

"Ano?" ani Archie.

"Baka, 'sino'?" dugtong ni Emman. "Si Lexie ba? No'ng mga huling araw ng date niyo parang nagbago ka. Naging mabait ka na sa kanya."

Lihim siyang napasinghap nang maalala si Lexie. Kailangan niya itong puntahan. Kailangan niya itong maka-usap. Alam niyang kasalanan niya dahil nagbitiw siya ng pangako rito na maski siya ay hindi sigurado. Kaya ang nais niya ay ang magtapat dito at aminin ang kanyang saloobin.

OPLAN: Find a Girlfriend for ZacWhere stories live. Discover now