One Date with J: Chapter 36

2.6K 87 13
                                    

Naglalaro kami ni Barbie nang marinig ko ang mga papalapit na paa ni Mama. Umaakyat siya ng hagdanan. Natigil ako sa paglalaro.


"Olive, anak," sabi ni Mama nang makapasok sa room ko. Walang sabi-sabing kinuha niya sa kamay ko si Barbie tapos hinila ako sa braso. Umingit ako. Ayaw ko. Ayaw ko don. "Nandiyan si Papa. Doon ka muna sa closet," mahina pero nagmamadaling sabi ni Mama. Hila na niya ang braso ko.


Umiyak ako pero hindi niya ako pinansin. Sinadsad ko ang katawan ko paupo para hindi ako mahila ni Mama papunta sa closet. Ayaw ko sa closet. Madilim. Mainit. Nakakatakot. Sabi ng doktor kay Mama, malabo daw ang mata ko.


Pero walang nagawa ang pag-iyak at pagmamaktol ko, naipasok ako ni Mama sa closet. Lumuhod siya sa harap ko bago iyon isinara. Narinig na namin ang pagbubukas ng gate ng bahay. Ipapasok na ni Papa ang sasakyan niya.


"Anak, 'wag kang lalabas hangga't hindi ako ang nagbubukas ha," paalala niya sa akin. "Kahit ano'ng mangyari huwag na huwag kang lalabas ng damitan mo. Naiintindihan mo ako? Kahit tawagin ka ni Papa, 'wag kang magpapakita."


Hindi ko siya maintindihan. "Natatakot ako dito, Mama," mahinang sabi ko. Yakap si Barbie.


Kinuha ni Mama ang diary ko na nasa ibabaw ng kama. Ibinigay niya sa akin ang isang flashlight. "Sulatan mo si Diary. Kwento mo sa kanya 'yung ginawa niyo sa school. Kahit ano. Basta magsulat ka. 'Wag kang lalabas. 'Wag kang titingin. Takpan mo ang mga mata at tainga mo."


Tumango ako. Narinig na namin ang malakas na boses ni Papa sa ibaba ng bahay. Hinahanap si Mama. Sabi niya kapag ganon si Papa, uminom daw ng alak. Lasing daw.


Sinenyasan ako ni Mama. Winarningan. Isinara na niya ang pintuan ng closet.


Tahimik sa paligid. Naaaninag ko si Barbie na kasama ko. Nakangiti pa rin siya sa akin. Buti pa si Barbie palaging masaya. Kinuha ko si dairy at ang lapis ko.


"Dear Dairy, simula nang umuwi si Papa, palagi akong kinukulong ni Mama. Simula nang dumating siya ang dami nang pasa ni Mama."


Hinaklit ni Kuya Lee ang braso ko nang makababa kami ng tricycle. Amoy ko ang alak sa katawan niya.


"Ano'ng ginagawa natin dito, Lee?" kinakabahang tanong ko nang makarating kami sa bahay nila. Mula sa pagkaladkad sa akin paalis ng apartment kanina, dito niya ako dinala.


Hindi ako sinagot ng lalaki. Kinalampag lang niya ng ubod lakas ang pintuan ng bahay nila. "Pinto!" malakas na sigaw niya. Nabulahaw ang mga aso ng kapitbahay. Nagtahulan.


Pagkaraan ng ilang segundo bumukas ang ilaw sa loob at nagmamadaling binuksan ng Nanay ni Kuya Lee ang pinto. "Gabi na, Lee..."


"Wala kang pakialam," hinaklit lang ulit ng binata ang kamay ko at sapilitang pinapasok ako sa loob ng bahay nila. Tiningnan ko ang Nanay ni Kuya Lee, humihingi ng tulong pero umiwas lang siya ng tingin. Ini-lock niyang mabuti ang pinto ng bahay. Pati bintana. Ibinaba ang mga kurtina. Nagsimula akong kabahan.

The Awesome GodOù les histoires vivent. Découvrez maintenant