One Date with J: Chapter 31

2.4K 70 7
                                    

Hinihintay ko si Kuya Lee. Nandito ako sa labas ng isang hindi masyadong sikat at mataong bar kung saan magkikita daw kami. Alas onse na nang gabi.


Sa wakas nayaya niya akong lumabas. Ilang araw na rin simula noong nagkompronta kami ni Alex at simula noong naglasing ako na kasama siya. Pero hindi ako nagmukmok sa bahay. Hindi ako nag-emo. Pumapasok ako sa trabaho. Araw-araw. Walang palya. Parang walang nangyari. Wala akong pakialam sa tsismis at sa mga tanong nang mga mahaderang katrabaho. Hindi ako tumigil sa pagtatrabaho dahil may responsibilidad ako. Hindi ko puwedeng unahin ang emosyon at sarili kahit gustuhin ko. Minsan ko nang ginawa iyon, muntikan na kaming pulutin sa kangkungan. Ayoko nang maulit. Bahay-trabaho, bahay-trabaho, trabaho-trabaho-trabaho...ganyan ang ginagawa ko. Uuwi lang para kumain, matulog at magpalit ng damit. Pinapatay ko ang sarili ko sa trabaho para makalimutan ko kung anuman ang mga naiisip ko at ang nangyari.


At salamat din sa Diyos hindi kami nagkikita ni Alex sa trabaho. Siguro alam na rin ni Alex ang tamang gawin.


Ngayon, napapayag na ako ni Kuya Lee na pakawalan ang trabaho at lumabas ng bahay. Ilang beses na rin niya akong inuungutan. Kung hindi lang sa sinabi niyang magpe-perform siya ngayong gabi, hindi niya ko mapapasama. Siyempre true friend, kailangang suportahan si Kuya Lee.


Ipinasok ko ulit ang mga kamay ko sa loob ng black jacket na suot ko. Malamig sa bandang lugar na ito. Akala mo magpapasko. Kanina pa ko dito sa entrance ng bar. Giniginaw na ko. Kanina ko pa din tinetext si Kuya Lee. Ang usapan namin dito kami magkikita pero hanggang ngayon wala pa siya.


Nag-vibrate ang cellphone ko. Nasa loob na daw siya. Pasok na daw ako.


Kahit nag-aalangan at naiilang sa lugar, ginawa ko na. Tutal, nandito na rin naman ako. Baka sakali ngang mag-enjoy ako, katulad ng sabi ni Kuya Lee. Nasa college pa ko noong huli ko siyang nakitang mag-perform. Sigurado mas magaling na siya ngayon.

Pagpasok ko sa loob, mas nailang at na-out of place ako. May kasama pang takot. Puro lalaki kasi ang mga nasa paligid, puro naka-itim, yung iba may mga tattoo, long hair at yung iba naman panay ang yosi at inom ng alak. Nakatingin ang iba sa akin. May kanya-kanya silang mga grupo habang nakaupo sa mga table. May iilang babae pero halatang sanay na sanay na sila sa lugar. Hindi sila katulad kong mukhang pusa na naliligaw. Hindi ko alam kung bar nang mga siga o rakista ang lugar na ito.


Nag-text ulit si Kuya Lee. Huwag daw akong aalis. Mukhang nakikita niya 'ko.


Muntikan na kong mapatili nang biglang mamatay ang mga ilaw at ang nag-iisang kulay green na ilaw sa gitna nang bar lang ang natira. Pero ang mga lalaki sa tabi ko, nagsimula nang maghiyawan at naramdaman kong nagsitayuan sila at nagsipuntahan sa unahan.


Maya-maya pa, umugong na ang pinakamalakas na tugtog ng gitara sa buong buhay ko. Napangiwi ako at napatakip sa tainga. Sinundan nang isa pang gitara, walastik na screamo ng vocalista, bass tapos ang inaabangan ko: Drums.


Natanggal ko ang mga kamay ko sa tapat ng tainga at napanganga ng makita kung sino ang drummer. Walang iba. Si Kuya Lee. Dito ko ulit siya napanuod mag-drums. Astig pa rin siya.


Nakalugay ngayon ang hanggang leeg na itim na buhok niya, nakasuot lang ng jersey at kupas na pantalon at sumasabay na naghe-headbang sa bawat palo ng drumsticks niya.

The Awesome GodTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon