One Date with J: Chapter 26

3K 84 2
                                    

Two years later...


Manic monday.

Panay ang tipa ko sa keyboard ng computer. Walang humpay. Walang tigil. Grabe talaga palagi ang monday. 'Yung weekends na ipinahinga mo, babawiin din agad sa'yo ng lunes. Pero ayos lang, malapit ko nang matapos ang ginagawa ko, puwede na akong mag-break. Kanina pa nagagalit ang tiyan ko. 2 o'clock na nang hapon.

Pero tumapat sa table ko ang Supervisor namin. Ibinagsak niya sa harap ko ang maraming papel tapos umalis na. Napatanga ako doon. Ganun? Ganun na lang? Goodbye, tanghalian na ba talaga?

"Psst! Olive," tawag sa akin ni Ate Mae maya-maya. Isa siya sa walong ka-opisina ko sa maliit na kwartong ito. Matabang babae siya--parang buntis---na mahilig kumain ng chichiria habang nagtatrabaho.

Saglit ko siyang nilingon. Pero tumitipa pa rin ang mga daliri ko sa keyboard. Gustung-gusto ko nang matapos itong ginagawa ko para makakain na, ayokong masanay ang tiyan kong nalilipasan ng gutom araw-araw.

"Tawag ka ni Sir," sabi niya sakin habang ngumunguya ng Boy Bawang.

Nakakabingi nga yata ang gutom, wala akong narinig. Tumayo agad ako at lumapit sa table ng Boss namin. Nakapwesto siya doon sa bandang dulo ng opisina. Katulad ng table ko, puno rin ng mga papel ang mesa niya.

"Dalin mo ito sa office ni Boss," sabi niyang hindi tumitingin sa akin at nakababa ang mga mata sa mga papel rin sa harapan niya. Araw-araw ganito ang scenario sa amin.

Walang tanong-tanong na sinunod ko siya. Kapag binanggit ni Boss si BOSS, ibig sabihin si Big Boss ang tinutukoy niya. Iyon ang CEO o ang may-ari ng kumpanyang pinagtatrabahuan namin. Binitbit ko ang halos isang kilong papel at lumabas ng opisina.

Pagdating ko sa twelve floor, pinaupo ako ng secretary sa lobby. Pinaghintay niya ako ng ilang minuto. Nakakandong sa mga hita ko ang maraming papel. Ang tagal. Hindi ko alam kung bakit pinaupo pa niya ako doon at pinaghihintay kung iaabot ko lang naman sa kanya ang mga papel na hawak ko at bahala na siyang magpapirma sa Big Boss.

Pinatunog ko na lang sa sahig ang takong ng sapatos ko dahil sa kainipan. Ang dami ko pang gagawin at nasasayang ang oras at nauubos ang chance kong makakain.

Napukaw ang atensyon ko nang mag-bell ang pintuan ng elevator. Lumabas doon ang dalawang lalaking empleyado ng kumpanya. May mga dalang papel din sila. Para silang nagmamadali. Agitated. Tapos sumunod ang isang babae. Agitated din. Tapos dalawang lalaki ulit. Magkausap sila. Parang pilit humahabol sa mabilis na paglalakad at may ipinapaliwanag 'yung medyo matandang lalaki doon sa isang mas bata at matangkad na lalaking nakapamulsa ang mga kamay sa loob ng suot na suit. Seryoso ang mukha nung lalaki. Tipong hindi pa nga nakikinig.

Panay ang hawak niya sa buhok at sa sentido. Parang mauubusan na nang pasensya. Parang haggard. Parang ninenerbyos.

Sabay ng paghawi niya sa light brown niyang buhok at pagpalatak ay napatingin siya sa direksyon ko. Nagtama ang mga mata namin.

Bigla akong napatuwid ng upo.

Kita ko sa mukha niyang na-recognize niya rin ako. Napatigil siya sa paglalakad.

Ang mga kulay green na mga matang iyon. Ang mga kilay na iyon. Ang light brown at maiksing buhok na iyon na dati ay semi-kalbo na kinaiinisan ko. Ang mukhang iyon na kahit lumipas na ang dalawang taon, hinding-hindi ko pa rin nakakalimutan.

"Alex," tawag sa kanya ng isa sa mga lalaking kasama.

Si Alex. Si Alex nga talaga ang nakikita ko.

Nginitian ko siya. Walang boses na nag-"hi." Itataas ko palang ang kamay ko para kawayan siya nang bigla niya kong tinalikuran at pumasok sa loob ng conference room. Kanugnog iyon ng office ng CEO. Kasunod niya ang iba pang empleyado. Engineering team yata ang mga iyon.

The Awesome GodWhere stories live. Discover now