The Island Massacre Part I: Helena

29.9K 474 120
                                    

Si Aling Chichay ang paborito kong tao sa buong mundo. Ganoon din si Mang Ramos, si Aling Bebeth, si Ate Julie, si Rap-Rap, si Budang at kahit si Kuya Reward.

Mahal ko sila. Mahal na mahal ko sila.

Kasi mababait sila. Kasi magaganda sila. Sila ang pinakamagagandang taong nakita ko sa buong buhay ko.

Si Aling Chichay ay may maliit na katayan ng baboy sa bayan. Sa loob ng palengke. Tuwing umaga, pagkagising ko, dinadaanan ko siya sa bahay nila para tulungan. Alas kuwatro palang ng umaga, nagtitinda na si Aling Chichay ng karne kasama si Bruno. Yung itim na asong alaga niya. Mabait din si Bruno kahit puro galis at mahilig kumain ng mga nalalaglag na karne. Kaibigan ko rin siya. Palagi siyang pinapalo at sinusumpit ni Kuya Reward.

Tagalinis ako ni Aling Chichay sa tindahan. Taga-walis ng putik sa daan, taga-punas, taga-lagay ng mga karne at taga-hugas ng mga itak. Kapag maaga pa, tagalinis rin ako ng pampublikong kubeta sa palengke. Lahat ng klase ng tae at ihi naamoy at nakita ko na.

Binabayaran ako ni Mang Ramos ng trenta pesos sa paglilinis. Iyon ang ipambibili ko ng tinapay at keso bilang almusal at hapunan na rin kapag may natira pa.

Ang tawag sa akin ng mga tao sa buong isla, si Pula. Wala akong pangalan. Iyon na lang ang binansag nila sa'kin.

Nakatira ako sa maliit na kubo sa tabing-dagat ng isla. Parang ako na rin ang tagabantay ng isla dahil ako lang ang naglalagi roon. Kalaro ko ang maputing buhangin, kausap sa gabi ang hampas ng alon at kumot ko ang kiskisan ng mga dahon ng niyog sa paligid. Hindi ko na alam kung ilang taon na ako. Hindi ko rin alam kung anong kasarian ko. Hindi ko pa nakikita ang sarili ko kahit sa repleksyon ng tubig ng dagat. Pero ganoon pa man, naniniwala akong kasing ganda rin ako ng mga taong kasama ko sa islang ito.

Maaga akong nakatapos sa gawain ko kanina. Galante si Mang Ramos, binayaran niya ako ng singkwenta pesos. Binigyan naman ako ni Aling Chichay ng kapirasong karne. Nadaanan ko rin si Aling Bebeth. Napansin niya 'yung sugat sa kanang kamay ko. Natuluan nang panlinis sa banyo habang naglilinis ako. Muriatic acid daw ang tawag doon. Binigyan niya ako ng gasa. Nag-alok siyang linisin iyon para sa akin, pero tumanggi ako.

Hawak ang pera, dumiretso ako sa tindahan nina Rap-Rap. Mukhang baboy siyang bata na tagabantay ng paniderya nina Budang. Nanay niya si Budang. Wala daw asawa si Budang. Inanakan lang daw.

"Pula," bati agad sa akin ni Rap-Rap ng makita ako. Suot na naman niya yung guhit-guhit na itim at puting damit at kupas na shorts na kulay berde. May hawak siyang chichirya. Kasing dami na nang bilbil niya sa tiyan yung baba niya. Dinig sa loob ng paniderya nila ang ingay na nanggagaling sa telebisyon. Boses ni Doraemon.

"Kumusta?" bati ko sa kanya at sumampa agad sa rehas ng bakery. Nakisilip sa mukha ni Doraemon.

"Ayos lang. Anong nangyari sa kamay mo?" puna agad ni Rap-Rap ng makita ang natutuklap na balat sa kanang kamay ko. Tingin ko, malapit nang mag-nana iyon.

"Natuluan ng suka," iyon ang tawag ko sa muriatic acid dahil dating pinagtangkaang inumin iyon ni Budang. Buti na lang nakita ni Mang Ramos, agad na napigilan at pinadala kay Ka Nena si Budang. Pinausukan. Sabi, gusto daw magpakamatay ni Budang. Sabi naman ni Budang, akala niya suka. Hindi ko alam kung sino'ng nagsasabi ng totoo.

"Dalin mo kay Ka Nena," suhestyon ni Rap-Rap tungkol sa sugat ko. Lola niya si Ka Nena.

Nagusot ang ilong ko. Hindi ko gusto si Ka Nena. Nakakatakot kasi siya. Mukhang mangkukulam. "Mawawala din ito. Pagbilhan na lang ng pandesal," ibinigay ko kay Rap-Rap ang singkwenta pesos. May sukli pa iyon pero iipunin ko para may pera pa ako bukas. "Samahan mo na nang mantikilya."

Matapos bumili ay pumuwesto ako sa paborito kong tambayan sa bayan. Doon sa tabi ng puting fountain. Nasa sentro iyon ng bayan at kita mo ang lahat ng nangyayari at ginagawa ng mga tao sa paligid. Masarap doon kasi mahangin at malinis ang tubig na lumalabas mula sa fountain. 

The Awesome GodHikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin