One Date With J: Part VIII: The High Priestly Prayer

1.2K 49 4
                                    

"Mama?"

"Ano 'yun, Olive?"

"Bakit hindi mo iniwan si Papa?" tanong ko habang nakaratay sa kama si Mama. Naka-high school uniform pa ako habang sinusubuan siya ng pagkain. Inuwi ko na siya mula sa ospital. Gusto na ni Mama'ng umuwi. Gusto na daw niyang magpahinga. Hindi ko alam kung mula sa ospital o may iba pa siyang gustong sabihin. Sa murang edad, pilit ipinaliwanag sa akin sa pinakasimpleng paraan ng mga doktor ang kalagayan niya. Pero ayoko siyang isipin.

Nandito kami ngayon ni Mama sa sala. Magkatabing nakaupo sa sofa. Wala nang buhok si Mama. Maputla at payat na payat mula sa cancer. Hindi mo na makikilalang siya ang dating Miss Far Eastern University noong nasa college siya. Kinakain na siya ng karamdaman niya.

"Bakit kahit sinasaktan ka niya, hindi mo siya iniwan?" tanong ko.

Tiningnan niya ako habang marahang ngumunguya. "Gusto mo bang isagot kong dahil mahal ko ang Papa mo?"

"Iyon naman ang dahilan, hindi ba?" tanong ko.

Ngumiti ulit siya. "Hindi ko kinalakihan na may tatay, anak. Hindi ko alam ang pakiramdam na bukod sa istrikto mong lola, may isa pang magulang. Gusto kong magkaroon ka ng mga bagay na hindi ko naranasan. Bilang ina, gusto kong ibigay sa'yo ang lahat. Gusto kong maging masaya ang childhood mo. Hindi ko sinasabing tama ang ginawang pambubugbog sa akin ng Papa mo. Hindi rin ibig sabihin na tinitiis ko lang ang lahat, desisyon kong huwag siyang iwan. Mabuting ama ang Papa mo, Olive at dahil doon, mahal ko siya."

"Paano mo masasabing mahal mo ang isang tao, Mama?"

Makahulugan niya akong tiningnan. "Bakit? In love na ba ang anak ko?"

Namula ako. Ibinaba agad ang mga mata sa mangkok ng lugaw. "H-hindi, Ma!"

Mahinang tumawa siya. "Mahirap ipaliwanag ang pag-ibig, anak. Kahit gamitin mo ang lahat ng salita sa mundo, hinding-hindi mo siya maipapaliwanag ng mabuti," hinawakan niya ang isang kamay ko. "Dahil ang pag-ibig hindi pinapaliwanag, ipinaparamdam."

"Kahit nasasaktan ka na?" tanong ko.

"Kahit nasasaktan ka na."

"Kahit magkaiba kayo?"

"Kahit langit at lupa kayo. Kahit maganda o hindi. Kahit mahirap o mayaman."

"Kahit ayaw niya sa'yo? Kahit kaibigan lang ang tingin niya sa'yo?"

"Aba, may tinutukoy na ba tayo dito?" kunwaring shocked na tanong ni Mama.

Namula ulit ako. "Si Mama talaga..."

Nauunawaang nginitian niya ulit ako. Kahit mukhang pagod at nanghihina, maaaninag pa rin kay Mama na masaya siyang kausap ako. "Ang pag-ibig, anak, hindi ipinipilit. Ang pag-ibig, gugustuhin mong mapabuti ang taong iniibig mo kahit na hindi ikaw ang magiging source ng kaligayahan niya. Hindi ka magiging makasarili. Ang pag-ibig marunong maghintay. Ang pag-ibig kahit kinakailangang ialay ang sariling buhay, gagawin mo. Iyon ang tunay na pag-ibig."

"Love bears all things..." sabi ko.

"...believes all things, hopes all things, endures all things," dugtong ni Mama.

"Love never fails," sabay na sambit namin. (1 Corinthians 13:7-8)

Napangiti kaming dalawa. Hawak pa rin niya ang kamay ko. Unti-unting pinapasok ang kakaibang pag-asa sa puso ko.

The Awesome GodWhere stories live. Discover now