One Date with J: Tetelestai Part I

829 44 5
                                    

Dear Abba,

I am writing this letter 2,000 years from now for my beloved friend Olivia. Alam ko sa mga oras na ito hindi ko na magagawang maipadala pa sa kanya ng personal ang sulat dahil kailangan ko nang tuparin ang misyon na itinalaga mo sa akin. Ang dahilan kung bakit ako bumaba dito sa lupa. Ang dahilan upang balang-araw, makasama natin siya sa ating kaharian.

Abba, nais kong sabihin sa kanyang mahal na mahal ko siya. Nais kong sabihin sa kanyang handa akong gawin ang lahat para sa kanya. Kahit ikamatay ko pa.

Nais kong malaman niya kung gaano siya kahalaga sa atin. Na natatangi siya sa ating mga mata. Ang hugis ng kanyang maliliit na mata, ang kanyang buhok, ang kanyang amoy, ang mumunti niyang daliri, ang bagsak ng kanyang mga paa tuwing naglalakad, ang paraan niya ng pagkain, ang mannerisms niya bago matulog, ang tunog ng kanyang tawa, ang kanyang mga ngiti, ang masakit sa pusong pag-iyak niya, gusto kong malaman niyang mahal na mahal ko siya. Mami-miss ko siya kahit panandalian ko lamang siyang iiwan. Habang wala ako, Ama, ikaw na pong bahala sa kanya.

Abba, nais kong maunawaan niyang ang lahat ng kasalanan ay may kabayaran. Ikaw, O Diyos, ay isang Diyos ng hustisya. At lahat ng pagkakasala sa iyo ay may katapat na parusa. Ang tanging kabayaran sa bawat kasalanan ay kamatayan. Sa mga mata ng mga tao, may maliit, mababaw, malaking kasalanan. Ngunit silang lahat sa'yo ay iisa. Walang makakalampas. Ang bawat kasalanan ay huhusgahan at pagbabayaran ng kamatayan. Ngunit ikaw rin ay Diyos ng pag-ibig. Mahal na mahal mo sila kaya't ayaw mo silang magdusa. Sa bawat pagkakasala, kinakailangang may mag-alay ng buhay. May magsakripisyo. Kung kaya't ipinadala mo ako.

Abba, hindi ko kayang isa-isahin sa 'yo ang bawat kasalanang nagawa ng kaibigan ko. Ngunit nakikiusap akong sa pamamagitan ko mapatawad mo siya. Alam kong ako lamang ang perpekto at natatanging makakagawa nito. Ako lamang na anak mo na itinalaga mo. Abba, ayoko rin siyang mahirapan. Ayoko rin siyang masaktan. Ayokong danasin niya ang ganito. Ang ipako sa krus. Hindi ko rin magagawang makitang pagdaraanan niya ang ganitong sakit. Kung kinakailangang ako ang gumawa nito upang huwag lang ulit siyang masaktan, gagawin ko. Sapat na ang mga pagdaraanan niya. Aakuin ko na ang isang ito.

Abba, handa kong tanggapin ang mga pang-iinsulto at maling akusasyon. Handa akong pagtawanan at alipustahin. Handa akong kwestyunin ng mga maling paratang. Handa akong itatwa ng sarili kong mga alagad. Handa akong sampalin, suntukin at duraan sa mukha. Handa akong sigawan. Iwanan, igapos at ikulong. Ituring na isang tunay na kriminal.

Abba, nais kong malaman niyang habang nilalatigo ako ng mahigit tatlumpu't siyam na beses, nasa isip ko siya. Gusto kong malaman niyang habang umaagos ang dugo, napupunit ang aking balat, nakikita ang laman, naiisip ko ang mga pangarap niya. Ang magiging buhay niya. Ang mga ngiti at tawa niya. Ang mga sulat niya. Ang pagmamadali niya sa pag-uwi mula sa eskwelahan upang maipadala sa kanyang ina ang sulat na nagawa niya para sa akin. Na ipagdarasal naman ng kanyang ina na basahin at dinggin ko ang mga dasal ni Olivia.

Abba, gusto kong malaman niyang habang nakayapak na nilalakad ko ang patungong Golgotha, iniisip ko ang isusuot niya, ang pagkain niya, ang pagpapaaral sa kanya, alam ko na kung ano'ng magiging propesyon niya, alam ko na papasa siya sa board exam dahil iyon din ang gusto kong mangyari sa kanya, iniisip ko na magmamahal na siya, magmamahal siya na parang wala ng bukas, na hindi iniisip ang sarili, kung tama o mali, magpapadala siya sa emosyon at sa dikta ng katawan at mundo. Pero kahit ganoon pa man, kahit magkasala siya, patatawarin mo siya, dahil binabayaran ko na ang mga kasalanang gagawin palang niya. Heto na.

Abba, patawarin mo siya sa kanyang mga kasalanan. Ang mga pagsisinungaling niya sa kanyang mga magulang. Ang pandaraya niya sa eskwelahan. At ang pagpatay niya sa kaibigan ng kanyang ama.

Abba, patawarin mo na siya sa kanyang mga maling relasyon. Kay Alex. Kay Lee. Sa mga katrabaho at naging kaklase niya. At sa iba pa. Sa paggamit niya sa kanyang katawan. Sa tawag ng laman. Abba, nauunawaan ko siya. Mahal ko siya. Pinapatawad ko na din siya.

Ngayon, habang nakikita kong inihahanda na nila ang malalaking pako na tutusok sa aking mga bisig, Abba, maaari mo bang sabihin kay Olivia na hinawakan ko siya noong isinilang siya, noong walang nag-alok ng kamay noong nadapa siya sa eskwelahan at pinagtawanan siya ng mga kaklase niya, noong kinuha niya sa entablado ang diploma ng makatapos siya ng pag-aaral, noong kinamayan siya ng matanggap siya sa trabaho.

Abba, maaari mo bang sabihin sa kanyang alam ko rin ang pakiramdam ng masaktan. Kaya't hindi niya kailangang solohin ang lahat. Hindi niya makukumpara ang sakit na nararamdaman ko ngayon habang pinapako nila ang mga kamay at paa ko upang maging karapat-dapat siya sa'yo. Abba, nasasaktan ako ngayon, hindi lamang pisikal ngunit pati emosyonal. Ang sakit kapag pinaparamdam ko sa kanyang nandito lang ako, pero humihingi pa rin siya ng comfort mula sa ibang tao, 'yung sakit kapag gusto ko siyang kausapin ngunit mas pinipili niyang matulog na lamang, 'yung sakit tuwing tinatawag niya lamang ako kapag kailangan niya ako, kapag may problema lang siya, pero kapag nasolusyonan ko na, hindi na niya ko maalala.

Abba, maaari mo bang sabihin sa kanyang hinding-hindi ko titingnan ang mga kamalian niya, ang kahinaan niya, ang imperfections niya, ngunit ang nakikita ko ay si Olivia na anak mo, isang Prinsesa, na kahit ilang beses man siyang madapa, nandito ako upang ibangon siya, lulukuban siya ng aking mga pakpak at itatayo ko siya ng mas matibay pa kaysa sa una.

Abba, nais kong malaman niyang bago ako malagutan ngayon ng hininga, na mahal na mahal ko siya. Mahal na mahal. Sampu ng lahat ng taong nabuhay dito sa lupa. Ganito ko siya kamahal. Ganito ko sila kamahal.

Abba, nararamdaman ko na. Pumapasok na. Ang bigat. Sobrang bigat. Ganito pala ang pakiramdam ng maging makasalanan. Ganito pala ang pakiramdam kapag napapalayo sa'yo. Sa unang pagkakataon, naramdaman ko ito. Hindi mo ko kayang tingnan. Lumalayo ka dahil sa kasalanan ng mga taong nasa akin na ngayon. Diyos ko...Diyos ko...bakit mo po ako pinabayaan?

Nauuhaw ako. Nauuhaw ako sa presensiya ng aking ama. Ngunit alam kong sa pamamagitan ng lahat ng ito, sa pag-aalay ng dugong ito at sa kamatayan kong ito, natalo na ang kasamaan, sisirain ko na ang bakod ng impyerno. Natupad ko ang propesiya. Tapos na.

Tetelestai.

Your begotten Son,

Jesus Christ

The Awesome GodTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon