The Island Massacre Part II: Helena

11.5K 269 48
                                    

Lakad. Takbo. Lakad. Takbo.


Iyan ang ginagawa namin ngayon habang tinatakasan ang dalawang piratang humahabol sa amin. Akay at bitbit namin ni Ate Julie ang mga batang kasama namin. Panay rin ang giya ko kay Ate Julie kung saang direksyon pupunta. Kung liliko o didiretso. Kung hihinto o tatakbo. Ilang beses na alam kong gusto niyang hawakan ang kamay ko para mas makaagapay sa akin pero dahil sa mga batang dala ko, hindi niya ako mahawakan at hindi ko siya maalalayan.


Hingal, iyak at kaluskos ng mga tuyong damo lang ang maririnig sa paligid habang binabagtas namin ang malawak na taniman ng mais. Nakalabas na kami ng bayan at papunta sa kabundukan. May nag-iisang bundok sa buong isla. Pinakamataas na lugar iyon at ang alam ko, dulong bahagi na rin iyon ng isla. Hindi ako sigurado sa ginagawa ko, pero gusto kong umasang papunta nga kami sa mas ligtas na lugar.


"Anita!" napasigaw si Ate Julie ng makalas sa hawak niya ang kamay ng walong taong gulang na batang babaeng kanina lang ay isa sa mga masayang naglalaro ng chinese garter sa tabi ng fountain. Sinong mag-aakalang tumatakbo na kami ngayon para iligtas ang buhay namin?


Napatigil ako sa pagtakbo at nilingon sila. Nadapa si Anita at hindi alam ni Ate Julie kung paano ito tutulungan. Kinakapa nito sa hangin ang kamay ng bata.


Ibinaba ko ang mga batang bitbit ko. "Mauna na kayo," utos ko sa kanila.


"Pero, Pula..." anang isa. Nagpoprotesta.


Hinawakan ko ang buhok niya. "Susunod kami. Basta tumakbo na kayo. Magtago kayo kapag may nakita kayong tao," tumalikod ako at binalikan sina Ate Julie. Hindi pa rin makabangon si Anita. Panay lang ang iyak niya habang nakasubsob sa mga damo. Wala nang isang kilometro ay nakita kong palapit na sa amin ang dalawang pirata. Ang bibilis tumakbo ng mga ito.


Paglapat na paglapat ng mga paa ko sa harap nila ay mabilis kong itinayo si Anita. Hindi ko ininda ang bigat niya at paglagutok ng mga buto ko. Puno ng dugo ang magkabilang tuhod ng bata at mas lumakas ang iyak niya ng sapilitan ko siyang pinatayo. Tinulak ko si Ate Julie. "Takbo na, Ate."


"Pula!" aniya ng maramdaman yatang hindi na ako sasama sa kanila.


"Mas importanteng makaligtas kayo," nagmamadaling sabi ko. "Dalian niyo na."


"Hindi, Pula..." hinawakan niya ang isang kamay ko. Ang kulay abo niyang mga mata ay tumama sa akin. Pakiramdam ko tuloy ay nakikita niya ako. Nangingilid sa luha ang mga iyon. Nakikiusap. "Hindi ka namin puwedeng iwan," pinisil din niya ang kamay ko na tila nagmamakaawa. "Tatakas tayong magkakasama. Walang iwanan."


"Sige na, Ate Julie..." pagmamakaawa ko rin sa kanya. Itinalikod ko siya. Iniharap sa direksyon na pupuntahan namin. "Diretso lang. Sundan mo ang ihip ng hangin. Sa dulo ng maisan, makakaamoy ka ng usok. Nandoon ang bahay ni Ka Nena. Humingi kayo ng tulong sa kanya. Magtago kayo doon. Alam ng mga bata ang lugar na iyon. Bilisan niyo."


Umiling si Ate Julie at mas humigpit ang kapit sa kamay ko pero pinalis ko iyon. Pinatakbo ko na siya kasama ang mga bata.


Nilingon ko ang dalawang paparating na pirata. Kumakabog ng malakas ang dibdib ko. Natatakot ako. Pinaikot ko ang mga mata ko at naghanap ng maisasandata sa sarili.

The Awesome GodTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon