One Date with J: Chapter 32

2K 77 12
                                    

Nagkita kami sa paborito naming lugar. Sa lugawan. Doon ko na lang daw siya puntahan. Huwag na sa 7-Eleven.


Naabutan ko si Kuya Lee na nakatungo at nakapangalumbaba sa cellphone niya. Medyo gusto kong matawa dahil bihis na bihis ang unggoy. Nagpabango pa. Humahalimuyak. Ngumiwi ako sa kanya nang mag-angat siya ng tingin at magsalubong ang mga mata namin.


"Nganga?" tanong ko. Trying na magbiro.


Suminghot lang siya. Doon ko napansin na namumula pala ang mga mata niya. Hala, ang rakistang painter napaiyak ng isang twenty one years old na ex-girlfriend niya.


Naupo ako sa harap niya. Pumalatak. "'Yaan mo na 'yun...may mga babae talagang bobo pumili ng mamahalin," tinapik ko siya sa balikat.


Nakapangalumbaba pa rin si Kuya Lee. "Hindi ko akalain na totoo ang sinasabi niya. Ayoko pa kasing maniwala. Pero totoo pala talaga, may iba na siya."


Hindi ako nakapagsalita. Alam ko 'yung nararamdaman niya.


Bumuntung-hininga si Kuya Lee at hinawi ang kanyang mahabang buhok. "Nag-away kami last month. Ako ang may kasalanan. Napapansin ko na kasing parang nanlalamig siya. Hindi na siya masyadong nagtetext at tumatawag. Hindi na rin siya masyadong nagpapakita sa'kin. Inaway ko siya tapos nakipag-break ako. Pabebe na break lang para magkita kami at malambing ko siya. Miss na miss ko na kasi siya. Tinotoo pala niya. Ngayon, naghahabol ako, sabi niya kailangan daw muna niya ng space. 'Wag ko daw muna siyang istorbuhin. Bigyan ko daw siya ng isang linggo. Kapag okey na daw siya magbabalikan na daw kami."


"Pero hindi nangyari..." sabi ko. "Naka-hang ka pa rin."


"Kaya sinasabi ko palagi na kapag nagbalikan na kami, seseryosohin ko na talaga. Pakakasalan ko na talaga siya. Eh kaso kanina, habang hinihintay ko siya, nagtext siya. Hindi na daw siya pupunta. Umuwi na daw ako. Sinabi na niya 'yung totoo, ayaw na daw niya kong makita. May bago na daw siyang syota."


Ouch.


Kumunot ang noo ni Kuya Lee. Halatang buwisit. "Bakit ang mga babae manloloko?"


"Hoy," pinandilatan ko siya. "Wag mong lahatin. Bumusina ka. May babae dito!"


"Hindi ka naman babae, Oliver."


Inirapan ko siya.


Bumuntung-hininga ulit si Kuya Lee. Nilalaro sa isang kamay ang cellphone niya. Laglag sa mukha ang mahabang buhok. "Kailan kaya ako makakahanap ng isang babaeng mamahalin ako? 'Yung hindi manloloko? 'Yung seseryosohin rin ako? Kasi palagi na lang ganon ang nangyayari sa'kin. Pinaglalaruan lang nila 'ko."


"Hindi ka nag-iisa sa wish na 'yan," sabi ko. "Never ka pa talagang nanloko ng babae, Kuya?" tanong ko. Hindi ako makapaniwala sa kanya. May nabubuhay pa palang katulad niya.


Umiling siya. "Hindi ako gano'n."


Tumango-tango ako. "Endangered species ka talaga," kinawayan ko 'yung padaan na waiter. Maka-order na nang lugaw para matigil sa pag-e-emote ang kasama ko. Pasisinghutin ko 'to ng lugaw para makalimot.


"Olive?" tawag sa'kin ni Kuya Lee. Hindi ko pansin na nakatitig pala siya sa'kin.


Nilingon ko siya. "Ha?"


"Tayo na lang kaya?"


Nakalimutan ko ang lugaw.

The Awesome GodWhere stories live. Discover now